Kapag ang lupain ay mainit

Kapag ang lupain ay mainit

I went to the crossroad,
fell down on my knees.

—Robert Johnson

Roberto T. Añonuevo

Kapag ang lupain ay mainit, at kasinglupit
Ng karukhaan, kahit ikaw, kapatid,
Ay maliligaw sa madilim na sangandaan,
Maliligaw ka roon sa lumang sangandaan,
Makakasalubong ang sungayang halimaw
Na kung hindi ka hahatakin para magsáka
Ay magtotono ng sintunado mong gitara.

Kapag ang lupain ay mainit, at kasinglupit
Ng mga babaeng tumotoma, humihithit
Ng damo, kahit ikaw, kapatid, ay magtatanong,
Magtatanong kung bakit iba ang espiritu
Na pumasok sa kanilang ulo, habang sila’y
Nakikinig sa loob ng laós at gusgusing bar,
Nakikinig sa gitara mong iba kung ngumalngal.

Kapag ang lupain ay mainit, at kasinglupit
Ng kamatayan, ang sementeryo’y di matahimik
Dahil kasama mo ang saítang hayop umawit.
Umiindak ang kaniyang mga nota, umiindak
Ang melodiya, at ikaw, na para niyang anak,
Ay nagsanla ng kaluluwa, ng dukhang kaluluwa,
Para makalikha ng walang kamatayang musika.

Kapag ang lupain ay mainit, at kasinglupit
Ng kawalang-pag-asa, kahit ikaw, kapatid,
Ay maliligaw sa madilim na sangandaan,
Maliligaw ka roon sa lumang sangandaan,
Makikipagkasundo sa talentadong demonyo,
At ang gitara mo’y maingat niyang itotono,
At aawit ka nang aawit nang mayanig ang mundo. . . .