Ang Dagat
Salin ng “O Mar” ni António Baticã Ferreira ng Guinea-Bissau.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Tingnan: itong dagat ay sadyang humugis
Sa akin. Kay-daming nilalang sa laot!
Habulin mo iyon ay nakalulugod;
Ang lundag sa alon ay lumba sa isip.
Ang dagat, na hindi tirahan ng tao,
Ay ano’t marikit, kay-lawak, at ganap!
May pitlag sa loob sa akin ang dagat,
At ibig makita ang along tumatakbo!
Kay-sarap namnamin ang tagpo sa baybay
Mga lumbang ano’t kay-liksing lumangoy,
At nag-uunahan doon sa pantalan.
May bulong sa atin ang lastag na dagat,
Sa wikang unawa nitong ating loob;
At mabilis natin itong natatalos,
Sa salitang tunog at himig ng lahat.
O, anong impresyon ang dulot ng laot!