Pitong Lambak ng Pag-ibig, ni Farid Ud-Din Attar

Salin ng bahagi ng The Conference of the Birds (Mantiq Ut-Tair), na sinulat ng dakilang makatang Sufi Farid Ud-Din Attar (1142-1220) ng Iran, batay sa saling Ingles ni Charles Stanley Nott, at unang nalathala noong 1954.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pitong Lambák ng Pag-ibig

1

Ang Lambak ng Paghahanap

“Kapag pumasok ka sa unang lambak—ang Lambak ng Paghahanap—ay sasalakayin ka ng laksang pahirap. Sasailalim ka sa laksang pagsubok. Doon, ang Loro ng Langit ay katumbas ng lamok. Kailangan mong gumugol nang ilang taon doon, at kailangan ang ibayong pagsisikap, upang mabago ang iyong kalagayan. Kailangan mong isuko ang lahat ng inaakala mong mahalaga sa iyo, at ituring na wala ang lahat ng iyong taglay. Kapag natiyak mong wala kang dala, kailangan mo pa ring ibukod ang iyong sarili sa lahat ng umiiral. Sasagipin mula sa kaparusahan ang iyong puso, at masisilayan mo ang dalisay na liwanag ng Maykapal at lahat ng iyong hiling ay darami nang walang hanggan. Lahat ng pumasok dito ay makadarama ng pag-asam na kahit siya’y isusuko nang ganap ang sarili sa paghahanap na sinasagisag ng lambak na ito. Hihingin niya sa tagapagdala ng kopa ang isang sisidlan ng alak, at sa sandaling matungga niya iyon ay wala nang iba pang mahalaga maliban sa kaniyang tunay na mithi. Pagdaka’y hindi na siya masisindak sa mga dragon, na pawang nagbabantay sa pinto at ibig siyang lamunin. Kapag nabuksan ang pinto at siya’y pumasok, ang dogma, ang paniniwala at pagdududa, ay magwawakas lahat ang pag-iral.”

2

Ang Lambak ng Pag-ibig

“Ang kasunod na lambak ay Lambak ng Pag-ibig. Upang mapasok iyon ay kinakailangang maging nagliliyab na apoy—ano pa ang aking masasabi? Kailangan ng tao na maging apoy. Ang mukha ng mangingibig ay dapat naglalagablab, sumisiklab, at sumusulak gaya ng apoy. Ang tunay na pag-ibig ay walang iniisip kung ano ang magiging bunga nito; sa pag-ibig, ang mabuti at masama ay magwawakas sa pag-iral.

“Ngunit para sa iyo, na walang pakialam at walang ingat, ang diskursong ito ay hindi makaaantig sa iyo, at ni hindi ito papansinin. Ang matapat na tao ay isusugal ang kaniyang salapi, itataya kahit ang kaniyang buhay, upang makapiling ang kaibigan. Samantalang ang iba’y kontento sa kaniyang sarili kung ano ang gagawin sa iyo kinabukasan. Kung may sinumang maghahanda sa paglalakbay na hindi ganap na ibubuhos ang kaniyang sarili ay mabibigo siyang makalaya sa kalungkutan at pagdurusa na babagabag sa kaniya. Hangga’t hindi natatamo ng bánoy ang mithi nito ay mapopoot ito’t di matatahimik. Kapag ang isda’y tumilapon sa pasigan dahil sa lakas ng alon, magsisikap itong makabalik sa tubigan.

“Sa lambak na ito, ang pag-ibig ay kinakatawan ng apoy, at ang katwiran ay katumbas ng usok. Kapag sumapit ang pag-ibig, naglalaho ang katwiran. Hindi makaiiral ang katwiran sa layaw ng pagmamahal. Ang pag-ibig ay walang kinalaman sa katwiran ng tao. Kapag taglay mo ang panloob na kaliwanagan, ang mga atomo ng nakikitang daigdig ay lilitaw mula sa iyo. Ngunit kapag tumanaw ka sa pamamagitan ng ordinaryong paningin ng katwiran, hindi mo mauunawaan kung bakit kailangan pang umibig. Tanging ang tao na sinubok at malaya ang makadarama nito. Sinumang pumili sa paglalakbay na ito ay kailangang may laksang puso upang maisakripisyo niya ang bawat isa sa bawat sandali.”

3

Ang Lambak ng Pag-unawa

“Pagkaraan ng lambak na aking binanggit ay sasapit ang Lambak ng Pag-unawa, na walang simula at walang wakas. Walang landas ang magkakapantay dito, at ang distansiya na lalakbayin para matawid iyon ay lampas sa mailalahad.

“Ang pag-unawa, para sa bawat manlalakbay, ay mapagtiis; ngunit ang kaalaman ay pansamantala. Ang kaluluwa, gaya ng katawan, ay nasa kalagayan ng progreso o pagdupok; at ang Espiritwal na Landas ay ibubunyag lamang ang hiwaga nito sa antas na ang manlalakbay ay nahigtan ang kaniyang mga pagkukulang at kahinaan, ang kaniyang pagtulog at paghimpil, at makasasapit ang bawat isa alinsunod sa kaniyang pagsisikap. Kahit na kumampay at lumipad ang lamok nang ubos-lakas, makasasabay ba ito sa lakas ng hangin? Maraming paraan ang pagtawid sa lambak na ito, at lahat ng ibon ay magkakaiba kung lumipad.  Matatamo ang pag-unawa sa iba’t ibang paraan—ang ilan ay matatagpuan ang Mihrab, samantalang ang iba ay makikita ang idolo. Kapag sumikat ang araw ng pag-unawa sa landas na ito, ang bawat isa’y makasasagap ng liwanag alinsunod sa merito nito, at mababatid ang antas na itinalaga sa kaniya ukol sa pag-unawa ng katotohanan. Kapag ang misteryo ng esensiya ng pag-iral ay ibinunyag sa kaniya, ang pugon ng daigdig na ito ay magbabanyuhay na hardin ng mga bulaklak. Siya na masikap ay makikita ang pili sa likod ng makunat na balát. Hindi na niya uunahin ang sarili, bagkus mamasdan ang mukha ng kaibigan. Sa bawat atomo ay masisilayan niya ang kabuoan; at pagninilayan niya ang laksang lihim na maningning.

“Ngunit ilan ang naligaw sa paghahanap ng isang ito na nakatuklas ng mga misteryo! Kinakailangan ang malalim at pangmatagalang lunggati upang matamo ang dapat matamo at matawid ang matarik na lambak na ito. Sa oras na mabatid mo ang mga lihim na ito ay magkakaroon ka ng tunay na lunggati na maarok yaon. Ngunit anuman ang iyong makamit ay huwag kaligtaan ang nakasaad sa Koran: “May iba pa ba?”

“At sa iyo na nahihimbing (na hindi ko mapupuri), bakit hindi magluksa? Ikaw na hindi pa nakikita ang kariktan ng iyong kaibigan, bumangon at maghanap! Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kalagayan, na gaya ng burikong walang suga?”

4

Ang Lambak ng Kalayaan at Pagsasarili

“Sasapit pagkaraan ang lambak na walang pagnanasang lumikom ng pag-aari o hangaring tumuklas. Sa kalagayang ito ng kaluluwa ay umiihip ang malamig na simoy, na napakabagsik na sa isang iglap ay wawasakin ang malawak na espasyo; ang pitong dagat ay parang sanaw lámang, ang pitong planeta ay katumbas ng kisap, ang pitong langit ay bangkay, ang pitong impiyerno ay durog na yelo. Pagdaka’y ang nakayayanig na bagay, na higit sa katwiran! Ang langgam ay may lakas ng sandaang elepante, at sandaang karabana ang nagugunaw habang ang uwak ay umuubos ng pananim.

“Para makasagap ng selestiyal na liwanag si Adan, maraming anghel na lungti ang damit ang namighati. Para maging karpintero si Noe at makabuo ng arko, libo-libong nilalang ang nalunod sa tubigan. Libo-libong lamok ang umulan sa hukbo ni Abrahah para mapatalsik ang hari. Laksang panganay na sanggol ang namatay para makita ni Moses ang Diyos. Laksa-laksang tao ang lumahok sa kapisanan ng mga Kristiyano upang makamit ni Kristo ang lihim ng Diyos. Yutang puso at kaluluwa ang dinambong para makaakyat si Muhammad sa langit isang gabi. Sa Lambak na ito, walang halaga ang anumang luma o bago; maaari kang kumilos o hindi kumilos. Kapag nakita mong nagliliyab ang buong daigdig hanggang ang mga puso ay maging shish kabab, yaon ay panaginip lamang kompara sa realidad. Kung maraming kaluluwa ang mahuhulog sa walang hanggahang karagatan, katumbas lamang iyon ng isang patak ng hamog. Kung ang langit at lupa ay sasambulat sa maliliit na piraso, hindi iyon naiiiba sa napigtal na dahon mula sa punongkahoy; at kung gugunawin ang lahat, mulang isda hanggang buwan, matatagpuan ba sa kailaliman ng hukay ang isang putol na binti ng pilay na langgam? Kung wala nang bakas ang tao o jinn, ang lihim ng patak ng tubig na pinagmulan ng lahat ay kailangan pang pagbulayan.”

5

Ang Lambak ng Pagkakaisa

“Kailangan mong tawirin ang Lambak ng Pagkakaisa. Sa lambak na ito, ang lahat ay baság-baság sa maliliit na piraso at pagkaraan ay pinagsasanib. Lahat ng tumingala rito ay tumitingala mula sa isang kolyar. Bagaman waring nakikita mo ang maraming bagay, ang totoo’y iisa lámang—lahat ay bumubuo sa isa na isang ganap na pagkakaisa. Muli, ang nakikita mo bilang kaisahan ay hindi naiiba mula sa lumilitaw na mga numero. At gaya ng Umiiral na binabanggit kong lampas sa kaisahan at pagbibilang, humintong isipin ang eternidad gaya ng bago sumapit at pagkaraang sumapit, at dahil ang dalawang eternidad ay naglaho, humintong pag-usapan ang ukol dito. Kapag ang lahat ng nakikita ay nauwi sa wala, ano pa ang dapat pagbulayan?”

6

Ang Lambak ng Pagkagitlâ at Pagkalitó

“Pagkaraan ng Lambak ng Pagkakaisa ay sasapit ang Lambak ng Pagkagitlâ at Pagkalitó, na ang sinuman ay maaaring siluin ng kalungkutan at panlulumo. May mga buntong-hiningang gaya ng espada,  at bawat hinga ay mapait makita; naroon ang pamimighati at pagdurusa, at ang nagliliyab na pagkainip. Ito ay tuwing araw at gabi. May apoy doon ngunit nanlulumo at walang pag-asa ang tao. Paano siya magpapatuloy maglakbay sa gayong kalagayan ng pagkalitó? Ngunit sinumang nakamit ang pagkakaisa ay malilimot ang lahat at malilimot kahit ang sarili. Kapag tinanong siya, “Ikaw ba, o hindi ikaw? Mayroon ka ba o walang pakiramdam ng pag-iral? Ikaw ba ay nasa gitna o nasa gilid? Ikaw ba ay mortal o inmortal?” At tutugon siya nang buo ang loob: “Wala akong alam, ni wala akong nauunawaan, at hindi ako ako maláy sa sarili. Umiibig ako, ngunit kung kanino’y hindi ko alam. Ang puso ko’y kapuwa umaapaw at hungkag sa pagmamahal.”

7

Ang Lambak ng Pagkakait at Kamatayan

“Ang pangwakas ay ang Lambak ng Pagkakait at Kamatayan, na halos imposibleng ilarawan. Ang esensiya ng Lambak ay pagkalimot, pagkautal, at pagkabisó; ang laksang aninong nakapaligid sa iyo ay maglalaho sa isang sinag ng araw sa kalawakan. Kapag ang karagatan ng di-maliparang uwak ay tumaas, ang padron sa rabaw nito ay naglalaho ang anyo; at ang padrong ito ay dili’t iba kundi ang kasalukuyang daigdig at ang daigdig na isisilang sa hinaharap. Sinumang maghayag na hindi siya umiiral ay magtatamo ng pambihirang merito. Ang patak na naging bahagi ng malawak na karagatan ay naghihintay doon nang walang hanggan at nang payapa. Sa panatag na dagat, ang tao ay makararanas sa unang pagkakataon na mapahiya at mapatalsik; ngunit sa oras na umahon siya mula sa kaniyang abang kalagayan ay mauunawaan niya ito bilang paglikha, at maraming lihim ang mabubunyag sa kaniya.

“Maraming nilalang ang napagkaitang makahakbang sa unang pagkakataon, kayâ hindi rin nila nadanas humakbang sa ikalawang pagkakataon—at maihahalintulad lámang sila sa mga mineral. Kapag ang tangkay ng sabila at ang mga tinik ay naging abo ay magkahawig ang mga itó—ngunit ang kalidad ng mga ito ay magkaiba. Ang maruming bagay na inihulog sa tubigang may mga rosas ay maglalaho ang tiyak nitong pag-iral at makikilahok sa karagatan at sa galaw nito. Sa pagwawakas na umiral nang nakabukod, napananatili ng bagay ang kariktan nito. Umiiral ito at di-umiiral. Paano ito naganap? Hindi kayang arukin ito ng isip.”

1400

Fake mo

Fake mo

Pekeng salin sa pekeng eleganteng Filipino ng pekeng Roberto T. Añonuevo ng pekeng Filipinas.

Fumefeysbuk ka sa akin, gaya ng pekeng pekpek na naging pekeng balitang naglalantad ng pekeng retratro, bukod sa pekeng pangalan, pekeng blog o betlog, na ang pekeng akawnt ay yumayanig sa pekeng puke kong daigdig. Nabubuhay ka sa pekeng pagkain, pagkaing ang sustansiya’y gawa ng pekeng buwis na kumakaltas sa pekeng suweldo ko tuwing kinsenas at katapusan, ay! Katapusang peke, nagpapakinang ka ng pekeng katauhan, na kahit ang butangero ay maaaring maging pangulong peke kung mag-isip para lamunin ng masang peke. Perpektong peke, gaya ng militar, pekeng batas militar, na marunong ng biglang liko, ngunit kapanalig ng kaliweteng peke at pekeng kanan, ayaw gumitna at takot sa dilaw ngunit berde mag-isip, marunong sumipol habang pumapakyu, eksaktong peke, isang ligo pa’y lutong makaw kundi tubong lugaw pumusta ng pekeng tronong orinola o kung umasta’y pekeng Intsik beho, o bagong bentang Baho de-sampalok, pekeng puta, putang amang peke, mapagbigay ng teritoryo sapagkat lahat ay kaniyang teritoryo, o kung hindi’y walang moralidad ang peke, walang sinasanto ang peke, walang batas ang peke, sapagkat kapangyarihan ang karunungang peke mula sa pabrika ng mga bangkay na peke, o tamaan ka ng shabu sa adwanang peke, o ubusin mo ang mga pekeng bandido o ipakulong ang mga pekeng tarantadong kritiko, o tamaan ka ng damo, o sumabog sa pekeng damo, putang amang peke, may puso kang bato at pekeng batong heneral ngunit kung umibig ay pekeng burat na nagmamaktol. Kailangan ko po ba ang intersesyon ng anak ng putang peke? Isalba mo nawa ako sa kabulukang peke, itaas ako gaya ng sangkaterba mong putang tutang humihimod sa paa mong lasang tsokolate-aaah o putang pekeng ama, ikaw ang aking maykapal na peke, ikaw ang aking libog na pumepeke, ang pekeng bagyo na natatrapik kahit sa guniguni, ikaw ang sukdol ng pekeng talinghaga, na hindi malayo sa gaya ng pekeng tulang ito, mula sa pesteng yawang diwang anghel na pekeng fumefeysbuk sa akin.

(28 Disyembre 2017)

“Kambal Siyam,” ni Mao Zedong

Kambal Siyam
[采桑子·重阳/ Chong Yang]

Salin ng tula ni Mao Zedong, People’s Republic of China.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Mabilis tumanda ang tao di tulad ng Mundo;
Laging nagbabalik ang kambal na siyam ng taon.
Ngayon pang may kambal na siyam ang biglang sumibol,
Bulaklak na dilaw sa pook ng digma’y kay-bango.

Mabagsik ang hihip ng hanging taglagas paglipas
Ng taon, di tulad ng dingal na mulang tagsibol
Subalit  hihigtan kahit pa ang mismong tagsibol.
Masdan ang niyebe sa dagat at langit, kay-lawak!

“Kaaway ng Kamatayan,” ni Salvatore Quasimodo

salin ng “Nemica della morte” ni Salvatore Quasimodo ng Italy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kaaway ng Kamatayan
[Nemica della morte]

Hindi mo na sana hiniklat
Ang iyong hulagway na hango
Mula sa amin, mula sa daigdig,
Na bahagi ng kagandahan.
Ano ang magagawa namin,
Kaming kaaway ng kamatayang
Naninikluhod sa rosas mong paanan
At sa lila mong dibdib?
Wala ni salita o piraso ng pangwakas
Na araw, isang Hindi sa mga bagay
Ng daigdig, ang Hindi sa aming
Mapusyaw na talâ ng sangkatauhan.
Ang malamlam na buwan
Sa tag-araw at ang hinihilang angkla’y
Tinangay ang iyong pangarap,
Tubigan, karimlan, hindi ang abuhing
Guniguni bagkus mga katotohanan,
Na pinigtas mula sa isipan
Na biglang nagpasiya sa oras
At lahat ng darating na kasamaan.
Ngayon, nakabilanggo ka
Sa likod ng mabibigat na pintuan,
O, Kaaway ng kamatayan.

Sino ang tumatangis?
Kinitil mo ang hininga
Ng kagandahan, pinilas siya,
Sinugatan nang nakamamatay,
At ni walang luhang pumatak
Para sa kaniyang malamig
Na aninong lumulukob sa amin.
Nawasak na pag-iisa,
At nabigong kariktan.
Sumenyas ka sa dilim,
Itinatak ang ngalan sa simoy,
At ang iyong Hindi sa lahat
Ng nagkukulumpon dito
O sa ibayo ng bugso ng hangin.
Batid ko kung ano ang hinahanap
Mo sa iyong bagong bestido.
Nauunawaan ko ang hindi sinagot
Na tanong. Hindi para sa iyo,
o sa amin, ang tugon.
Ay, mga bulaklak at lumot,
Ay, kaaway ng kamatayan!

para kay Rossana Sironi

“Ang Ginintuang Padauk,” ni U Kyaw

Ang Ginintuang Padauk

Salin ng “The Golden-Yellow Padauk” ni U Kyaw (1853-1878) ng Myanmar [Burma].
Salin sa elegateng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas, mula sa bersiyong Ingles ni Friedrich V. Lustig.

Bumubukad ang mga bulawang
bulaklak mula sa kumpol-kumpol
na mga lungtiang dahon
ngayong buwan ng Tagu.

May iba pa bang bulaklak
ang makahihigit sa rikit nitong
nasa lilim ng malamig na simoy padauk
na ang daloy ng matatamis na pawis
ay nagwawakas sa bukana ng Yungib Nanda—
na pinagkakanlungan ni Pacceka Buddha?

Sa isang buwan ng taon,
sa isang araw ng gayong buwan,
sa araw na iyon para sa Buddha
ay umaalimbukad ang padauk sa gubat.

Tag-araw na!
Sumapit na ang panahon ng Thingyan.
At mariringal ang ginintuang mawò
na basâng hinahanginan mula sa padauk
at inihahasik nito ang halimuyak
tungo sa mga bagnos ng kagubatan.

Walang makapaglalarawan ng kagila-gilalas
na katangian ng maharlikang bulaklak.
O Padauk!

“Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan,” ni Russell Edson

Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan

ni Russell Edson

Salin ng “The Adventures of a Turtle” ni Russell Edson ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pasan ng pawikan ang kaniyang bahay. Siya ay kapuwa bahay at tao ng bahay.

Ngunit ang totoo, sa ilalim ng talukab ay ang maliit na silid na ang tunay na pawikan, na nakasuot ng kalsonsilyo, ay nakaupo sa munting mesa. Sa isang sulok ng silid ay serye ng mga panikwas na nakasungaw sa mga puwang sa sahig, gaya ng mga kontrol ng isang mekanikang pála. Sa pamamagitan nito’y napakikilos ng pawikan ang mga paa ng kaniyang tahanan.

Malimit na nakaupo ang pawikan sa padahilig na kisame ng silid-pagong at nagbabasá ng mga katalogo sa munting mesa na tinirikan ng may sinding kandila. Itinukod niya ang isang siko, at pagkaraan ang kabilang siko. Nagdekuwatro siya, at pagkaraan ay pinagpalit ang pagkakapatong ng mga hita. Napahikab siya, at isinapo sa kaniyang noo ang mga bisig at humimbing.

Kapag nararamdaman niyang pinupulot ng isang bata ang kaniyang bahay ay mabilis niyang papatayin ang ilaw ng kandila at tatakbo sa mga panikwas na kontrol, sakâ pagagalawin ang mga paa ng kaniyang bahay at sisikaping tumakas.

Kapag hindi siya makatakas ay pauurungin niya ang hita at itatago ang tinaguriang ulo at maghihintay. Batid niyang walang ingat ang mga bata, at darating ang oras na malaya niyang maililipat ang kaniyang bahay sa kung saang kubling pook, at doon ay muli niyang sisindihan ang kandila, ilalabas ang mga katalogo, at babasahin hanggang siya’y maghikab. Pagdaka’y pasubsob niyang itatago ang kaniyang ulo sa kaniyang mga bisig at matutulog. . . . At iyon ay hanggang may ibang batang pupulot sa kaniyang tahanan. . . .