Ang Tula ni Kobe Bryant

Ang Tula ni Kobe Bryant

Nakalulugod na ang sikat at retiradong basketbolistang si Kobe Bryant ay tumula para pagpugayan ang kaniyang karera sa basketbol. Ang kaniyang tula, na pinamagatang “Dear Basketball,” ay nalathala sa The Players’ Tribune noong 29 Nobyembre 2015, at pagkaraan ay ginawan ng animasyon, at kabilang sa mga nominado ngayon para magwagi ng Academy Award sa larang ng maikling pelikula.

Ang persona ng tula, na isang basketbolista, ay isinalaysay sa paliham na paraan sa kausap na basketbol kung paanong ang simpleng pangarap ng isang anim na taóng gulang na bata ay lumago at naging totoo sa hinaharap. Ang batang binibilog ang mga medyas ng kaniyang tatay para gawing bola, at malimit magpraktis  magsiyut ng bolang magpapanalo sa koponan doon sa kaniyang silid, ang magiging haligi ng tula. Ang mapangaraping bata ay tatangkad at magiging manlalaro, at sasabak sa makukulay na bakbakan sa kort at magwawagi sa maalamat na paraan. Ngunit sasapit ang yugto na hindi na káya ng kaniyang katawan ang maglaro, bagaman sumisigaw ang kaniyang isip o loob na “Sige, magpatuloy!” at kailangan na niyang magretiro.

Masyadong egosentriko ang persona sa tula ni Kobe, kahit sabihing personal ang diskursong namamagitan sa persona at sa karera nitong basketbol. Ang labis na pagmamahal ng persona sa basketbol ang bubulag sa kaniya tungo sa kasakiman, o pagkabuwakaw sa termino ng mga basketbolista, at hindi mababakás sa tula ang pambihirang ambag ng kaniyang mga kakampi sa koponan, mulang alalay hanggang bangkô hanggang miron hanggang coach atbp.  Nasabi ko ito nang mapanood matalo ang paborito kong koponan, ang Cleveland Cavaliers, na bagaman may tatlong MVP, bukod sa mga sikat at atletikong kakampi, ay nabigo sa kanilang kalaban dahil nakaligtaan yata nila ang pakahulugan ng “team work.” Tinambakan ang nasabing koponan kahit naroon si LeBron James, na kinikilala bilang pinakamahusay na basketbolista sa buong mundo sa kasalukuyan.

Sa realistikong pananaw, ang minamahal na larong basketbol ni Kobe na nakabalatkayong persona ay hindi pang-isahang tao lámang, at kung gayon ang kredito sa alinmang tagumpay ay maituturing na kolektibo. Nangangailangan ito ng mga kakamping handang pumaloob sa isang koponan, at handang magtaya, at magparaya para sa ikatatagumpay ng buong koponan. Ibig sabihin nito’y ang pagkilala sa importanteng papel ng bawat isa sa organisasyon, at ang bawat manlalaro, kung magagamit sa pinakaepisyenteng paraan, ang magdudulot ng pagwawagi sa buong koponan. Ngunit para sa persona ng tula, ang kaniyang relasyon sa basketbol ay isang personal na pagdulog, at siya lamang ang sentro, at ang tanging nakikita niya ay kompetisyon. Ang malungkot, nakaligtaan o hindi binanggit sa tula, na ang propesyonal na basketbol ay isang negosyo at laro ng kapangyarihan, at ang negosyong ito na may taglay na pambihirang kapangyarihang lumalampas sa koliseo ang nagdidikta sa magiging takbo ng karera ng mga manlalaro. Sa tula ni Kobe, ang persona sa tula ay hindi maaaring basahin sa punto de bista ng isang mababang uri at nakapailalim na basketbolista, tawagin man itong subaltern, bagkus isang pribilehiyadong manlalarong propesyonal at nasa panig ng maykapangyarihang ibig makahawak palagi ng bola.

Mahalaga sa basketbol ang mga tao na nakapaligid sa mga basketbolista. Dapat kilalanin ang mga tagapagsanay, na handang magpuyat o magrepaso ng video, at magpaliwanag nito sa mga manlalaro upang maiwasang gawin muli ang mga pagkakamali, halimbawa sa depensa o kaya’y opensa. Kailangan ang mga ekspertong estadistiko para mabatid ang kalakasan o kahinaan ng bawat manlalaro. Kailangan ang suporta ng maneydsment, lalo kung may kaugnayan sa kalusugan ng manlalarong nagkaroon ng pinsala sa katawan. Mabuti ring isaalang-alang ang tangkilik ng fans, sapagkat ang anumang suporta nila sa midya man o sa mismong laro, kung minsan, ang nakatutulong para sumigla ang buong koponan at magrali mula sa pagkakatambak, at magwagi bago maupos ang pangwakas na segundo ng laro. Kung tunay ngang mahal ng persona (na bukod sa katauhan ng tunay na Kobe Bryant) ang basketbol, ang kaniyang pagmamahal dito ay dapat makaabot sa kaniyang kapuwa basketbolista—kakampi man o katunggali.

Ang tula ni Kobe Bryant ay sadyang gumanda, hindi dahil sa pambihirang paglalaro ng salita o paglulubid ng talinghaga, gaya ng makikita sa mga tunay na makata at pinupuri ng mga formalista.  Ang tula ay gumanda at naging katanggap-tanggap sa masa dahil sa pambihirang ilustrasyon o animasyon, na tinumbasan ng mahusay na musika at promosyon. Sa ganitong pangyayari, ang tula ay hindi simpleng anyo o nilalaman lámang, bagkus kombinasyon ng dalawa, at hindi maibubukod ang ilustrasyon o animasyon. Dahil maykaya sa búhay, nakuha ni Kobe ang serbisyo ng matitinik na propesyonal sa pelikula at musika, at kung gayon, ang kaniyang tula ay hindi na lamang simpleng tula na binása ng awtor na nagkataong tanyag na personalidad sa basketbol, bagkus naghunos na natatanging kolaborasyon ng iba’t ibang isip at imahinasyon.

Ang kolaborasyon sa paggawa ng pelikula ang maituturing na tunay na prinsipyo ng basketbol, at ito ang esensiya ng konsepto ng bayanihan o sabihin nang “team work.”

Dapat hangaan si Kobe sa kaniyang pagsisikap na sumulat ng tula, at ipaloob sa talinghaga ang kaniyang maningning na karanasan bilang basketbolista. Ngunit para sa akin, ang tula ni Kobe ay isang malinaw na pagkaligta, at isang pagsisinungaling sa tunay na diwain ng sama-samang tagumpay. Ang pagkaligta na ito sa kaniyang mga naging kabalikat ay kataka-takang hindi nakita ng mga hurado ng Academy Awards, na ang hula ko’y ni hindi naman talaga nagbabasá ng tula.