Ang Tiyanak ng Adachigahara

Halaw at salin ng “The Goblin of Adachigahara” mula sa Japanese Fairy Tales (1908) na tinipon ni Yei Theodora Ozaki ng Japan.
Halaw at salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Tiyanak ng Adachigahara

Malawak na kapatagan ang Adachigahara noong unang panahon, doon sa lalawigan ng Mutsu ng Japan. Nililigalig ang nasabing pook ng tiyanak na naghuhunos na huklubang babae. Maraming manlalakbay ang nangaglaho nang pana-panahon, at hindi na muling nabalitaan, at ang matatandang babaeng nasa dapugan kapag gabi, o ang mga dalagitang naghuhugas ng bigas sa bukál tuwing umaga, ay nagbubulungan ukol sa mga kuwento kung paano nahatak ang mga manlalakbay tungo sa baláy ng tiyanak at nilapà, dahil ang tiyanak ay lamán ng tao lámang ang kinakain. Walang sinumang tao ang lumalapit sa engkantadong pook pagsapit ng takipsilim, at ang sinumang dapat dumaan doon ay iniiwasan yaon sa buong maghapon, at binabalaan ang mga manlalakbay hinggil sa nakahihindik na pook.

Isang araw, habang papalubog ang araw, dumating sa kapatagan ang pari. Huli siyang manlalakbay, at ang kaniyang roba ay nagpapahiwatig na isa siyang peregrinong Budistang naglalakad mulang isang santuwaryo tungong ibang santuwaryo upang manalangin at makatanggap ng pagpapalà o humiling na patawarin ang mga kasalanan. Naligaw siya sa daan, at dahil gabi na ay walang nakapagturo sa kaniya hinggil sa dapat patunguhan, o nakapagbabalâ hinggil sa engkatadong pook.

Naglakad siya nang buong araw, at pagod na pagod bukod sa gutóm, at malamig ang gabi, dahil papatapos na ang taglagas, at nabagabag siya kung saang bahay hihimpil at makapagpalipas ng magdamag. Natagpuan niya ang sarili sa gitna ng malawak na kapatagan, at nabigo siyang makatagpo ng anumang labî na tirahan ng mga tao.

Makalipas ang siyam na oras na paglalakbay ay natagpuan rin niya sa wakas ang kulumpon ng mga punongkahoy sa malayo, at sa pagitan ng mga ito’y sumilay ang isang sinag. Napasigaw siya sa galak.

“Tiyak na isang bahay iyon na mapagpapahingahan ko sa magdamag!”

Ipinakò niya ang paningin sa liwanag, at pinilit na humakbang nang mabilis kahit kumikirot ang mga paa, at di-naglaon ay sumapit siya sa munting kuból. Habang papalapit siya’y nakita niya ang gigiray-giray na bahay, ang wasak na kawayang bakod, at ang mga damong gumapang at tumubò sa pagitan ng mga buhô. Ang mga kortinang papel at papel na pinto’y tadtad ng butas, at ang mga haligi ng bahay ay bumalikô sa labis na lumà, at halos hindi na masuhayan ang bubong na kugon. Bukás ang kubol, at sa tanglaw ng lumang tinghoy ay lumitaw ang huklubang babae na humahabi ng tela.

Sumigaw ang peregrino sa labas ng bakod, at nagwika:

“Magandang gabi po, impo! Manlalakbay ako! Naligaw ako, at hindi ko alam ang gagawin, at wala po akong mapagpahingahan. Maawa na po kayo, at payagan akong makapagpalipas ng gabi sa inyong kubol!”

Nang marinig ng matandang babae ang panawagan ay huminto siyang humabi, at tumindig, sakâ nilapitan ang estranghero.

“Kaawa-awang ginoo! Naligaw ka’t inabot ng gabi sa daan. Ngunit wala akong maihahanda sa iyo, dahil wala akong kama, ni maihahain para sa sinumang bisita sa munting kubol na ito!”

“Hindi po mahalaga iyon,” ani pari. “Nais ko lámang sumilong para palipasin ang magdamag, at kahit sa sahig ng kusina ay sapat na para maging tulugan ko. Pagod na pagod na ako sa kalalakad ngayong gabi, at huwag na po akong tanggihan, kung hindi’y matutulog ako sa malamig na lupa!” At sa ganitong paraan siya nagmakaawa sa matanda.

Nagbantulot ang matanda, sakâ nagwika:

“Papayagan kitang matulog dito ngayong gabi. Magtiis sa payak kong bahay; tumuloy ka, at magpaparikit ako ng gatong dahil malamig ang gabi!”

Tuwang-tuwa ang peregrino sa narinig. Tinanggal niya ang sandalyas at pumasok sa kubol. Inilabas ng matanda ang ilang kahoy na panggatong at nagsindi ng apoy, at sinabihan ang panauhin na lumapit at magpainit.

“Gutom ka na marahil dahil sa mahabang paglalakbay,” sabi ng matanda. “Magluluto ako ng hapunan para sa iyo.” Nagtungo siya sa kusina upang magsaing.

Matapos maghapunan ang pari ay umupo ang matandang babae sa dapugan, at naghuntahan sila nang matagal. Naisip ng peregrino na labis siyang mapalad na makilala ang mabait at mapagbigay na matanda. Nang malapit nang maabo ang huling gatong ay muling nanginig sa ginaw ang lalaki, gaya nang siya’y dumating sa kubol.

“Giniginaw ka,” wika ng matanda. “Lalabas muna ako, at maghahanap ng panggatong dahil ubos na ang aking mga kahoy. Dito ka muna, at magbantay ng bahay habang wala ako.”

“Hindi, hindi po!” wika ng peregrino. “Ako na lámang ang maghahanap ng panggatong, dahil matanda na kayo. At di ko lubos maisip na lalabas pa kayo para maghanap ng panggatong para sa akin!”

Umiling ang matanda, sakâ nagwika:

“Manatili ka rito dahil panauhin kita.” Iniwan ng matanda ang peregrino at lumabas ng bahay.

Ilang saglit pa’y nagbalik ang matanda, at winika:

“Huwag kang umalis sa kinauupuan mo, at anuman ang mangyari’y huwag lumapit o sumilip sa likod na silid. Tandaan mo ang aking sinabi!”

“Kung sinabi ninyong huwag akong lumapit sa likurang silid ay makaaasa kayong hindi ko gagawin,” sabi ng pari, na waring natigatig.

Muling lumabas ng bahay ang matanda, at naiwang mag-isa ang pari. Namatay na ang apoy, at ang tanging ilaw ng kubol ay mula sa malamlam na tinghoy. Sa unang pagkakataon ay naramdaman niyang naroon siya sa kakatwang pook, at ang utos ng matanda, na “Anuman ang mangyari’y huwag lumapit o sumilip sa likod na silid!” ay pumukaw sa kaniyang tákot at pagkamausisa.

Ano ba ang naroon sa silid na hindi ibig ipakita sa kaniya ng matanda? Nanatili siya sa kaniyang kinalalagyan dahil ayaw suwayin ang utos ng matanda, ngunit hindi siya nakatiis at hindi napigil ang sariling sumilip sa ipinagbabawal na silid.

Tumindig siya at marahang tinungo ang likod na silid. Ngunit ang gunitang magagalit ang matanda kapag sinuway ito ay nagpabalik sa peregrino sa tabi ng dapugan.

Lumipas ang ilang minuto ngunit hindi pa rin nagbabalik ang matanda, at habang tumatagal ay unti-unti siyang kinikilabutan, at kinutuban siya sa nakahihindik na lihim ng silid sa likuran niya. Kailangan niyang matuklasan ang lihim.

“Hindi niya mababatid na sumilip ako, maliban kung sasabihin ko. Sisilip ako bago siya makabalik,” bulong ng lalaki sa kaniyang sarili.

Tumindig siya dahil matagal ang kaniyang pagkakaupo, at palihim na tinungo ang ipinagbabawal na pook. Nangangatal ang mga kamay niyang tumulak sa pinto, at dumungaw siya nang marahan. Nagulantang siya sa nakita. Ang silid ay hitik sa mga kalansay, at ang dingding at sahig ay tigmak sa dugo ng tao. Sa isang sulok ay may talaksan ng mga bungo ng tao, at sa kabilang sulok ay butuhang bisig, at sa isa pang sulok ay naroon ang tumpok ng mga buto ng binti na nangagkalat sa sahig. Nanginig siya’t nangatal ang pangá, at halos hindi siya makagapang palayo sa lagim na nasaksihan.

“Karima-rimarim!” sigaw niya. “Anong kasuklam-suklam na pook ang narating ko sa aking mga paglalakbay? Tulungan nawa ako ng Buda, o ako’y masasawî. Maaari kayang ang matandang babae ang lamanlupang kumakain ng tao? Kapag nagbalik siya’y ipakikita niya ang tunay na katauhan, at kakainin ako nang buo!”

Pagkawika nito’y nagbalik ang kaniyang lakas, at mabilis niyang kinuha ang salakot at tungkod, at kumaripas ng takbo palabas ng bahay hangga’t káya ng mga paa. Tumakbo siya kahit hatinggabi, at pinilit lumayo sa bahay ng lamanlupa. Hindi pa siya gaanong nakalalayo’y naulinig niya ang tinig na sumisigaw: “Tigil! Tigil!”

Ipinagpatuloy niyang tumakbo nang mabilis, at nagkunwang hindi naririnig ang huklubang babae. Habang tumatakbo siya’y naririnig niya ang mga yabag sa likuran niya na palapit nang palapit, at sa bandang huli’y nasagap niya ang tinig na palakas nang palakas mula sa huklubang babaeng papalapit.

“Huminto ka, masamang lalaki! Bakit ka sumilip sa bawal na silid?”

Di-alintana ng pari ang kaniyang págod at halos lumipad ang kaniyang mga paa sa pagkaripas. Nagpalakas sa kaniya ang kaniyang takot, dahil alam niyang kapag inabutan siya ng tiyanak ay magiging biktima siya nito. Buong lakas ng loob niyang inulit-ulit ang dasal kay Buda:

“Namu Amida Butsu, Namu Amida Butsu!

Humabol sa kaniya ang nakahihindik na huklubang halimaw, na lumilipad ang mga buhok sa pagtakbo, at ang mukha nito’y naghunos na napopoot na demonyo. Tangan niya ang duguang patalim, at sumigaw nang paulit-ulit na “Tumigil ka!”

At nang hindi na makatakbo ang pari ay biglang sumilay ang bukang-liwayway, at walang ano-ano’y naglahong bigla ang lamanlupa. Nabatid ng pari na ang nakatagpo niya’y ang Tiyanak ng Adachigahara, na isang kuwentong malimit niyang marinig ngunit hindi pinaniwalaan. Nadama niyang nakaligtas siya dahil sa tulong ni Buda, na kaniyang pinagdasalan nang taos, at inilabas niya ang kaniyang mālā (o rosaryo), at tumungó habang papasikat ang araw, at taimtim na nagpasalamat. Pagdaka’y ipinagpatuloy niya ang paglalakbay tungo sa ibang nayon, at galak na iniwan ang mahiwagang pook.