Salin ng tulang “Bab al Wad” ni Haim Gouri ng Israel.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Bab al Wad
Haim Gouri
Tumatawid ako dito. Nakatindig ako sa tabi ng gulod,
Itim na aspaltadong haywey, tagaytay, mga bato.
Marahang tumatakipsilim at umiihip ang dayaray.
Doon sa Beit Mahsir, kumislap ang unang sinagtala.
Bab al Wad,
Tandaan ang aming mga pangalan sa lahat ng panahon.
Bumalatay sa gilid ng daan ang aming mga nasawi,
Sa pook na tinahak ng mga dalúlong papasok ng lungsod.
Ang kalansay na bakal, gaya ng aking kasama, ay pipi.
Dito, ang alkitran at tingga ay naluluto sa init ng araw,
Dito, lumilipas ang mga gabi nang may apoy at patalim,
Dito, ang pighati at luwalhati ay nananahan nang matalik
Sa sunog na sasakyang blindado at di-kilalang pangalan.
Bab al Wad . . .
At dito ako naglalakad nang walang kaluskos
At natatandaan ko silang lahat, tanda ang bawat isa.
Sama-sama kami ritong lumaban sa gulod at lupang
Malupit, bilang isang pamilyang magkakabigkis.
Bab al Wad . . .
Sasapit ang tagsibol at aalimbukad ang síklamen
Magdurugo ang buról at dalisdis sa mga anémoná.
Ikaw na maglalakad dito, sa landas na aming tinugpa,
Huwag kaming kalimutan—kami ang Bab al Wad. . . .