Tulang Hinuha, ni Jorge Luís Borges

Salin ng “Poema Conjectural” mula sa orihinal na Español ni Jorge Luís Borges.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tulang Hinuhà

Jorge Luís Borges

Si Francisco Laprida, na pinatay noong ika-22 ng Setyembre 1829
ng mga rebolusyonaryo mula sa Aldao, ay nagmuni bago ang kaniyang
kamatayan.

Humáging ang mga bála sa sukdulang hapon.
Humangin, at may mga abóng sakay ng hangin,
at nang humupa ang araw at bakbakang baság,
ang tagumpay ay napasakamay ng ibang tao.
Nanalo ang barbaro’t ang gawtso ay nanalo.
Ako, si Francisco Narciso de Laprida,
na nag-aral ng mga batas at kánon,
na ang tinig ay naghahayag ng kalayaan
sa malulupit na lalawigan, ay nabigo ngayon,
tigmak sa dugo at pawis ang aking mukha,
tuliro, ni walang pakiramdam ng pag-asa o takot
akong tumakas tungo sa huling arabal sa Timog.
Tulad ng kapitan sa Purgatoryo na tumakbong
nakayapak, at nag-iwan ng duguang bakás sa daan
na buburahin pagkaraan sa kung saang itim na batis,
ako ay dapat tumumba. Ang araw na ito ang wakas.
Ang dilim na lumatag sa buong latian ay hinabol
ako at pinabuwal. Naririnig ko ang mga yabag
ng mga kabayong sumisingasing at sakay
ang mga hineteng humihiyaw at may mga sibat.

Ako na nangarap na magbanyuhay na ibang tao,
bihasa sa mga salita, aklat, at kuro-kuro,
ay hihimlay sa latiang nasa lilim ng bukás na langit;
ngunit ang lihim at di-maipaliwanag na tuwa
ang nagpapatibok ng aking puso. Ngayon ko
nakaharap ang aking kapalaran bilang Sudamericano.
Mula sa masaklap na hapong ito, humahakbang ako
sa masalimuot na laberinto na aking binabalikan
noong bata pa ako.
Sa wakas ay natuklasan ko ang matagal nang lihim
ng aking búhay, ang tadhana ni Francisco de Laprida,
ang nawawalang titik, ang susi, ang perpektong porma
na ang tanging Diyos ang nakababatid noong una pa man.
Sa salamin ng gabing ito ay nakita ang aking mukhang
eternal, na hindi mapagsusupetsahan. Ang bilog
ay magsasara na. Hinihintay ko itong maganap.

Tinatahak ng aking mga paa ang mga anino ng sibat
na nakaturo sa akin. Ang hiyawan sa aking kamatayan,
ang mga hinete, balahibong umaalon, kabayong
dumadamba sa akin. . . Ngayon ay ang unang ulos,
ang duro ng malupit na bakal na lumalagos sa aking
dibdib, ang matalik na patalim na bumabaón sa leeg.