Amansinaya Añonuevo performs Nikita Koshkin’s Ballads, second and third movements.
Isinilang sa Moscow, Russia noong 1956, si NIKITA KOSHKIN ay kompositor, gitarista klasiko, at guro sa modernong panahon. Nakilala siya mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas sa kaniyang akdang Usher-Waltz, na humuhugot ng alusyon sa nakapangingilabot na kuwentong “The Fall of the House of Usher” (1839) ni Edgar Allan Poe. Kabilang sa kaniyang mga konsiyerto para sa gitara at orkesta ang Concerto Grosso, Megaron Concerto, at Bergen Concerto na pawang itinanghal, at umani ng paghanga mula sa publiko. May 41 komposisyon siya para sa solong gitara, na ang pinakabago ay 24 Preludes and Fugues, bukod sa mahigit 10 para sa dalawahan, tatluhan, at apatang gitara. Pambihira din ang kaniyang dedikasyon sa restorasyon ng musika, gaya ng ginawa niya sa Sonata Prima (1822) ni Fernando Sor, na estilistang binuo muli sa guniguni ang musika ng siglo 19. Ang Ballads: Suite for Solo Guitar (1998), na inialay niya sa Rusong gitaritarista na si Vadim Kouznetov, ay isinulat sa estilong popular at may bahid ng rock, at itinuturing niyang isa sa kaniyang mahuhusay na katha.