Ang Sikmurà ng París (Le Ventre de Paris)
nobela ni Émile Zola.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Unang Kabanata
Sa napakatahimik na abenidang walang katao-tao, ang mga kariton ay umandar tungong Paris, at ang ritmo ng langitngit ng mga gulong ay umaalingawngaw laban sa harapan ng mga nahihimbing na bahay sa magkabilang panig ng kalsada, sa likod ng madilim na hubog ng mga olmo. Nagtagpo ang karitong hitik sa repolyo at ang isa pang punô ng gisantes sa Tulay ng Neully na may walong karitong karga ang mga karot at nabo mula sa Naterre; lumakad ang mga kabayo ayon sa nais ng mga ito, at lalong bumagal nang sumapit sa daang paahón. Ang mga karitonero, na nakadapa sa kama ng mga gulay, ay naidlip habang tangan ang renda at ang kanilang abrigo, na may guhit ng itim at pilak sa kanilang likuran. Panaka-nakang natatanglawan ng gasera ang mga dulo ng bota, ang bughaw na manggas ng blusón , o ang taluktok ng gora, sa gitna nitong malawak na kalipunan ng mga gulay—tumpok ng mga pulang karot, tumpok ng mga puting nabo, at ang mayamang imbakan ng mga gisantes at repolyo. Sa kahabaan ng kalsada, at sa mga kanugnog na kalsada, sa harap at sa likod, ang malayong garalgal ng mga kariton ay nagpapahiwatig ng kahawig na dalúlong na naglalakbay sa gabi, na pinahihimbing ang madilim na lungsod sa tunog ng ibinibiyaheng pagkain.
Si Baltazar, ang bundat na kabayo ni Ginang François, ang nanguna sa prusisyon. Lumakad ito nang tutulog-tulog, pumipilantik ang mga tainga, hanggang nang marating ang Kalye Longchamp ay bumatak at biglang huminto. Bumundol ang mga kabayo sa mga karitong nasa harap, at huminto ang prusisyon sa gitna ng kalantog ng metal at pagmumura ng mga kutserong nayanig at naalimpungatan. Si Ginang François, na paupông nakasandal sa tablang naglalamán ng mga gulay, ay lumingon, ngunit ni hindi makaaninag ng anuman sa makulimlim na munting parisukat na lampara sa kaniyang kaliwa, na tumatanglaw nang bahagya sa isa sa mga tablang kumikinang ni Baltazar.
“Sige na, matandang dalaga, umandar na tayo!” sigaw ng isa sa mga lalaki, na bumangon nang paluhod sa mga nabo[i]. “Baká may gagong lasing na naman diyan.”
Si Ginang François, gayunman, ay dumungaw nang paliyad, at sa ibaba sa gawing kanan, ay nasilayan ang maitim na hulagway na nakadapa sa daan, at halos na ilalim ng ilong ng kabayo.
“Gusto mo bang sagasàan namin ang kung sino?” aniya, at lumundag sa lupa.
Nakadapâ nang nakadipá sa maalikabok na daan ang lalaki. Waring mahaba siya at simpayat ng kalaykay; kataka-takang hindi siya nayapakan at binalian ni Baltazar. Inakala ni Ginang François na patáy na ang lalaki; yumuko siya at kinuha ang isang kamay nito, at nabatid na mainit-init pa ito.
“Kaawa-awa!” bulong niya.
Di-mapakali ang mga kutsero.
“Hayo na!” malát na sabi ng lalaking nakaluhod sa mga nabo. “Lasing lang ang baklang iyan! Itulak mo sa kanal.”
Ngunit dumilat ang lalaki. Tumitig siya nang walang tinag kay Ginang François. Naisip ng dilag na langô nga ang lalaki.
“Hindi ka makapagtatagal dito,” aniya, “o kung hindi’y masasagaan ka. Saan ka ba papunta?
“Hindi ko alam,” malát sa saad ng lalaki. Pagdaka, idinagdag niya nang may pagsisikap at di-makaling titig: “Patungo ako ng Paris. Nawalan ako ng malay, at iyon ang huli kong natatandaan.”
Higit na luminaw ang tingin ng babae sa lalaki. Mukhang kaawa-awa ang lalaki, na nakaitim na abrigo at pantalon, na numinipis sa tastas, at halos maaninag na ang kaniyang butuhang binti at hita. Ang kaniyang itim na sombrerong tela, na hinaltak pababa sa noo sa pangambang makilala siya, ay nagbubunyag ng dalawang matang mala-kape, na kumikislap nang banayad sa kaniyang pagal na mukha. Naisip ni Ginang François na napakapayat nito para maglasing pa.
“Saang panig ka ng Paris papunta?” ani Ginang.
Hindi agad tumugon ang lalaki. Waring nakabalisa sa kaniya ang pagtatanong. Mukha siyang nag-isip, at bantulot na tumugon:
“Doon sa mga palengke.”
Tumindig nang pasuray ang lalaki, at tila sabik na ipagpatuloy ang paglalakbay. Ngunit humapay siya at napahawak sa isa sa mga tatangnan ng kariton.
“Pagod ka ba?” usisa ng babae.
“Oo, pagod na pagod,” sagot ng lalaki.
“Pagdaka’y biglang tumaas ang kaniyang tinig, at waring naiinis. Itinulak niya ang lalaki, saka sinabing:
“Sumakay ka na sa kariton. Nagsasayáng tayo ng oras. Patungo ako sa mga palengke. Ibababâ kita sa bagsakan ng mga gulay.”
Itinulak ng babae ang lalaki na tila bantulot at halos mapasubsob sa mga nabo at karot.
“Sige na, huwag mo na kaming patagalin,” sigaw ng babae. “Huwag mo na akong buwisitin Hindi ba sinabi kong papunta kami sa mga palengke? Matulog ka muna. Gigisingin kita kapag sumapit na tayo roon.”
Umakyat pabalik sa kariton ang babae at umupo nang patagilid, at sumandal sa tabla, habang tangan ang renda ni Baltazar. Inaantok na umusad ang kabayo, na pinapipilantik ang mga tainga. Sumunod ang iba pang kariton, at ipinagpatuloy ng dalúlong ang mabagal na paglalakbay papaloob sa karimlan, habang ang maindayog na langitngit ng mga gulong ay umalingawngaw muli laban sa harapan ng mga bahay, at ang mga karitonero, na nababalot ng kanilang abrigo, ay napaidlip muli. Ang lalaking tumawag kay Ginang François ay humiga, at bumulong:
“Para bang wala na tayong mabuting magagawa kundi magsakay ng mga lasing na makasalubong! Napakabait mo!”
Umandar ang mga kariton, na ang mga kabayo’y nakatungó, at marahang umusad ayon sa nais ng mga ito. Nakadapâ ang estranghero, na ang mga hita’y tumakip sa mga nabo na pumunô sa likuran ng kariton at ang kaniyang mukha’y pasubsob sa tumpok ng mga karot. Mahigpit siyang humawak sa kama ng mga gulay kahit pagod, sa takot na tumilapon kapag nalubak ang kariton, at ang kaniyang mga mata’y pumakò sa dalawang linya ng mga lamparang de-gaas, na ang sinag na humahaba’y nagsasanib sa malayo, sa piling ng iba pang ilaw sa tuktok ng dalisdis. Sumampay sa panganorin ang makapal na ulap, na ipinamamalas kung saan nahihimlay ang Paris sa makinang na usok ng lahat ng apoy. (I T U T U L O Y. . . .)
[i] Itinumbas sa “turnip” ng Ingles ang “nabo” na hango sa Espanyol.