Ang Sugat
Salin ng tulang “The Wound” ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber), batay sa salin sa Ingles ni Khaled Mattawa.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
1.
Ang mga dahong nahihimbing sa lilim ng simoy
ang barko ng mga sugat,
at ang mga panahong gumuho’t tumabon sa isa’t isa
ang kadakilaan ng sugat,
at ang mga punongkahoy na umaahon sa mga pilik
ang lawa ng sugat.
Ang sugat ay matatagpuan sa mga tulay
na nagpapahabà ng libingan,
at ang pagtitiis ay umiiral nang walang katapusan
sa pagitan ng mga pasig ng ating pag-ibig at pagyao.
Ang sugat ay isang senyas,
at ang sugat ay isa ring salupungan.
2.
Sa wikang sinakal ng mga kumakalembang na batingaw,
inihahandog ko ang tinig ng sugat.
Sa bato na nagmumula sa malayo
sa tuyot na daigdig na nadudurog na alabok
sa panahong isinasakay sa mga lumalangitngit na trineo,
sinisindihan ko ang siga ng sugat.
At kapag nagliliyab sa loob ng aking damit ang kasaysayan,
at kapag tumubò ang mga asul na kuko sa aking mga aklat,
sisigaw ako sa sandaling iyon,
“Sino ka? Sino ang nagpadpad sa iyo
sa aking básal na lupain?”
At sa loob ng aking aklat at sa aking básal na lupain
ay tititig ako sa pares ng matang nabuo mula sa alabok.
Narinig kong nagwika ang kung sinong tao,
“Ako ang sugat na isinilang,
at lumalagô gaya ng paglagô ng iyong kasaysayan!”
3.
Tinagurian kitang ulap,
ang sugat ng lumilisang kalapati.
Tinagurian kitang aklat at panulat
at dito’y sinisimulan ko ang diyalogo
sa panig mo at ng sinaunang dilà
sa pulô ng mga aklat
sa arkipelago ng sinaunang taglagas.
At dito’y nagtuturò ako ng mga salita
sa hangin at sa mga palma,
O sugat ng lumilisang kalapati!
4.
Kung mayroon akong pantalan sa lupain
ng mga pangarap at salamin, kung may barko ako,
kung may mga labî ako ng lungsod
sa lupain ng mga bata at nangagsisitangis,
naisatitik ko sana ang lahat ng ito para sa sugat,
isang awit na gaya ng sibat
na tumatagos sa mga punongkahoy, bato, at langit,
sinlamyos ng tubig
na hindi mapipigil, at nakayayanig, gaya ng paglupig.
5.
Ulanin ang aming disyerto
O daigdig na pinalamutian ng pangarap at pag-asam.
Bumuhos, at gulantangin kami, kami, ang mga palma ng sugat,
hiklatin ang mga sanga mula sa mga punongkahoy ng sinumang ibig
ang pananahimik ng sugat, na nakahiga nang gising,
at nakatitig sa malalantik na pilik at malalambot na palad.
Daigdig na pinalamutian ng pangarap at pag-asam
daigdig na nahuhulog sa aking kilay
tulad ng hagupit na nagbabakás ng isang sugat,
huwag nang lumapit pa—ang sugat ay lalong matalik—
Huwag akong tuksuhin, dahil ang sugat ay higit na marikit.
Lumipad sa mga nakaraang kaharian
ang mahika ng iyong paningin—
ang sugat ay naglandas palampas doon,
lumagpas at ni hindi nag-iwan ng isang layag
upang mang-akit ng kaligtasan, at hindi nag-iwan
ng kahit isang pulô.