ni Baek Seok, Hilagang Korea
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles nina Chae-Pyong Song and Anne Rashid.
Ngayong gabi’y umuulan ng niyebe,
Dahil ako, na isang maralita,
Ay umiibig sa marikit na si Natasha.
Mahal ko si Natasha,
At walang humpay ang buhos ng niyebe,
Habang mag-isa akong umiinom ng basi.
Naiisip ko habang tumotoma ng alak:
Sa gabing umuulan nang walang humpay
Ang niyebe, nais kong sumakay ng puting asno
Habang angkas si Natasha, tungo sa liblib,
nagluluksang nayon sa bundok, at tumira sa baláy.
Walang humpay ang buhos ng niyebe.
Iniibig ko si Natasha.
Paparating na marahil si Natasha.
Nang sumapit siya nang tahimik ay winika sa akin:
“Iwinawaksi mo ang daigdig dahil magulo ito,
Ngunit ang pagtungo sa liblib na bundok ay hindi
Kailanman magiging katumbas ng pagkagunaw nito.”
Umuulan ng niyebe nang walang humpay,
Ang napakagandang si Natasha ay iibigin ako,
At sa kung saang pook, hihiyaw din ang puting asno
Dahil sa labis na galak ngayong magdamag.