“Ang Panginoon ang aking Pastol,” ni T.S. Farisani

Salin ng mga tulang “The Lord is my Shepherd” ni T.S. Farisani (Tshenuwani Simon Farisani) ng Timog Africa.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 sa Pietermaritzburg at Howick
Marso 13–Hunyo 4, 1977

Ang Panginoon ang aking pastol
Hindi ako malulupig.
Inihihimlay niya ako sa lupain ng kalayaan,
Umiinom ako sa baso ng kasarinlan.
Kahit na maglandas ako sa lambak ng tortyur,
Hindi ako matatakot sa mga hayop na tao,
Ipaglalaban niya ang aking pakikibaka.
Ang kaniyang mga anghel at bisyon
Ay patnubay ko sa mga brutal na interogasyon.
Binibigyan niya ako ng buhay mula sa palad ng pumapatay,
At binibigyan ng korona ng tagumpay na kaniya.
Mamumuhay ako sa piling ng mga santo sa bahay ng ama ko,
At walang hanggang di maaabot ng mga hayop na tao!

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 Ikalawang Pagkakakulong
Oktubre 21, 1977 hanggang Enero 21, 1978

Ang Panginoon ang aking Diyos,
Hindi ako magsisilbi sa mga idolo.
Itinataguyod niya ako sa lupain ng pandarahas,
Pinatatatag  ang kaluluwa ko sa pag-inom ng tubig sa kubeta.
Kapag ako’y inilipat mulang Sibasa hanggang Louis Trichardt,
Hindi ako matatakot sa mga tagapagbantay,
Sa Bilangguan ng Pietersburg ay babaliin niya ang pangil ng leon.
Ang Kaniyang salita at ang Kaniyang espiritu
Ay pag-aalabin ako kapag dumaranas ng panlulumo.
Binibigyan niya ako ng pag-asa mula sa kaharian ng pagsuko,
At binubughan ng búhay sa lupain ng kamatayan.
Napananatili ang aking kaluluwa para sa malayang Timog Africa,
Habambuhay na malaya mula sa epidemyang lahi!

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 mula sa kaibuturan ng impiyerno
Nobyembre 18, 1981 hanggang Hunyo 1, 1982

Ang Panginoon ang aking gobyerno,
Hindi ako magpupugay sa apartheid.
Sasagipin niya ang aking kaluluwa mula sa Masisi,
At gaya ni Lazaro, ako ay babangon sa libingan.
Kapag binugbog at iniwang hubad,
Hindi ako mangangatal sa mga sugat.
Kapag winakasan ng tao ang kapalaran ko sa likod ng kurtina,
Sa tinta ng dugo ng kaniyang anak na nasa kaniyang palad,
Binubuksan niya ang bagong pahina ng aking buhay.
Ilalapít niya ako sa aking mga kaibigan mula sa malayo at malapit,
At sa mga liham ng mabubuting Samaritano doon at saanman.
Lalakad akong matikas at malaya,
Walang hangga sa ngalan ni Hesus.

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 mula sa lupain ng manna at pugò
Nobyembre 21, 1986–Enero 30, 1987

Ang Panginoon ang aking abogado,
Hindi ako ang maysala.
Wawasakin niya ang bawat kutsabahan.
Tatanggalin niya ang mga bitag sa aking paanan.
Sinukol at tinugis sa magdamag,
Hindi ako susuko nang hindi lumalaban.
Kapag ang Kapitan na Nangingibabaw sa Batas ay  bantaan
Akong ipinid ang aking bibig ngayon nang ganap,
Malaladlad ang pulang alpombra ng masaganang buhay.
Ilalantad niya ang mga butas sa utos ng pag-aresto,
At ipapapasok ang pagkain at ipapalabas ang mga liham.
Magwagi man sila sa maraming bakbakan ngayon,
Ang pangwakas ay para sa Diyos at sa ating lahat.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.