Salin ng “Phoenix” ni Ijeoma Umebinyuo ng Nigeria.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Fenix
Ijeoma Umebinyuo
Isang araw,
Magsasawà ang iyong butó
Sa mga lalaking
Tumatangging sumamba sa Diyos na taglay mo.
At sa araw na iyon,
Hihiwain mo ang iyong kaluluwa
O kaya’y patatatagin ang diwa
Para iwan ang sinumang lalaki
Na tinanggihan kang tawaging
Banal.
Tandaan
Kung paanong pinainit ng ina mo ang kaniyang
Mga buto sa mga gabing malayo ang ama mo.
Kayâ,
Huwag umibig sa lalaking pinanatili kang
Kasiping ang unan sa napakaraming magdamag.
Lumayô
Sa mga lalaking binabalatan ang ibang babae,
at pinipilit kang isuot ang balát ng iba.
Tandaan kung paanong nakibaka ang ina mo
Para matagpuan ang balát niya sa talaksan.
Huwag
Kaskasin ang iyong mga salita para pabawahin
Ang kirot, o kuskusin ang sarili sa labis na hiya.
Huwag
Lunurin ang sarili sa lalaki.
Iiwan ka niyang sisinghap-singhap.