“Sa Antigua,” ni Kerri Webster

Salin ng “In Antigua” ni Kerri Webster ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sa Antigua

. . . .“Sikát ako sa Antigua. Naliligo ako sa hasmin at hinihilot sa maliligamgam na bato.”
. . . . . . . . . . . . —Anunsiyo ng Carnival Cruise sa New Yorker

 

Sa Albuquerque, sa kabilang dako, ay kilabot ako; pinupukol
ako roon ng mga bata at pinagtsitsismisan ng matatanda.
Sa Juneau, ako ay glasyal, malamig na bughaw na paliguang
binabayaran. Sa Rio, hindi ako pinupuri o nililibak; nakalalakad
ako sa mga kalye at walang saysay ang lahat, malalabo ang tinig,
ukol sa elektrisidad, ukol sa peoníyas at mumurahing lana.

Sa Praha, kasingringal ako ni Napoleon, at batid ng lahat iyon.
Binibigyan nila ako ng kabayo, at sinasabi ko sa kanilang
ililibing ako kasama iyon, at tatawagin ang kabayo na Murphy
o Andromeda, at magpapalakpakan ang lahat. Sa Montreal,
simputla ako tulad noong nasa Toronto. Sa Istanbul, natatalisod
ako sa mga biyak na saydwok, at walang sumasalo ng siko ko
para sabihing Binibini, magtsaa nang magkaroon ng panapal.
Sa Sydney, ilang araw paghuntahan ang pagdating ko. Umuupo
ako sa labas ng tanghalan ng opera para sa milagro, at kung wala’y

naroon sa Ecuador, na ang mga huklubang bathala’y inilalahok
ang aking mga kuko sa kanilang ritwal, at nabatid kong ang lahat
ay may fermentasyon, kung may puwang, kung may palayok.
Sa Paris, gising ako magdamag. Sa may Gold Coast, pinakasalan
ko ang reberendo na naniwalang ang pagalà ay ibon ng diyos
na masinop binibilang iyon, habang sumisipol. Sa tabi ng Bucharest,
lumalakad akong di-pinapansin, at tigmak, at higit na matapat
kaysa noong nasa Memphis. Sa loob ng tatlong Linggo, nilandas
ko ang makikitid na kalyehon, at nagwikang ánfora, ánfora.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.