salin ng “Canto de Esperanza” ni Rubén Darío ng Nicaragua.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Awit ng Pag-asa
Dinungisan ng kawan ng uwak ang asul na langit.
Ang dantaon nilang hininga’y ano’t salot ang hatid.
Nagpapatayan ang mga tao’t bigo’t poot na umalis.
Isinilang na ba ang apokaliptikong Anti-Kristo?
Lumitaw ang mga babala’t pangitain sa mundo;
ang pagbabalik ni Kristo ay kaganapang totoo.
Ang lupain ay hitik sa malalalim na hapdi at kirot.
Ang dugong bughaw na nag-iisip at nalulungkot
ay tumatangis, na pupunit sa pusong kay lambot.
Mga berdugo ng mithi ang nagpaparusa sa bayan,
isinilid ang sangkatauhan sa yungib na malamlam,
upang tugisin at lurayin ng mga aso ng digmaan.
Panginoong Hesukristo, ano’t kay tagal dumating
ng palad mong may sinag na sa halimaw ay kikitil,
at ng mga banderang wumawagayway sa ningning?
Bumangon agad at sagipin kami nang anong tamis
kaming mga gutóm, namimighati, o sira ang bait
at naglandas nang bulag sa liwayway na sumapit.
Halina, aming Poon, para sa iyong kadakilaan.
Halina’t dalhin ang ngatal na bituin at pagkagunaw
at ihain ang katarungan at pag-ibig sa iyong paanan.
Paraanin ang kay lagim na kabayong lalamon sa talà!
Patunugin ang natatanging pakakak na tumatamà!
Puso ko’y munting titis sa insensaryo mong likha.
Nahimok ang puso ko sa ng nabasa ko ito, nagbigay sa akin ng inspirasyon para lalo kung lakasan ang aking loob na may pag.asang dadating sa kabila ng pagsubok sa ating buhay. Sa kabila ng lahat, may Diyos na magbibigay sa atin ng lakas at pananalig sa kanya upang lampsan ang mga pagsubok na ito.
LikeLike