Kay Roosevelt

salin ng “A Roosevelt” ni Rubén Darío ng Nicaragua.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kay Roosevelt

. . . . Ang himig ng Bibliya, o ang tula ni Walt Whitman,
ang tinig na dapat sumapit sa iyo, Kasador,
na sinauna at makabago, payak at masalimuot,
isang bahagi mo’y si Washington at kalahati’y si Nimrod.

. . . . Ikaw ang Estados Unidos, ang mananákop
sa hinaharap ng aming muslak na Amerika,
na may dugong katutubo, at sumasamba
kay Kristo ngunit patuloy na nagwiwika sa Espanyol.

. . . . Malakás, maángas kang modelo ng iyong lahi;
sibilisado ka at may kakayahan; salungat kay Tolstoy.
Nagpaamo sa mga kabayo o pumaslang ng mga tigre,
ikaw ang pinagbiyak na Alejándro-Nebukodonosor.
(Ikaw ang propesor ng enerhiya,
gaya sa kurò- kurò ng mga luko-luko.)

. . . . Inisip mo ang buhay ay sumisiklab na apoy,
na ang progreso ay pagsabog,
na ang hinaharap ay siyang sinasapol
ng mga bála kung saan.

. . . . Hindi.

. . . . Dakila at makapangyarihan ang Estados Unidos.
Kapag ito’y yumanig, ang matinding paglindol
ay gagapang pababa sa higanteng gulugod ng Andes.
Kapag ito’y sumigaw, waring atungal iyon ng leon.
Sambit ni Hugo kay Grant: Iyo na ang mga bituin.
(Halos di-sumikat ang Arhentinong araw;
ang talà ng Chile ay sumisilang. . .) Mayamang bayan,
sumapi sa kulto ni Mammón hanggang kulto ni Herkules;
habang ang Libertad ay itinaas ang sulô sa Nuweba York
para mapadali ang paglupig.

. . . . Ngunit ang ating Amerika, na may mga makata
mula pa noong sinaunang panahon ng Nezahualcóyotl,
na pinanatili ang mga bakás ng paa ng dakilang Báko,
at minsang pinag-aralan ang Pánikong alpabeto,
at sinangguni ang mga bituin; na batid ang Atlantis
(na ang ngalan ay umalunignig sa atin kay Platón)
at umiral, noong pinakamaagang sandali ng búhay,
sa liwanag, sa apoy, sa halimuyak, at sa pag-ibig—
ang Amerika ng Moctezuma at Atahualpa,
ang Amerika na mabangó ni Cristobal Colón,
ang Amerika Katolika, ang Amerika Espanyola,
ang Amerika na ani maginoong Cuahtémoc:
“Hindi ako higaang pulos rosas”—ating Amerika,
nangangatal sa buhawi, nanginginig sa pag-ibig:
O mga lalaking may mata ng Sahones at barbarong
kaluluwa, mabubuhay ang aming Amerika.
At ang mga pangarap. At magmamahal at pipintig,
at ito ang supling ng Araw. Mag-ingat.
Mabuhay ang Amerika Espanyola!

. . . . Sanlibong munting Leóng Espanyol ang malayang
gumagala. Roosevelt, dapat kang maghunos, sa utos
ng Maykapal, na teribleng mamamaril at malakás
na Kasador, bago kami saklutin ng mga bakal mong kuko.

. . . . Taglay man ang lahat, isa ang kulang mo: Diyos!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.