Panitikan at Kasaysayan
Roberto T. Añonuevo
Ang kasaysayan ng panitikan sa Filipinas ay hindi kailanman magiging kasaysayan ng isang awtor, bagaman ang awtor na ito ay maaari ding maging pabliser, propesor, tagasalin, leksikograpo, administrador, politiko, aktibista, promotor, artista, negosyante, doktor, at iba pa, at magkaroon ng talento o kapangyarihang sumulat ng sariling kasaysayan ng panitikan, alinsunod sa kaniyang punto de bista. Ito ay sapagkat ang awtor na ito, gaya ni Homer, ay produkto ng kaniyang panahon, at ang kaniyang mga akda, gaya ng Iliad at Odyssey, ay maituturing na konstelasyon ng mga dáting kaisipang maaaring nasagap niya, na sa paglipas ng panahon ay kaniyang ginagad, kinopya, tinipon, nilagom, dinagdagan kung hindi man binawasan, at hinubog para makabuo ng isang maipapalagay na modernong katha. Ang kasaysayan ng panitikan ay hinuhugis ng kalipunan ng mga manunulat—sa loob man o labas ng Filipinas—at ang mga manunulat na ito, habang malusog at malikhain ang produksiyon, ang makapagsusulong din ng kabaguhan sa panitikan sa kani-kaniyang panahon, bagaman hindi nangangahulugan yaon na ang mga manunulat na kakaunti ang nasulat ay maisasantabi agad; ito’y sapagkat ang panitikan ay hindi paramihan at pahusayan ng akda, at kung gayon ay hindi dapat ituring na de-kahong kompetisyon, gaya ng Palanca Awards, bagkus ay nakalaan para pahalagahan at kasiyahan ng lahat. Kung magkakaroon man ng tagisan sa panitikan, ang tagisang ito ay hindi lantad, at maituturing na pailalim o palihis (sapagkat ang sukdulang katunggali ng manunulat ay ang kaniyang sarili), na maaaring sipating nasa anyo ng pagpapahalaga sa pambihirang imahinasyon ng manunulat—na siya namang kinikilala ng kaniyang bayan.
Noong nakalipas na panahon, ang isang katutubong pamayanan ay maaaring magkaroon ng binúkot, at ang binúkot na ito ay kailangang maisaulo hindi lámang ang epikong bayan o ang kuwento ng kaniyang bayan, bagkus ang maituturing na kasaysayan at kultura ng pamayanan na kaniyang pinagmulan. Ang tulang kabesado ng binúkot ay hindi lamang nagmula sa kaniya, (bagaman posibleng lumikha siya nang kusa alinsunod sa abot ng kaniyang karanasan o guniguni,) bagkus produkto rin ng mga walang pangalang makata o binúkot noong nakalipas na panahon, at ipinasa sa kaniya sa pamamagitan ng araw-araw na pagsasanay kung hindi man pagsasadula. Sinasabing magwawakas ang kaniyang tungkulin bilang binúkot sa oras na sumapit siya sa edad ng pagkatigulang, at kailangan niyang magpakasal, at lisanin ang bahay na nagsilbi rin sa kaniya bilang marangya’t ligtas na bilangguan. Ang kasunod niyang tungkulin ay ang pagpapása ng kaniyang kaalaman sa sinumang napipisil na maging bagong binúkot na handa at karapat-dapat sa gayong kabigat ng tungkulin. Sa ganitong pangyayari, ang isang epikong bayan ay nagiging walang hanggahang salaysay, na gaya ng Hudhud, ay hindi matutuldukan hangga’t may isang makatang magpapatuloy ng gayong tradisyon. Isang malaking pagkakamali, kung gayon, na ituring na ang ultimo’t pangwakas na salaysay ay magtatapos sa isang binúkot, maliban na lamang kung ang binúkot na ito ay dakpin at idestiyero kung saan, o kaya’y maging sakim sa karunungan at sadyang ipagkakait ang kaniyang kaalaman sa iba sa paraang nagtatampong anghel o di-kaya’y matandang dalaga, at hindi ipapása sa susunod na henerasyon ang buong gunita ng kaniyang lipi kahit sa pasulat na paraan, kahit alam niyang sumapit na siya sa edad na dumurupok ang kaniyang mga buto, lumalalaylay ang mga lamán, at unti-unting nabubura ang memorya.
Nakalulungkot na ang panahon ng binúkot ay nagwakas na, at ito ay hinalinhan ng Artificial Intelligence (AI). Ang artipisyal na karunungang ito ay nakasalalay sa pambihirang database, at sa pamamagitan ng malikhaing eksperimento ng mga henyo, ay natuturuan ang isang kompiyuter kung paano magpanatili ng memorya, bukod sa magpamalas kung paano magpapasiya sakali’t sumapit dito ang ilang palaisipan, gaya sa ahedres. Ang pinakabagong AI ay kinakatawan ng AlphaZero na tumalo sa isang kampeon ng kompiyuter chess, at sa aking palagay ay may posibilidad na ilampaso ang gaya nina Magnus Carlsen, Levon Aronian, at Wesley So. Ang AlphaZero na nag-aral sa loob ng apat na oras ay nakáyang biguin ang maituturing na pinakamahusay na programa sa ahedres. Samantala, ang AI ay posibleng mailatag din sa panitikan sa hinaharap, ngunit sa aking palagay ay nasa paraan ng paghangò kung paano lumitaw o ginamit ang mga salita, kung paanong pinayaman ang kahulugan ng mga konsepto o diskurso, at kung paano magtitimpla ng mga salita, alinsunod sa jargon ng bawat larang o sub-kultura, o kaya’y sa paglalatag ng komplikadong banghay na may diwa ng laberinto at pala-palapag na pakahulugan. Masusubok ang AI sa paglikha ng tinatagurian ngayong mga tekstong posmoderno o poskolonyal, at ang mga eksperimento nina James Joyce, Salman Rushdie, at Gabriel García Marquez ay puwedeng maging talababà na lámang ng nakaraang panahon.
Kung babalikan ang panitikan, ang pagbubuo ng kasaysayan nito ay hindi simpleng pag-iimbak sa database ng lahat ng nasulat na panitikan, gaya sa Project Gutenberg, sapagkat ang panitikan ay hindi nagwawakas sa pasulat na tradisyon, bagkus kailangang isaalang-alang din ang mga tradisyong pabigkas, at ang mga materyal at artefaktong kaugnay nito sa kaligiran o pamayanan. Kailangang isaalang-alang ang konteksto ng pagkakasulat ng isang akda, at kung gayon, ang isang maituturing na grandeng naratibo ay magiging kathang-isip din, sapagkat ang naratibo ay hindi lámang maaaring magsimula sa itaas, at magmistulang didaktiko ang datíng, kundi maaari ding magsimula sa gilid-gilid [periphery], o kaya’y mula sa kailaliman [grassroots], na siyang pinag-uugatan ng malawak ngunit maralitang masa. Sa ganitong pangyayari, posibleng hindi makaiwas na basahin ang kasaysayang pampanitikan alinsunod sa humahawak ng paraan at uri ng produksiyon [ng akda], kung hihiramin ang dila ng Marxista. Halimbawa, ang isang awtor na konektado rin sa isang publikasyon, at may akses sa pondo mulang pribado hanggang panggobyernong institusyon, ay nakalalámang sa iba na hindi nagkaroon ng gayong oportunidad, bukod sa ang paraan ng kaniyang pamumuhay at pagkatha ay nahuhubog sa taglay niyang yaman at pinoprotektahang interes, gaya sa negosyo. Kung isasaalang-alang naman ang kasaysayan ng panitikan sa Filipinas, ang kasaysayang ito ay maaaring nakabatay sa pamimilì, prehuwisyo, eksentrisidad, at pasiya ng isang istoryador, alinsunod sa nais niyang pahalagahan sa pagbasa ng akda. Kayâ ang isang istoryador na mahusay sa Tagalog o Sebwano, sa isang banda, ay maaaring malimitahan sa kaniyang pagsusuri kung hindi niya isasaalang-alang ang iba pang tradisyon ng pagsulat sa gaya ng Ilokano, Bikol, Pangasinan, Mëranaw, at iba pang katutubong wika. Lalo pa siyang mahahanggahan sa pagbasa kung ang kaniyang mga kaaway sa panitikan ay iitsapuwera niya (batay man sa estetikong panlasa o personal kundi man politikong pagtanaw), at kung gayon ay hindi nailahok sa kung anong dahilan sa kaniyang mga antolohiya o kritika.
Ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan ay masisipat na produkto ng kolektibong pawis at dugo ng mga manunulat. Maihahalimbawa ang Aklatang Bayan, na sinasabing itinatag noong 1910, ngunit ayon sa rekoleksiyon ni Engracio L. Valmonte ay nagsagawa ng kauna-unahang opisyal na pulong noong 9 Setyembre 1911, sa kalye Juan Luna, Gagalangin, Maynila. Ang Aklatang Bayan ay kinabibilangan ng mga bantog na nobelista, kuwentista, mandudula, at makata, gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Julian Cruz Balmaseda, Faustino Aguilar, Rosauro Almario, Gerardo Chanco, Carlos Ronquillo, Leonardo A. Dianzon, Remigio Mat Castro, Sofronio Calderon, Pedro Gatmaitan, Valeriano Hernandez Peña, Carlos Ronquillo, at iba pa. Kabilang din sa pangkat ang mga Kapampangan, gaya nina Aurelio Tolentino at Francisco Laksamana. Ang Aklatang Bayan ay itinuturing na kapatid ng Samahan ng mga Mananagalog, na pinangunahan ni Lope K. Santos. May kabuoang 42 kasapi ang Aklatang Bayan, at sa bilang na ito ay nabago ang topograpiya ng panitikang Tagalog, kung hindi man Filipinas, sa pangkalahatan. Ang kaganapan nito ay nasa mapaghawan ngunit mahihinuhang kolaboratibong pagtatangka nina Balmaseda, Regalado, at Santos na bumuo ng mga pangunang sarbey ng mga panitikang nasusulat sa Tagalog, gaya sa nobela at tula, at pagsusumundan ng iba pang manunulat na magtutuon sa gaya ng dula, sanaysay, at musika.
Lumakas noon ang Aklatang Bayan sapagkat ang ilang kasapi ay makapangyarihang editor bukod sa mga batikang manunulat sa mga pahayagang gaya ng Taliba, Ang Mithi, at Pagkakaisa na pawang panloob ng La Vanguardia at El Ideal, ayon na rin kay Valmonte. Nakipag-ugnay din ang pamunuan ng Aklatang Bayan kay Don Alejandro Roces na nagmamay-ari ng El Ideal at Ang Mithi, at sa mga pinuno ng Lapiang Nacionalista. Tinangkilik ito ng mga gobernador, gaya nina Manuel Aguinaldo at Maximo de los Reyes ng Bataan, Lope K. Santos ng Rizal, at J. Vicente Salazar ng Nueva Ecija. Ang iba pang kasapi ay magiging politiko pagkaraan at magtataglay ng mga posisyon sa pamahalaan, gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Antonio D. Paguia, Antonio K. Abad, Leonardo A. Dianzon, at Amado V. Hernandez. Itinatag ni Benigno Ramos ang Partido Sakdalista, samantalang si Hernandez ay nakilalang kapanalig ng Partido Komunista. Ang kataka-taka’y sa kabila ng pagkakaiba-iba sa pananalig ay may toleransiya ang isa’t isa sa pakikinig, at may kolektibong tindig laban sa tumitinding gahum ng mga banyagang wika sa mga dominyo ng kapangyarihan.
Binanggit ko ang bahaging ito ng kasaysayan sapagkat ibig ko lámang isaad na ang pagbubuo ng programa sa pagpapalathala, sa isang panig, at ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan, sa kabilang panig, ay nangangailangan ng kontribusyon mula sa iba’t ibang tao, (bukod pa sa mga aktibong kasapi at pamunuan ng isang pampanitikang organisasyon,) at toleransiyang tanggapin ang iba-ibang kulay ng pananalig o politika o pinag-ugatan. Nagkakaroon lámang ng kulay ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan sapagkat ang isang aktibong manunulat ay napipilitan o nahihimok maging diktador—sa tawag man ng panahon o politika o kalikasan—at maaaring maglahok ng kaniyang bersiyon ng katotohanan (na matataguriang promosyon-sa-sarili) hinggil sa kabaguhang kaniyang ginawa o ginawa ng kaniyang mga kapangkat sa uri ng panitikang nalathala, at kasalungat ng namamayaning gahum sa pagbasa at pagpapahalaga sa katutubong panitikan. Ang bersiyon ng katotohanan ay maaaring umagos sa tahas o maligoy na paraan, sa pamamagitan ng awtor mismo o kaya’y ng mga kasapakat niyang alagad, at ang katotohanang ito ay maaaring pabulaanan o salungatin ng mga susunod na kritiko, batay sa mga matutuklasang materyal na artefakto na magagamit sa pagsusuri ng mga akda. Ano’t anuman, ang isang manunulat ay hindi maaaring maging bato o newtral, o maituturing na newtral at walang pakialam. Hindi rin maituturing na newtral ang nilikha niyang grandeng naratibo ukol sa kasaysayang pampanitikan—na sakali mang magtagumpay ngayon ay maituturing na pansamantala, at inaasahang magbabanyuhay pa, sa ayaw man niya o sa gusto, sa paglipas ng panahon. Dahil hindi monopolyado ng isang manunulat ang pagbuo ng kasaysayang pampanitikan, ang kasaysayang ito ay maaaring ituring na patuluyang trabaho ng iba’t ibang isip na may sanlibo’t isang mata, para pahalagahan ang tulad ng Lupang Tinubuan, o ang dakilang santinakpan.