Salin ng “Poema Conjectural” mula sa orihinal na Español ni Jorge Luís Borges.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Tulang Hinuhà
Jorge Luís Borges
Si Francisco Laprida, na pinatay noong ika-22 ng Setyembre 1829
ng mga rebolusyonaryo mula sa Aldao, ay nagmuni bago ang kaniyang
kamatayan.
Humáging ang mga bála sa sukdulang hapon.
Humangin, at may mga abóng sakay ng hangin,
at nang humupa ang araw at bakbakang baság,
ang tagumpay ay napasakamay ng ibang tao.
Nanalo ang barbaro’t ang gawtso ay nanalo.
Ako, si Francisco Narciso de Laprida,
na nag-aral ng mga batas at kánon,
na ang tinig ay naghahayag ng kalayaan
sa malulupit na lalawigan, ay nabigo ngayon,
tigmak sa dugo at pawis ang aking mukha,
tuliro, ni walang pakiramdam ng pag-asa o takot
akong tumakas tungo sa huling arabal sa Timog.
Tulad ng kapitan sa Purgatoryo na tumakbong
nakayapak, at nag-iwan ng duguang bakás sa daan
na buburahin pagkaraan sa kung saang itim na batis,
ako ay dapat tumumba. Ang araw na ito ang wakas.
Ang dilim na lumatag sa buong latian ay hinabol
ako at pinabuwal. Naririnig ko ang mga yabag
ng mga kabayong sumisingasing at sakay
ang mga hineteng humihiyaw at may mga sibat.
Ako na nangarap na magbanyuhay na ibang tao,
bihasa sa mga salita, aklat, at kuro-kuro,
ay hihimlay sa latiang nasa lilim ng bukás na langit;
ngunit ang lihim at di-maipaliwanag na tuwa
ang nagpapatibok ng aking puso. Ngayon ko
nakaharap ang aking kapalaran bilang Sudamericano.
Mula sa masaklap na hapong ito, humahakbang ako
sa masalimuot na laberinto na aking binabalikan
noong bata pa ako.
Sa wakas ay natuklasan ko ang matagal nang lihim
ng aking búhay, ang tadhana ni Francisco de Laprida,
ang nawawalang titik, ang susi, ang perpektong porma
na ang tanging Diyos ang nakababatid noong una pa man.
Sa salamin ng gabing ito ay nakita ang aking mukhang
eternal, na hindi mapagsusupetsahan. Ang bilog
ay magsasara na. Hinihintay ko itong maganap.
Tinatahak ng aking mga paa ang mga anino ng sibat
na nakaturo sa akin. Ang hiyawan sa aking kamatayan,
ang mga hinete, balahibong umaalon, kabayong
dumadamba sa akin. . . Ngayon ay ang unang ulos,
ang duro ng malupit na bakal na lumalagos sa aking
dibdib, ang matalik na patalim na bumabaón sa leeg.
Napag isipan niyo na po ba ipunin itong mga salin at ilagay sa libro? Maari niyo akong kontakin hinggil sa ganitong proyekto kung interesado.
LikeLike
Lahat ng aking isinasalin ay nakaprograma para ilathala. Sino ang tatanggi sa iyong alok? Matagal na akong nagtimpi at nanahimik, at nagsakripisyo, at ibibigay ko lamang ito sa sinumang pabliser na handang maglimbag ng 20,000—50,000 sipi para maging mura at mabili ng karaniwang mga estudyante o guro sa abot-kayang halaga. Kung ilalathala ang aking salin ng isang pabliser na magbibigay lamang ng 500 sipi o 1,000 sipi ay huwag na, sapagkat ayokong maimbak ang aking libro sa aklatan, at hindi para sa iilang pribilehiyadong mambabasa.
Ang aking mga salin ay dapat pakinabangan ng lahat ng Filipino, (lalo ng mahihirap,) ngayon imbes na sa hinaharap, at ng mga banyagang ibig matuto ng Filipino.
Alam kong sabik na sabik ang mga Filipino sa mga salin; at nagtataka lámang ako kung bakit hangga ngayon ay pinag-aaralan ang panitikang pandaigdig sa napakalimitadong akdang nagmula sa ilang bansa, gaya ng United States.
Ang Alimbukad ay alternatibong aralin, at hindi matatagpuan sa karaniwang mga teksbuk ng DepEd at CHED. Kung totoong interesado ka sa isang proyekto ay nais kong makita ang iyong patunay.
LikeLike