“Sukdol ng Tagsibol,” ni Hàn Mặc Tử 11/20/201701/29/2018 / Roberto Añonuevo / Mag-iwan ng puna Sukdol ng Tagsibol [Mùa xuân chín] Salin ng tula ni Hàn Mặc Tử (Nguyễn Trọng Trí) ng Vietnam. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas. Nalusaw sa lantay na sinag ang ibig, Kuminang ang pares na bulawang bubong. Nilaro ng simoy ang lungtiang damit Sa pinong arbol. Nukad ang tagsibol. Umalon ang damo patungo sa ulap, Sa loob ng ili’y dinig ang awitan. Baká búkas lámang, may binatang hangad Magpakasal, sakâ ang hayop ay iwan. Ang himig ng awit sa rurok ng bundok Ay wikang banayad ng langit at sapà; Doon sa kawayan ang bulong ay tibok Na ano’t kay-lamyos pagdait sa bagà. Ang mga bisita’y hatid ang tagsibol, At ibig umuwi ng bahay ang dilág: Papasan pa kaya ng palay maghapon Pagtawid sa pasig sa tanghaling tapát?