Tulang Hinuha, ni Jorge Luís Borges

Salin ng “Poema Conjectural” mula sa orihinal na Español ni Jorge Luís Borges.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tulang Hinuhà

Jorge Luís Borges

Si Francisco Laprida, na pinatay noong ika-22 ng Setyembre 1829
ng mga rebolusyonaryo mula sa Aldao, ay nagmuni bago ang kaniyang
kamatayan.

Humáging ang mga bála sa sukdulang hapon.
Humangin, at may mga abóng sakay ng hangin,
at nang humupa ang araw at bakbakang baság,
ang tagumpay ay napasakamay ng ibang tao.
Nanalo ang barbaro’t ang gawtso ay nanalo.
Ako, si Francisco Narciso de Laprida,
na nag-aral ng mga batas at kánon,
na ang tinig ay naghahayag ng kalayaan
sa malulupit na lalawigan, ay nabigo ngayon,
tigmak sa dugo at pawis ang aking mukha,
tuliro, ni walang pakiramdam ng pag-asa o takot
akong tumakas tungo sa huling arabal sa Timog.
Tulad ng kapitan sa Purgatoryo na tumakbong
nakayapak, at nag-iwan ng duguang bakás sa daan
na buburahin pagkaraan sa kung saang itim na batis,
ako ay dapat tumumba. Ang araw na ito ang wakas.
Ang dilim na lumatag sa buong latian ay hinabol
ako at pinabuwal. Naririnig ko ang mga yabag
ng mga kabayong sumisingasing at sakay
ang mga hineteng humihiyaw at may mga sibat.

Ako na nangarap na magbanyuhay na ibang tao,
bihasa sa mga salita, aklat, at kuro-kuro,
ay hihimlay sa latiang nasa lilim ng bukás na langit;
ngunit ang lihim at di-maipaliwanag na tuwa
ang nagpapatibok ng aking puso. Ngayon ko
nakaharap ang aking kapalaran bilang Sudamericano.
Mula sa masaklap na hapong ito, humahakbang ako
sa masalimuot na laberinto na aking binabalikan
noong bata pa ako.
Sa wakas ay natuklasan ko ang matagal nang lihim
ng aking búhay, ang tadhana ni Francisco de Laprida,
ang nawawalang titik, ang susi, ang perpektong porma
na ang tanging Diyos ang nakababatid noong una pa man.
Sa salamin ng gabing ito ay nakita ang aking mukhang
eternal, na hindi mapagsusupetsahan. Ang bilog
ay magsasara na. Hinihintay ko itong maganap.

Tinatahak ng aking mga paa ang mga anino ng sibat
na nakaturo sa akin. Ang hiyawan sa aking kamatayan,
ang mga hinete, balahibong umaalon, kabayong
dumadamba sa akin. . . Ngayon ay ang unang ulos,
ang duro ng malupit na bakal na lumalagos sa aking
dibdib, ang matalik na patalim na bumabaón sa leeg.

Sa Ituktok, ni Olav H. Hauge

Sa Ituktok

Salin ng tula ni Olav H. Hauge ng Norway, batay sa bersiyong Ingles ni Robert Bly.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Olav H. Hauge

Matapos masubasob sa mga imposibleng bagnos
ay sumapit ka rin ngayon sa ituktok.
Hindi ka nadurog ng paghihirap, at naglakad
nang pababa’t umakyat muli nang higit na mataas.

Ganiyan ka tumanaw ng pangyayari. Matapos
kang ihagis palayo ng búhay ay nagwakas ka
sa itaas, gaya ng tumba-tumbang kabayo
na iisa ang paa doon sa tumpok ng mga basura.
Walang awa ang búhay, nakabubulag at maysa-
tagabulag, at ang kapalaran ang ating pasánin:
Ang katangahan at kayabangan ay naghuhunos
na mga bundok at latian,
ang poot at hinanakit ay nagiging mga sugat
dulot ng mga palaso ng kalaban,
at ang pagdududa na laging nasa atin ay nagiging
malamig, tuyot na batuhang mga lambak.

Pumasok ka sa pintuan.
Ang palayok ay nakataob sa dapugan, nakadapâ
Nang may mabagsik, ulingang talampakan.

Dalawang Tula ni Tin Moe

Halaw at salin ng dalawang tula ni Tin Moe [Ba Gyan] ng Myanmar.
Halaw at salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Dakilang Panauhin

Naupos ang tabako
At naglaho ang araw.
Ihahatid ba ako?

[“The Great Guest,” 1959]

Panahon ng Disyerto

Mga luha
Isang pinilakang hibla ng buhok
Isang dekadang naglaho

Noong panahong iyon
Ang pulut ay hindi matamis
Nagtampong sumibol ang kabute
At tuyot ang mga bukirin

Mababà ang ulop
At makulimlim ang kalangitan
Tumatakip ang alikabok
Sa riles ng kariton, sinusundan
Ang akasya, gumamela,
At kampanilya,
Ngunit hindi pumatak ang ulan,
At kung tag-ulan man
Ay ano’t tuyot pa rin ang kaligiran

Sa nayon, doon sa tabi ng monasteryo,
Walang batingaw na kumakalembang,
Walang musika para sa pandinig,
Walang nobisyong mga monghe
Walang nagbabasá nang malakas
Tanging ang huklubang katulong
Na kalbo ang nakahandusay
Sa pagitan ng mga haligi

Ay, ang lupain ay tila bunga
Na nahihiyang sumibol
Wala ritong bunga,
Bagkus mga sulyap
Ng kahihiyan at pagdurusa
Kailan mapapawi ang luha
At tutunog ang mga batingaw?

[“Desert Years,” 1976]

 

Kapag ang lupain ay mainit

Kapag ang lupain ay mainit

I went to the crossroad,
fell down on my knees.

—Robert Johnson

Roberto T. Añonuevo

Kapag ang lupain ay mainit, at kasinglupit
Ng karukhaan, kahit ikaw, kapatid,
Ay maliligaw sa madilim na sangandaan,
Maliligaw ka roon sa lumang sangandaan,
Makakasalubong ang sungayang halimaw
Na kung hindi ka hahatakin para magsáka
Ay magtotono ng sintunado mong gitara.

Kapag ang lupain ay mainit, at kasinglupit
Ng mga babaeng tumotoma, humihithit
Ng damo, kahit ikaw, kapatid, ay magtatanong,
Magtatanong kung bakit iba ang espiritu
Na pumasok sa kanilang ulo, habang sila’y
Nakikinig sa loob ng laós at gusgusing bar,
Nakikinig sa gitara mong iba kung ngumalngal.

Kapag ang lupain ay mainit, at kasinglupit
Ng kamatayan, ang sementeryo’y di matahimik
Dahil kasama mo ang saítang hayop umawit.
Umiindak ang kaniyang mga nota, umiindak
Ang melodiya, at ikaw, na para niyang anak,
Ay nagsanla ng kaluluwa, ng dukhang kaluluwa,
Para makalikha ng walang kamatayang musika.

Kapag ang lupain ay mainit, at kasinglupit
Ng kawalang-pag-asa, kahit ikaw, kapatid,
Ay maliligaw sa madilim na sangandaan,
Maliligaw ka roon sa lumang sangandaan,
Makikipagkasundo sa talentadong demonyo,
At ang gitara mo’y maingat niyang itotono,
At aawit ka nang aawit nang mayanig ang mundo. . . .

Ang Tula ni Kobe Bryant

Ang Tula ni Kobe Bryant

Nakalulugod na ang sikat at retiradong basketbolistang si Kobe Bryant ay tumula para pagpugayan ang kaniyang karera sa basketbol. Ang kaniyang tula, na pinamagatang “Dear Basketball,” ay nalathala sa The Players’ Tribune noong 29 Nobyembre 2015, at pagkaraan ay ginawan ng animasyon, at kabilang sa mga nominado ngayon para magwagi ng Academy Award sa larang ng maikling pelikula.

Ang persona ng tula, na isang basketbolista, ay isinalaysay sa paliham na paraan sa kausap na basketbol kung paanong ang simpleng pangarap ng isang anim na taóng gulang na bata ay lumago at naging totoo sa hinaharap. Ang batang binibilog ang mga medyas ng kaniyang tatay para gawing bola, at malimit magpraktis  magsiyut ng bolang magpapanalo sa koponan doon sa kaniyang silid, ang magiging haligi ng tula. Ang mapangaraping bata ay tatangkad at magiging manlalaro, at sasabak sa makukulay na bakbakan sa kort at magwawagi sa maalamat na paraan. Ngunit sasapit ang yugto na hindi na káya ng kaniyang katawan ang maglaro, bagaman sumisigaw ang kaniyang isip o loob na “Sige, magpatuloy!” at kailangan na niyang magretiro.

Masyadong egosentriko ang persona sa tula ni Kobe, kahit sabihing personal ang diskursong namamagitan sa persona at sa karera nitong basketbol. Ang labis na pagmamahal ng persona sa basketbol ang bubulag sa kaniya tungo sa kasakiman, o pagkabuwakaw sa termino ng mga basketbolista, at hindi mababakás sa tula ang pambihirang ambag ng kaniyang mga kakampi sa koponan, mulang alalay hanggang bangkô hanggang miron hanggang coach atbp.  Nasabi ko ito nang mapanood matalo ang paborito kong koponan, ang Cleveland Cavaliers, na bagaman may tatlong MVP, bukod sa mga sikat at atletikong kakampi, ay nabigo sa kanilang kalaban dahil nakaligtaan yata nila ang pakahulugan ng “team work.” Tinambakan ang nasabing koponan kahit naroon si LeBron James, na kinikilala bilang pinakamahusay na basketbolista sa buong mundo sa kasalukuyan.

Sa realistikong pananaw, ang minamahal na larong basketbol ni Kobe na nakabalatkayong persona ay hindi pang-isahang tao lámang, at kung gayon ang kredito sa alinmang tagumpay ay maituturing na kolektibo. Nangangailangan ito ng mga kakamping handang pumaloob sa isang koponan, at handang magtaya, at magparaya para sa ikatatagumpay ng buong koponan. Ibig sabihin nito’y ang pagkilala sa importanteng papel ng bawat isa sa organisasyon, at ang bawat manlalaro, kung magagamit sa pinakaepisyenteng paraan, ang magdudulot ng pagwawagi sa buong koponan. Ngunit para sa persona ng tula, ang kaniyang relasyon sa basketbol ay isang personal na pagdulog, at siya lamang ang sentro, at ang tanging nakikita niya ay kompetisyon. Ang malungkot, nakaligtaan o hindi binanggit sa tula, na ang propesyonal na basketbol ay isang negosyo at laro ng kapangyarihan, at ang negosyong ito na may taglay na pambihirang kapangyarihang lumalampas sa koliseo ang nagdidikta sa magiging takbo ng karera ng mga manlalaro. Sa tula ni Kobe, ang persona sa tula ay hindi maaaring basahin sa punto de bista ng isang mababang uri at nakapailalim na basketbolista, tawagin man itong subaltern, bagkus isang pribilehiyadong manlalarong propesyonal at nasa panig ng maykapangyarihang ibig makahawak palagi ng bola.

Mahalaga sa basketbol ang mga tao na nakapaligid sa mga basketbolista. Dapat kilalanin ang mga tagapagsanay, na handang magpuyat o magrepaso ng video, at magpaliwanag nito sa mga manlalaro upang maiwasang gawin muli ang mga pagkakamali, halimbawa sa depensa o kaya’y opensa. Kailangan ang mga ekspertong estadistiko para mabatid ang kalakasan o kahinaan ng bawat manlalaro. Kailangan ang suporta ng maneydsment, lalo kung may kaugnayan sa kalusugan ng manlalarong nagkaroon ng pinsala sa katawan. Mabuti ring isaalang-alang ang tangkilik ng fans, sapagkat ang anumang suporta nila sa midya man o sa mismong laro, kung minsan, ang nakatutulong para sumigla ang buong koponan at magrali mula sa pagkakatambak, at magwagi bago maupos ang pangwakas na segundo ng laro. Kung tunay ngang mahal ng persona (na bukod sa katauhan ng tunay na Kobe Bryant) ang basketbol, ang kaniyang pagmamahal dito ay dapat makaabot sa kaniyang kapuwa basketbolista—kakampi man o katunggali.

Ang tula ni Kobe Bryant ay sadyang gumanda, hindi dahil sa pambihirang paglalaro ng salita o paglulubid ng talinghaga, gaya ng makikita sa mga tunay na makata at pinupuri ng mga formalista.  Ang tula ay gumanda at naging katanggap-tanggap sa masa dahil sa pambihirang ilustrasyon o animasyon, na tinumbasan ng mahusay na musika at promosyon. Sa ganitong pangyayari, ang tula ay hindi simpleng anyo o nilalaman lámang, bagkus kombinasyon ng dalawa, at hindi maibubukod ang ilustrasyon o animasyon. Dahil maykaya sa búhay, nakuha ni Kobe ang serbisyo ng matitinik na propesyonal sa pelikula at musika, at kung gayon, ang kaniyang tula ay hindi na lamang simpleng tula na binása ng awtor na nagkataong tanyag na personalidad sa basketbol, bagkus naghunos na natatanging kolaborasyon ng iba’t ibang isip at imahinasyon.

Ang kolaborasyon sa paggawa ng pelikula ang maituturing na tunay na prinsipyo ng basketbol, at ito ang esensiya ng konsepto ng bayanihan o sabihin nang “team work.”

Dapat hangaan si Kobe sa kaniyang pagsisikap na sumulat ng tula, at ipaloob sa talinghaga ang kaniyang maningning na karanasan bilang basketbolista. Ngunit para sa akin, ang tula ni Kobe ay isang malinaw na pagkaligta, at isang pagsisinungaling sa tunay na diwain ng sama-samang tagumpay. Ang pagkaligta na ito sa kaniyang mga naging kabalikat ay kataka-takang hindi nakita ng mga hurado ng Academy Awards, na ang hula ko’y ni hindi naman talaga nagbabasá ng tula.

“Pangwakas na Talumpati ng Dakilang Diktador,” ni Charlie Chaplin

Salin ng talumpati mula sa pelikulang The Great Dictator (1940) ni Charlie Chaplin
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Pangwakas na Talumpati ng Dakilang Diktador

Paumanhin, ngunit hindi ko ibig maging emperador. Hindi ko gawain iyan. Hindi ko ibig mamunò o manakop ng sinuman. Dapat kong tulungan ang lahat hangga’t maaari—siya man ay Hudyo, Hentil, Itim o Puting lahi.

Nais nating tulungan ang bawat isa. Ang mga tao ay ganiyan. Nais nating mamúhay sa piling ng kaligayahan ng iba, imbes na sa pagdurusa nila. Ayaw nating mapoot at libakin ang ibang tao. Sa daigdig na ito, may puwang para sa sinumang nilalang at ang mabuting mundo ay mayaman at káyang magbigay nang sapat para sa sinuman. Ang paraan ng pamumuhay ay maaaring maging malaya at marikit, ngunit napalihis tayo ng landas.

Nilason ng kasakiman ang mga kaluluwa ng mga tao, at hinadlangan ng poot ang daigdig, at niyurakan tayo tungo sa paghihirap at pagpaslang. Napaunlad natin ang pagkamabilis, ngunit kusa nating ipininid ang sarili. Ang makinaryang naghatid sa atin ng kasagaaan ay lalong nagpasabik sa ating maghangad. Ang ating karunungan ay hinubog tayo upang maging siniko; ang ating katusuhan ay matigas at malupit. Labis tayong mag-isip ngunit salát sa pagdamá. Higit sa katusuhan ay kailangan nating maging mabuti at banayad. Kapag wala ang ganitong mga kalidad, ang búhay ay magiging marahas at maglalaho ang lahat.

Naging matalik tayo dahil sa eroplano at radyo. Ang ganitong uri ng mga imbensiyon ay humihimok para sa kabutihan sa tao, humihimok para sa unibersal na kapatiran, para sa pagkakaisa nating lahat. Kahit ngayon, ang aking tinig ay umaabot sa milyon-milyong tao sa buong daigdig—milyon-milyong nagdurusang lalaki, babae, at bata—mga biktima ng sistema na lumilikha sa mga tao na pahirapan at ibilanggo ang mga inosenteng tao.

Sa mga nakaririnig sa akin, ito ang masasabi ko: Huwag mawalan ng loob. Ang kahirapan na nasa atin ngayon ay sanhi ng nagdaraang kasakiman, ang kapaitan ng mga tao na nangatatakot sa paraan ng progreso ng tao. Ang poot ng mga tao ay lilipas, at mamamatay ang mga diktador, at ang kapangyarihang inagaw nila sa mga tao ay magbabalik sa mga tao. Hangga’t may nangamamatay na tao, ang kalayaan ay hindi mapapawi.

Mga kawal, huwag ninyong isuko ang inyong mga sarili sa mga hayop, sa mga tao na nililibak at inaalipin kayo, sa mga komontrol sa inyong mga búhay, at nagsasabi kung ano ang dapat ninyong gawin, kung ano ang dapat isipin, at kung ano ang dapat madama! Huwag ninyong isuko ang sarili sa mga dumidikdik sa inyo, sa mga nagpapakain sa inyo, at itinuturing kayong mga báka, at ginagamit kayong bála sa kanyon. Huwag ninyong isuko ang inyong mga sarili sa mga ganitong di-likas na tao—silang mga makinang tao na may makinang isip at makinang puso! Hindi kayo mga makina! Hindi kayo mga báka! Nasa inyong mga puso ang pag-ibig sa sangkatauhan. Hindi kayo napopoot, tanging ang hindi minahal ang napopoot, ang hindi minahal at ang hindi natural!

Mga kawal, huwag labanan ang kaalipnan! Labanan ang kalayaan!

Sa ikalabimpitong kabanata ng ebanghelyo ni San Lukas, nakasaad doon na ang kaharian ng Diyos ay nasa kalooban ng tao, hindi ng isang tao ni isang grupo ng mga tao, bagkus sa lahat ng tao! Nasa inyo! Kayong mga tao ang may kapangyarihan, ang kapangyarihang lumikha ng mga makina. Nasa inyo ang kapangrihang lumikha ng kaligayahan! Kayong mga tao ang may kapangyarihang gawing malaya at maganda ang búhay na ito, at gawin ang búhay na isang kagila-gilalas na paglalakbay.

Sa ngalan ng demokrasya, gamitin natin ang nasabing kapangyarihan, at magkaisa tayong lahat. Sabay-sabay tayong lumaban para sa bagong daigdig—isang disenteng daigdig na magbibigay ng pagkakataon sa mga tao na magtrabaho, at magbibigay ng kinabukasan sa mga kabataan at seguridad sa matatanda.

Sa pangangako sa ganitong mga bagay, ang mga hayop ay naluklok sa kapangyarihan. Ngunit nagsisinungaling sila! Hindi nila tinutupad ang kanilang pangako. At hindi tutuparin kailanman! Pinalalaya ng mga diktador ang kanilang mga sarili ngunit inaalipin ang mga tao. Makibaka tayo para matupad ang gayong pangako! Makibaka tayo para palayain ang daigdig—at buwagin ang mga pambansang hadlang—at talikdan ang kasakiman, at poot at intoleransiya. Makihamok tayo para makamit ng daigdig ang pagkamatwid—ang daigdig na ang agham at progreso ay magbubunga ng kasiyahan ng lahat ng tao.

Mga kawal, sa ngalan ng demokrasya, halina’t magkaisa!

Hannah, naririnig mo ba ako? Nasaan ka man, tumingala ka o Hannah. Naglalaho na ang mga ulap! Papasikat na ang araw! Sumisilang tayo mulang karimlan tungo sa kaliwanagan. Sumasapit tayo sa bagong daigdig—isang mabuting daigdig, na ang mga tao ay lalampasan ang kanilang poot, kasakiman, at karahasan. Tumingin ka, Hannah! Ang kaluluwa ng tao ay nagkabagwis, at sa wakas, siya ay nagsisimulang lumipad. Lumilipad siya tungo sa bahaghari, paloob sa liwanag ng pag-asa, paloob sa hinaharap, sa maningning na hinaharap na para sa iyo, para sa akin, at para sa ating lahat! Tumingin ka, Hannah. . . tumingin ka!

“Hinggil sa Pagpapatiwakal,” ni Antonin Artaud

Salin ng “Sur le suicide” (1925) ni Antonin Artaud ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hinggil sa Pagpapatiwakal

Bago magpatiwakal, hinihiling kong bigyan ako ng ilang katiyakan ng pag-iral; ibig kong matiyak ang ukol sa kamatayan. Ang búhay, para sa akin, ay waring pagsang-ayon sa ipinapalagay na legibilidad ng mga bagay at sa mga kaugnayan nito sa isipan. Hindi ko na nadarama ang gaya ng di-matinag na sangandaan ng mga bagay na pinaghihilom ng kamatayan, pinagagaling sa pamamagitan ng pagputol sa kaugnayan sa kalikasan; ngunit paano kung hindi na ako ang anumang bagay bagkus isang paglihis na tinatangay ng mga kirot imbes ng mga bagay?

Kapag nagpatiwakal ako’y hindi para wasakin ang sarili bagkus upang muling buoin ang sarili. Ang pagpapatiwakal para sa akin ay ay isang paraan ng marahas na pagsakop muli sa sarili, ng brutal na pagsaklaw sa aking katauhan, ng pag-asam sa di-inaasahang pagdulog ng Maykapal. Sa pagpapatiwakal, muli kong ipinakikilala ang aking plano sa kalikasan, at bibigyan sa unang pagkakataon ng hugis ang mga bagay na pawang inibig. Pinalalaya ko ang sarili mula sa akondisyonadong pitlag ng mga lamanloob na pawang hindi makasabay sa aking kalooban, at ang aking búhay ay hindi na absurdong aksidente na ako’y nag-iisip ukol sa mga bagay na sinabi sa aking isipin ko. Ngunit ngayon ay pinipili ko ang aking diwain at ang mga direksiyon ng aking mga fakultad, ang aking mga tendensiya, ang aking realidad. Inilulugar ko ang sarili sa pagitan ng maganda at nakakubli, ng mabuti at masama. Itinuturing ko ang sarili na waring lumulutang, walang mga likás na pagkiling, bagkus newtral, sa estado ng pagkakapantay-pantay ng mabubuti at masasamang kahilingan.

Dahil ang búhay mismo ay hindi solusyon, ang búhay ay walang uri ng pag-iral na pinili, sinang-ayunan, at inibig nang kusa. Ito ay serye lámang ng mga kagutuman at mabalasik na puwersa, ng mumunting kontradiksiyon na nagtatagumpay o nabibigo alinsunod sa mga pangyayaring nakasusuklam na sugal. Gaya ng pagkahenyo, gaya ng pagkabaliw, ang kasamaan ay hindi patas na ibinabahagi sa bawat tao. At tulad sa masama ay gayundin ang mabuti: kapuwa bunga ito ng mga pangyayari at ng humigit-kumulang na aktibong bisa ng lebadura.

Kasuklam-suklam na likhain ka at mamuhay at damhin ang sarili sa pinakamadidilim na sulok ng isipan mo, hanggang sukdulan ng mga di-inaasahang pagsibol ng iyong di-matitinag na predeterminadong pag-iral. Sa kabila ng lahat, tayo’y mga punongkahoy, at marahil ay nakasulat sa kung saang kurbada o sa ibang pamilya ng punongkahoy na kikitlin ko ang sarili sa isang tiyak na araw.

Ang mismong diwain ng kalayaang magpatiwakal ay babagsak gaya ng tinigpas na punongkahoy. Hindi ako lumilikha ng oras at pook o sirkumstansiya ng aking pagpapatiwakal. Hindi ko iniimbento kahit ang isahinagap iyon; madarama ko kayâ ito kapag binunot nito ang aking pinag-ugatan?

Maaaring malusaw ang mismong sandali ng aking pag-iral; ngunit paano kung manatili itong buo? Paano tutugon ang nasira kong mga lamanloob? Sa anong imposibleng lamanloob ko irerehistro ang hiwa ng pagpapatiwakal na ito?

Nararamdaman kong ang sasapit na kamatayan sa akin ay rumaragasang agos, gaya ng kisapmatang kidlat na ang kakayahan ay lampas sa kayang isaharaya. Nararamdaman ko ang kamatayan na hitik sa mga kaluguran, na may paikid na laberinto. Nasaan ang diwa ng aking pag-iral doon?

Ngunit biglang tingnan ang Maykapal gaya ng kamao, gaya ng karit na humihiwa sa sinag. Kusa kong nilagot ang aking sarili mula sa búhay, at ibig ko namang baligtarin ang aking kapalaran gaya ng damit.

Ang Maykapal na ito ay inihanda ako sa punto ng absurdidad. Pinanatili niya akong buháy na hungkag sa mga pagtutol at silakbo ng pagtatakwil sa sarili; winasak niya ang lahat sa akin, hanggang sa pinakapinong alabok ng maláy, nakadaramang búhay.

Binansot niya ako tulad ng naglalakad na robot, ngunit ang robot na ito ay nakadarama ng luwalhati ng kaniyang di-maláy na sarili.

Ano’t minithi kong lumikha ng pruweba ng aking búhay. Ibig kong balikan ang umaalunignig na realidad ng mga bagay, ibig kong durugin ang pre-destinasyon.

At ano ang masasabi ng Maykapal ukol diyan?

Manhid ako sa búhay, at bawat diwaing moral ay tulad ng tuyot na batis sa aking mga ugat. Para sa akin, ang búhay ay hindi bagay o hugis; ito ay naging serye ng mga pangangatwiran. Ngunit ang mga pangangatwirang ito, gaya ng umaandar na motor, ay ni hindi makasibad sa rabaw, subalit nasa loob ko tulad ng posibleng “mga diyagrama” na sinisikap ng aking bait na itornilyo.

Ngunit kahit sa pagsapit sa ganitong estado ng pagpapatiwakal ay kailangan kong hintayin ang pagbabalik ng aking maláy na sarili; kailangan kong magkaroon ng kalayaan sa lahat ng artikulasyon ng aking pag-iral. Inilugar ako ng Diyos sa kawalang-pag-asa, gaya sa konstelasyon ng mga hanggahang wakas, na ang ningning ay nagtatapos sa akin.

Hindi ako mabubuhay o mamamatay, ni wala akong kakayahang hilinging mamatay o mabuhay. At ang buong sangkatauhan ay kahawig ko.

Ang Tiyanak ng Adachigahara

Halaw at salin ng “The Goblin of Adachigahara” mula sa Japanese Fairy Tales (1908) na tinipon ni Yei Theodora Ozaki ng Japan.
Halaw at salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Tiyanak ng Adachigahara

Malawak na kapatagan ang Adachigahara noong unang panahon, doon sa lalawigan ng Mutsu ng Japan. Nililigalig ang nasabing pook ng tiyanak na naghuhunos na huklubang babae. Maraming manlalakbay ang nangaglaho nang pana-panahon, at hindi na muling nabalitaan, at ang matatandang babaeng nasa dapugan kapag gabi, o ang mga dalagitang naghuhugas ng bigas sa bukál tuwing umaga, ay nagbubulungan ukol sa mga kuwento kung paano nahatak ang mga manlalakbay tungo sa baláy ng tiyanak at nilapà, dahil ang tiyanak ay lamán ng tao lámang ang kinakain. Walang sinumang tao ang lumalapit sa engkantadong pook pagsapit ng takipsilim, at ang sinumang dapat dumaan doon ay iniiwasan yaon sa buong maghapon, at binabalaan ang mga manlalakbay hinggil sa nakahihindik na pook.

Isang araw, habang papalubog ang araw, dumating sa kapatagan ang pari. Huli siyang manlalakbay, at ang kaniyang roba ay nagpapahiwatig na isa siyang peregrinong Budistang naglalakad mulang isang santuwaryo tungong ibang santuwaryo upang manalangin at makatanggap ng pagpapalà o humiling na patawarin ang mga kasalanan. Naligaw siya sa daan, at dahil gabi na ay walang nakapagturo sa kaniya hinggil sa dapat patunguhan, o nakapagbabalâ hinggil sa engkatadong pook.

Naglakad siya nang buong araw, at pagod na pagod bukod sa gutóm, at malamig ang gabi, dahil papatapos na ang taglagas, at nabagabag siya kung saang bahay hihimpil at makapagpalipas ng magdamag. Natagpuan niya ang sarili sa gitna ng malawak na kapatagan, at nabigo siyang makatagpo ng anumang labî na tirahan ng mga tao.

Makalipas ang siyam na oras na paglalakbay ay natagpuan rin niya sa wakas ang kulumpon ng mga punongkahoy sa malayo, at sa pagitan ng mga ito’y sumilay ang isang sinag. Napasigaw siya sa galak.

“Tiyak na isang bahay iyon na mapagpapahingahan ko sa magdamag!”

Ipinakò niya ang paningin sa liwanag, at pinilit na humakbang nang mabilis kahit kumikirot ang mga paa, at di-naglaon ay sumapit siya sa munting kuból. Habang papalapit siya’y nakita niya ang gigiray-giray na bahay, ang wasak na kawayang bakod, at ang mga damong gumapang at tumubò sa pagitan ng mga buhô. Ang mga kortinang papel at papel na pinto’y tadtad ng butas, at ang mga haligi ng bahay ay bumalikô sa labis na lumà, at halos hindi na masuhayan ang bubong na kugon. Bukás ang kubol, at sa tanglaw ng lumang tinghoy ay lumitaw ang huklubang babae na humahabi ng tela.

Sumigaw ang peregrino sa labas ng bakod, at nagwika:

“Magandang gabi po, impo! Manlalakbay ako! Naligaw ako, at hindi ko alam ang gagawin, at wala po akong mapagpahingahan. Maawa na po kayo, at payagan akong makapagpalipas ng gabi sa inyong kubol!”

Nang marinig ng matandang babae ang panawagan ay huminto siyang humabi, at tumindig, sakâ nilapitan ang estranghero.

“Kaawa-awang ginoo! Naligaw ka’t inabot ng gabi sa daan. Ngunit wala akong maihahanda sa iyo, dahil wala akong kama, ni maihahain para sa sinumang bisita sa munting kubol na ito!”

“Hindi po mahalaga iyon,” ani pari. “Nais ko lámang sumilong para palipasin ang magdamag, at kahit sa sahig ng kusina ay sapat na para maging tulugan ko. Pagod na pagod na ako sa kalalakad ngayong gabi, at huwag na po akong tanggihan, kung hindi’y matutulog ako sa malamig na lupa!” At sa ganitong paraan siya nagmakaawa sa matanda.

Nagbantulot ang matanda, sakâ nagwika:

“Papayagan kitang matulog dito ngayong gabi. Magtiis sa payak kong bahay; tumuloy ka, at magpaparikit ako ng gatong dahil malamig ang gabi!”

Tuwang-tuwa ang peregrino sa narinig. Tinanggal niya ang sandalyas at pumasok sa kubol. Inilabas ng matanda ang ilang kahoy na panggatong at nagsindi ng apoy, at sinabihan ang panauhin na lumapit at magpainit.

“Gutom ka na marahil dahil sa mahabang paglalakbay,” sabi ng matanda. “Magluluto ako ng hapunan para sa iyo.” Nagtungo siya sa kusina upang magsaing.

Matapos maghapunan ang pari ay umupo ang matandang babae sa dapugan, at naghuntahan sila nang matagal. Naisip ng peregrino na labis siyang mapalad na makilala ang mabait at mapagbigay na matanda. Nang malapit nang maabo ang huling gatong ay muling nanginig sa ginaw ang lalaki, gaya nang siya’y dumating sa kubol.

“Giniginaw ka,” wika ng matanda. “Lalabas muna ako, at maghahanap ng panggatong dahil ubos na ang aking mga kahoy. Dito ka muna, at magbantay ng bahay habang wala ako.”

“Hindi, hindi po!” wika ng peregrino. “Ako na lámang ang maghahanap ng panggatong, dahil matanda na kayo. At di ko lubos maisip na lalabas pa kayo para maghanap ng panggatong para sa akin!”

Umiling ang matanda, sakâ nagwika:

“Manatili ka rito dahil panauhin kita.” Iniwan ng matanda ang peregrino at lumabas ng bahay.

Ilang saglit pa’y nagbalik ang matanda, at winika:

“Huwag kang umalis sa kinauupuan mo, at anuman ang mangyari’y huwag lumapit o sumilip sa likod na silid. Tandaan mo ang aking sinabi!”

“Kung sinabi ninyong huwag akong lumapit sa likurang silid ay makaaasa kayong hindi ko gagawin,” sabi ng pari, na waring natigatig.

Muling lumabas ng bahay ang matanda, at naiwang mag-isa ang pari. Namatay na ang apoy, at ang tanging ilaw ng kubol ay mula sa malamlam na tinghoy. Sa unang pagkakataon ay naramdaman niyang naroon siya sa kakatwang pook, at ang utos ng matanda, na “Anuman ang mangyari’y huwag lumapit o sumilip sa likod na silid!” ay pumukaw sa kaniyang tákot at pagkamausisa.

Ano ba ang naroon sa silid na hindi ibig ipakita sa kaniya ng matanda? Nanatili siya sa kaniyang kinalalagyan dahil ayaw suwayin ang utos ng matanda, ngunit hindi siya nakatiis at hindi napigil ang sariling sumilip sa ipinagbabawal na silid.

Tumindig siya at marahang tinungo ang likod na silid. Ngunit ang gunitang magagalit ang matanda kapag sinuway ito ay nagpabalik sa peregrino sa tabi ng dapugan.

Lumipas ang ilang minuto ngunit hindi pa rin nagbabalik ang matanda, at habang tumatagal ay unti-unti siyang kinikilabutan, at kinutuban siya sa nakahihindik na lihim ng silid sa likuran niya. Kailangan niyang matuklasan ang lihim.

“Hindi niya mababatid na sumilip ako, maliban kung sasabihin ko. Sisilip ako bago siya makabalik,” bulong ng lalaki sa kaniyang sarili.

Tumindig siya dahil matagal ang kaniyang pagkakaupo, at palihim na tinungo ang ipinagbabawal na pook. Nangangatal ang mga kamay niyang tumulak sa pinto, at dumungaw siya nang marahan. Nagulantang siya sa nakita. Ang silid ay hitik sa mga kalansay, at ang dingding at sahig ay tigmak sa dugo ng tao. Sa isang sulok ay may talaksan ng mga bungo ng tao, at sa kabilang sulok ay butuhang bisig, at sa isa pang sulok ay naroon ang tumpok ng mga buto ng binti na nangagkalat sa sahig. Nanginig siya’t nangatal ang pangá, at halos hindi siya makagapang palayo sa lagim na nasaksihan.

“Karima-rimarim!” sigaw niya. “Anong kasuklam-suklam na pook ang narating ko sa aking mga paglalakbay? Tulungan nawa ako ng Buda, o ako’y masasawî. Maaari kayang ang matandang babae ang lamanlupang kumakain ng tao? Kapag nagbalik siya’y ipakikita niya ang tunay na katauhan, at kakainin ako nang buo!”

Pagkawika nito’y nagbalik ang kaniyang lakas, at mabilis niyang kinuha ang salakot at tungkod, at kumaripas ng takbo palabas ng bahay hangga’t káya ng mga paa. Tumakbo siya kahit hatinggabi, at pinilit lumayo sa bahay ng lamanlupa. Hindi pa siya gaanong nakalalayo’y naulinig niya ang tinig na sumisigaw: “Tigil! Tigil!”

Ipinagpatuloy niyang tumakbo nang mabilis, at nagkunwang hindi naririnig ang huklubang babae. Habang tumatakbo siya’y naririnig niya ang mga yabag sa likuran niya na palapit nang palapit, at sa bandang huli’y nasagap niya ang tinig na palakas nang palakas mula sa huklubang babaeng papalapit.

“Huminto ka, masamang lalaki! Bakit ka sumilip sa bawal na silid?”

Di-alintana ng pari ang kaniyang págod at halos lumipad ang kaniyang mga paa sa pagkaripas. Nagpalakas sa kaniya ang kaniyang takot, dahil alam niyang kapag inabutan siya ng tiyanak ay magiging biktima siya nito. Buong lakas ng loob niyang inulit-ulit ang dasal kay Buda:

“Namu Amida Butsu, Namu Amida Butsu!

Humabol sa kaniya ang nakahihindik na huklubang halimaw, na lumilipad ang mga buhok sa pagtakbo, at ang mukha nito’y naghunos na napopoot na demonyo. Tangan niya ang duguang patalim, at sumigaw nang paulit-ulit na “Tumigil ka!”

At nang hindi na makatakbo ang pari ay biglang sumilay ang bukang-liwayway, at walang ano-ano’y naglahong bigla ang lamanlupa. Nabatid ng pari na ang nakatagpo niya’y ang Tiyanak ng Adachigahara, na isang kuwentong malimit niyang marinig ngunit hindi pinaniwalaan. Nadama niyang nakaligtas siya dahil sa tulong ni Buda, na kaniyang pinagdasalan nang taos, at inilabas niya ang kaniyang mālā (o rosaryo), at tumungó habang papasikat ang araw, at taimtim na nagpasalamat. Pagdaka’y ipinagpatuloy niya ang paglalakbay tungo sa ibang nayon, at galak na iniwan ang mahiwagang pook.

“Kapalaran,” ni Tariq Ibn Ziyad

Kapalaran, ayon sa wika ni Tariq Ibn Ziyad

“Mga bagani, bakit kayo tatakas? Nasa likuran ninyo ang dagat,
at nasa harapan ang kaaway!”

—Tariq Ibn Ziyad

Wasak ang taytay
at bangkang patay
ang nasa bungad.
Amoy ng sungad:
pugot na ulo
dito sa dulo
ang iyong uwi,
o siya’y sawi.

Tariq Ibn Ziyad, pintura ni Fareed Suheimat, lapis at tubigkulay, Setyembre 2009.

“Sipatin ang taglamig sa pambihirang paraan,” ni Chou Meng-tieh

Salin ng “look at winter in a certain way” ni Chou Meng-tieh, batay sa bersiyong Ingles ni Lee Yew Leong.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

sipatin ang taglamig sa pambihirang paraan

sipatin ang taglamig sa pambihirang paraan
magsimula sa sinag ng araw—
tumpok ng mga parasitong walang magawa
at binubutas ang lawas ng niyebeng tumigas.

niyebeng hindi umuungol, hindi tumatanggi
isang binutas na bilog. . .
habang maginhawa ang loob, paghuhunusin
ko ang lungkot sa patay na pighati ng nakalipas
na mga taon,
isang binutas na bilog. . . isang
paglilibing
sa isang natatanging gabing pinatahimik

anumang ninais palitawin ay sisilang isang araw
tingnan ang taglamig sa pambihirang anggulo
taglamig—na may paraan ng pagpapasulak ng lahat,
na kahit ang mga araw ay humahaba,
lalong umiinit ang mga gabi, ang balintataw ng itim
na pusa’y higit na maitim, mabilog, maningning
habang umiikot at tinatanglawan
ang kahungkagan ng paligid

lahat ng napigtal na dahon ay nakatakdang magbalik
sa kani-kaniyang mga sanga nito,
lahat ng punongkahoy, gaya dati, ay ekstensiyon
ng aking nagsasangang mga kamay,
bagaman humahakbang nang marahan ang taglamig,
walang humpay naman ang yabag nito—kung sisipatin
mo ang taglamig sa pambihirang paraan.