“Pagpapatunay,” ni Mary Ann Waters

Salin ng “Bearing Witness” ni Mary Ann Waters ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pagpapatunay

Hindi inaasahan ang pagkahenyo
Gaya ng pinilakang butones
Na nalaglag sa abrigo ni Mozart,

Tumalbog patawid ng entablado,
At kung saan nagwakas ang liwanag
Ay naupos sa aking mga palad,

Nahúli sa adelantadong palakpak.
Amadeus ang dula, at dito,
Pagdaka’y ang dulang panloob—

Ang marungis na mukha ng realidad
Na nakatitig sa mundo ng aktor,
Singhirap arukin gaya ng Diyos,

Gayong batid naming ang tinig ng Diyos
Ay musika, kung nagwika man siya.
Nakidalamhati kami kay Salieri

Sa kaniyang karimlan. Si Salieri,
Na umiiral sa bawat isa sa amin,
Ang aming desperadong simula.

Lumuwag marahil ang butones
Dahil marupok ang sinulid,
Iyon ang aming mahihinuha.

Kapritsosong kumilos si Mozart.
Ngunit alam ko kung anong galaw
Ang magtatakda ng pagkakaiba,

O kung anong liksi ang nararapat
Para masalo ang butones sa eyre
Na tila laro lamang itong pangyayari,

At ako, nasa orkesta, sa unang hanay,
Ako, na dahil nagkataong naroroon,
Ang kumakatha ng katotohanan.

Advertisements

“Bayan ko,” ni Ibrahim Touqan

Salin at halaw ng “فــي رُبَـــاكْ” [Mawtini] ni Ibrahim Touqan ng Estadong Palestina.
Salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Bayan ko

Bayan ko, o aking bayan
Maringal at marikit, matayog at maningning
Ang iyong mga buról, ang iyong mga buról.

Buháy at paglaya, galak at pag-asa
Ang taglay ng hangin mo, at nasa hangin mo
Kailan kita makikita? Kailan kita makikita?

Ligtas at maunlad
Matagumpay at dinadakila
Masisilayan ba kita sa iyong kabunyian
Habang inaabot ang mga tala’t bituin ay inaabot?
Bayan ko, o aking bayan!

Bayan ko, o aking bayan,
Di magmamaliw ang aming kabataan para sa kalayaan
O mamámatáy sila, o sila’y mamámatáy
Iinom kami sa kamatayan at hindi sa piling ng kaaway

Hindi namin iibigin, hindi namin iibigin
Ang maging alipin, ang maging alipin
Ang eternal na panghihiya o kaawa-awang buhay
Ang eternal na panghihiya o kaawa-awang buhay
Ay hindi iibigin, ngunit muli naming aangkinin
Ang dakilang tagumpay, ang dakilang tagumpay
Bayan ko, o aking bayan!

Bayan ko, o aking bayan,
Ang patalim at panulat, at hindi ang usapan o pag-aaway,
Ang aming sagisag, ang aming sagisag
Ang kadakilaan, kasunduan, at tungkuling maging tapat
Ang humihimok sa aming makibaka, makibaka!

Pukawin kami, pukawin kami
Ang aming kadakilaan, ang aming kadakilaan
Ay kagalang-galang na mithi’t wagayway ng watawat
Ay kagalang-galang na mithi’t wagayway ng watawat
O makita ka sa iyong kabunyian
Matagumpay sa lahat ng kaaway
Bayan ko, o aking bayan!

“Kung iibig ang mga lalaki sa mga babae,” ni Gioconda Belli

Salin ng “Reglas del juego para los hombres que quieren amar a mujeres” ni Gioconda Belli ng Nicaragua.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kung iibig ang mga lalaki sa mga babae

I.
Ang lalaking umiibig sa akin
ay marunong humawi ng kortina ng lamán,
arukin ang lalim ng aking mga mata,
at batid na nananahan sa akin
ang malambot,
nababanaagang pagtanggap.

II.
Ang lalaking umiibig sa akin
Ay hindi ako aariin gaya ng kasangkapan
O itatanghal ako gaya ng tropeo ng manlalaro
Bagkus ay magiging matapat siya sa akin
Nang may pagkandili
Gaya ng pagkamatapat at pagkandili ko sa kaniya.

III.
Ang lalaking umiibig nang dalisay sa akin
Ay magiging sintatag ng mga punong seybo,
Matigas at lumililim gaya nila;
Dalisay, tulad ng isang umaga ng Disyembre.

IV.
Ang lalaking umiibig sa akin
Ay hindi magdududa sa aking ngiti
O mangangamba sa paglago ng aking buhok.
Igagalang niya ang lungkot ko’t pananahimik.
Sa mga haplos, titipahin niya ang aking puson
Gaya ng gitara, at ilalabas ang kaluguran
Mula sa kaloob-looban ng aking katawan.

V.
Ang lalaking umiibig sa akin
Ay matutuklasang ako’y maaaring maging duyan
na makapapawi ng kaniyang pasanin o alalahanin.
Isang kaibigan na mapaghihingahan ng matatalik na lihim.
Isang lawa na maaaring lutangan,
Walang pangambang ang angkla ng kaniyang pangako
Ay hahadlang sa paglipad
Sakali’t sumapit iyon sa kaniya na isang ibon.

VI.
Ang lalaking umiibig sa akin
Ay gagawing tula ang kaniyang búhay,
At babalangkasin bawat araw
Habang nakapako ang kaniyang titig sa hinaharap.

VII.
Ngunit higit sa lahat,
Ang lalaking umiibig sa akin ay umiibig din sa bayan,
Hindi bilang abstraktong kategoríyang
Inuusal nang walang ingat
Bagkus bilang totoo at kongkreto
Na ipinakikita niya sa pamamagitan ng paggawa,
At handang ialay ang búhay kung kinakailangan.

VIII.
Ang lalaking umiibig sa akin
Ay makikilala ang aking mukha sa gitna ng bakbakan
At habang nakaluhod sa trintsera,
Iibigin niya ako
Habang sabay kaming bumabaril sa kaaway.

IX.
Ang aking lalaking umiibig
Ay hindi mangangambang ihandog ang sarili
O matatakot na magayuma ng kariktan.
Sa gitna ng plasa na punô ng laksang tao’y
Makasisigaw siya ng “Mahal kita!”
O makahihiyaw nang lubos sa tuktok ng gusali,
Handang ihayag ang kaniyang karapatang damhin
Ang pinakamarikit at damdamin ng tao.

X.
Ang aking lalaking umiibig
Ay hindi tatakasan ang mga kusina
O ang pagpapalit ng lampin ng aming anak,
Ang kaniyang pag-ibig ay gaya ng sariwang simoy
Na tinatangay palayo ang ulop ng panaginip at nakalipas,
Mga kahinaan na, sa ilang siglo ay nagbukod sa amin
Bilang mga nilalang na magkakaiba ang estado.

XI.
Ang aking lalaking umiibig
Ay hindi nanaising maging estereotipo ako
O ihuhulma ako sa pamantayan,
Bibigyan niya ako ng hangin, espasyo,
At pangangalaga upang tumayog at umunlad
Gaya ng rebolusyon
Na ginagawa ang bawat bagong araw
Na simula ng isang bagong tagumpay.

XII.
At ibibigay ko sa aking lalaking iniiibig
Ang pamamahinga, at sa bawat digmaan at gulo
Na sinuong niya’y tutumbasan ko ng ginhawa.
Papalitan ko ng mga ngiti ang kaniyang poot,
At ang kandungan ko’y laan sa kaniyang pananahimik.
Magiging matibay na hagdan ako para sa kaniya,
Kapag ibig kong umabot sa rurok ng kalangitan.
At hindi ko bibilangin kailanman ang aking mga halik
Dahil yaon ay magiging eternal pagsapit sa kaniyang labì.

“Hindi kita gusto, Kamatayan!”

Salin ng tula ni Samih al-Qasim ng Estadong Palestina.
Salin sa eleganteng Filipno ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hindi kita gusto, Kamatayan!

Hindi kita gusto, Kamatayan,
Ngunit hindi ako takót sa iyo
Batid kong ang lawas ko’y higàan mo’t
Kobre-kama mo ang aking kaluluwa
Alam kong ang pasigan mo’y makitid
Para sa akin
Hindi kita mahal, Kamatayan,
Ngunit hindi ako nasisindak sa iyo.

“Walang hanggang kopa,” ni Ruhollah Mousavi Khomeini

Salin ng tula ni Ruhollah Mousavi Khomeini [Imam Khomeini] ng Iran.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Walang hanggang Kopa

Tayo ang mga anak ng pag-ibig at ang mga ampon ng kopa.
Sa pagkalasing at pagsasakripisyo ng ating kaluluwa
para sa minamahal ay natatamo natin ang kaganapan.
Ipinagparaya natin ang puso sa taberna at sa sakripisyo
ng pag-inom ng alak.
Tayo ang matatandang katulong sa hanggahan ng Mago.
Tayo ang mga kasiping sa kama ng sinisinta,
ngunit pinarurusahan tayo ng pagkakabukod sa kaniya.
Nalulunod tayo sa pakikipagsanib sa kaniya,
subalit nananatili ang pagkakahiwalay sa kaniya.
Wala tayong kulay o tunog
datapwat tayo’y nabibigkis sa pambihirang kulay.
Wala tayong pangalan o tirahan,
ngunit malimit nating inaasam ang magkaroon ng pangalan.
Nakikipagtunggali tayo sa Sufi, Nostiko, at Dervis.
Nakikihamok tayo sa pilosopiya at teolohiya.
Tumakas tayo mula sa seminaryo at lumayo sa mga nilalang.
Ipinatapon tayo ng marunong at kinamuhian ng mamamayan.
Laban sa pag-iral at laban sa naghahanap ng pag-iral
ay naging baligtaran ang ating anyo.
Taglay ang kawalan ng lahat, noong walang hanggang araw,
tayo’y sabay-sabay naglalakad nang magkakabalikat.

“Madaling-araw,” ni Gladys Casely-Hayford

Salin ng tula ni Gladys Casely-Hayford ng Sierra Leone.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Madaling-araw

Ang madaling-araw para sa mayaman, artistiko’t marunong
ay kariktang nakabalatay sa kambas ng himpapawid,
at ang mga pinsel bilang ulap na bughaw na lumulutang
ay idinawdaw sa dayaray para sa pagpipinta, at hinugasan
ng dalisay na hamog.

Ngunit ang madaling-araw na pinaliliguan ang gabi sa luha
at pumipiga sa ikabubuhay mula sa di-sumusukong taon,
ay hitik sa mga kakatwang pangangarap at pangamba.
Ang madaling-araw ay nagpapasulak ng sindak ng araw
na ang nanggigipit na walang katiyakan ay namamayani;
At ang kirot na taglay sa pagsuko sa pamamagitan ng maikling
oras ng pamamahinga
ay bumabangon nang malupit sa walang humpay na mithing
pagupuin ang láwas, utak, diwa, at kalooban hanggang
malutas ang kamatayan, at maging layon ang kamatayan.

Dahil ang gayong búhay ay salát sa kagandahan, wala
ni munting liwanag  ang sumasapit na madaling-araw,
dahil ang araw ay walang kapag-a-pag-asa, at hinablig
ang madaling-araw tungo sa isang anyo ng pagkaagnas.

“Ang Ganda’y Walang Saysay,” ni Christina Rossetti

Salin ng “Beauty is Vain,” ni Christina Rossetti ng United Kingdom.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Ganda’y Walang Saysay

Habang ang rosas ay kaypula,
Habang ang liryo’y kayputi,
Dapat bang ang mukha ng dilag
Ay tampok para ikagalak?
Ang rosas ay higit ang tamis,
Ang liryo’y higit na matuwid;
Kung siya’y simpula,  simputi,
Alangan kung siya’y di-sala.

Bilad man siya sa tag-araw
O putlain tuwing taglamig,
Ipamalas ang angking ganda’t
Ikubli sa belo ang mata;
Magkulay mang butó o dugô
Tumayô’t maghúnos na dungô,
Ang panahon ang mananaig,
At dadalhin siya sa hukay.

“Kanino man ang landas,” ni Tsegaye Gabre-Medhin

Salin ng “Who is on whose way” ni Tsegaye Gabre-Medhin ng Ethiopia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kanino man ang landas

Hindi ko alam, ginoo, na humalang ako sa iyong daan,
At naganap ang lahat nang di-inaasahan. Makipagtalo
Sa iyo ay wala sa lugar, at kung tayo’y mag-aaway,
Ang iba ang tiyak na magtatagumpay;
At yamang ang landas na ito ang kinabukasan ko rin,
Ang tadhana ang pumipilit sa aking sumagot ng “Hindi.”
Sikaping makapagtimpi, o kung hindi’y magagawa mong
Itaya ang bunga ng gawang pagsisisihan sa anyo ng biro;
Dahil kung may krimen, ang maysala ay sadyang karaniwan.
Ako rin ay katulad mo, kung lulugar ka sa kinatatayuan ko.
Kayâ magpalít tayo ng puwesto, at magpalit ng papel.
Gaano man maging kapait ang lahat ay dapat maganap.
Batid nating wala namang mawawala nang gaano,
Na kahit naririto tayo’y napakalawak ng pagitang espasyo.
At sa kabila ng lahat, sasapit ang araw na kapuwa tayo yayao.

“Papuri sa aking kabayo,” ni Ali Bu’ul

Salin at halaw ng tula ni Ali Bu’ul ng Somalia.
Salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Papuri sa aking kabayo

Lumipad ang aking sumisingasing na kabayo
Mulang baybayin ng Bulahar
Hanggang dalisdis ng Bundok Almis,
Narating ang dagat ng Harawe’t
Ang taniman ng mansanitas ng Hargeysa
Sa loob lamang ng isang hapon.
Tila nagdaraang ulap ang kaniyang tulin.
Maririnig sa kaniyang kuwadra
Ang matindi’t nakasisindak na atungal.
Hindi ba iyon gaya ng matikas na leon
Na nangunguna sa sariling pulutong?
Sa di-maliparang uwak na kapatagan
Ay dinadaig at napapaluhod niya sa buhangin
Ang mga kamelyo.
Hindi ba ito ang ekspertong amo ng kamelyo?
May guhit ng puti ang buntot niya’t
Balahibo sa batok. Maitatanong mo:
Hindi ba ito kasingrikit ng akasyang namumulaklak?

Pintura ni John Bauer.

Ilustrasyon ni John Bauer (1882-1918).

“Kung batid natin itong punto,” ni Roberto Juarróz

Salin ng “Si conociéramos el punto,” ni Roberto Juarróz ng Argentina.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kung batid natin itong punto

Kung batid natin itong punto
na ang isang bagay ay mabibiyak,
na ang hibla ng mga halik ay malalagot,
na ang titig ay hindi makatatagpo ng ibang titig,
na ang puso ay lulundag sa ibang pook,
makalilikha tayo ng punto sa puntong iyan,
o kahit paano’y sumabay sa gayong pagkabiyak.

Kung batid natin itong punto
na matutunaw ang isang bagay para magbanyuhay,
na ang disyerto’y makasusumpong ng pag-ulan,
na ang yakap ay makapupukaw ng búhay,
na ang kamatayan ay sintalik ng kamatayan mo,
mailaladlad natin ang punto gaya ng serpentina,
o kahit paano’y maaawit yaon hanggang yumao.

Kung batid natin itong punto
na ang isang bagay ay malimit magiging iba,
na ang butó ay hindi malilimot ang lamán,
na ang puwente ay ina sa iba pang puwente,
na ang nakalipas ay hindi magiging nakalipas,
maiiwan ang puntong iyan at mabubura ang iba,
o kahit paano’y maitatagò iyon sa ligtas na lugar.