salin ng “The Daughter” ni Carmen Giménez Smith ng United States of America.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Ang Anak
Wika natin ay siya ang negatibong hulagway ko dahil magaan siya.
Siya ang liwanag at ang landas, ang ginhawa sa aking cortex.
Anak, saan mo kinuha ang lahat ng pagkadiyosa?
Mga mata niya’y dalawang itim na sanaw ng dapithapon ni Neruda.
Minsan, estranghera siya sa aking bahay dahil hindi ko siya iniisip.
Sino ang kaniyang magiging anak?
Siya at ako ang marahang paglayo ng karimlan ng aking nanay.
Kinalag ko ang láso ng kaniyang búhay, at iyon ay makinis, mahaba
Na bulwagang nakabukás ang mga pinto.
Ang kaniyang rabaw ay defleksiyon ng bakit.
Saktan siya, at parang sinaktan mo kami lahat.
Nasa loob niya ang aking tapang at tining, ang pagkailahás.