Nokturno
salin ng “Nocturno” ni Rubén Darío.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Ikaw na duminig sa tibok ng puso ng gabi
ikaw na sa gabi’y balisâ at dinig ang pintông
puminid, ang sigaw ng kotse doon sa malayò
ang tunog na munting umaalingawngaw sa tabi. . .
Sa bawat sandaling hiwaga ang maging tahimik,
at bawat dumating na tao’y nagmula sa selda
sa oras ng patay, sa oras ng higit na sará
ay mababása mo ang guhit ng buntis na pait!
At gaya ng hungkag na basong nilamnan ng kirot
ng mga gunita at sumpang sa puso’y kay málas
ang bigat ng budhi, na lasing sa mga bulaklak,
ang buong pighati ng puso na pistang malungkot.
Ang pasán ng maging mabigo sa dapat matamo
ang wasak na kuta ng hari na sana’y naangkin
ang diwang tumimo na hindi sumilang sa ningning
ang mithi ng aking pag-iral noon pa sa mundo!
Umahon ang lahat sa katahimikang kay lawak
na gabi’y nilukob ang bayang ilusyon sa tanaw
at ako’y bumalik na hiyaw sa dibdib ng bayang
tinuhog, niyugyog ang ubod ng pusong umiyak.