Persona non grata
Roberto T. Añonuevo
Nakagugulat na walang reaksiyon ang taumbayan nang ideklarang persona non grata ng konseho ng Lungsod Davao si Sen. Antonio Trillanes IV. Si Senador Trillanes, para sa mga mambabatas at opisyal ng Davao, ay isang sakit ng ulo, at naghahasik umano ng destabilisasyon laban sa administrasyong Duterte. Sa punto de bista ng taga-Davao ay maaaring tama ang deklarasyon; subalit sa punto de bista ng isang nag-iisip na Filipino ay maaaring sablay sa pinakamalalim na pakahulugan ang gayong deklarasyon.
Ayaw. Bawal. Alis. Ang mga salitang iyan ang lumalagom sa persona non grata.
Iyan ang gusto ng buong konseho ng Lungsod Davao, ngunit ang konsehong ito, kasama ang iba pang opisyal ng Lungsod Davao, ay maaaring managot sa batas, sapagkat ang pagdedeklara ng persona non grata laban kay Trillanes ay sumasalungat sa diwain ng Seksiyon 6 ng Artikulo III, ng Konstitusyong 1987. Ayon sa nasabing batas, ang karapatang maglakbay ay hindi dapat sagkaaan, maliban kung nakasalalay “ang interes ng pambansang seguridad, publikong kaligtasan, o publikong kalusugan, alinsunod sa maitatadhana ng batas.”
Ang sugnay na “. . . alinsunod sa maitatadhana ng batas” ay isang paraan ng mga sumulat ng Konstitusyong 1987 para palabnawin ang nasabing probisyon, at ang ibig sabihin ay dapat gumawa ng batas ang kongreso hinggil sa nasabing probisyon para ito magkabuto’t lamán. Ang opinyong ito ay hindi nagmula sa akin, at galing mismo kay Wilfrido Villacorta na isa sa mga delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Ang dapat ginagawa ng mga mambabatas ngayon ay lumikha ng panuhay na batas [enabling law] ukol sa pagpapataw ng taguring persona non grata sa sinumang tao, banyaga man siya o Filipino. At dahil walang panuhay na batas ang pamahalaan, walang bisa at pag-aaksaya lámang ng laway ang ginawa ng mga politikong Dabawon sapagkat wala silang karapatang gumawa ng sariling batas o kautusan na may kaugnayan sa pagpapataw ng persona non grata nang walang pagsang-ayon ang kongreso; o kaya’y angkinin ang Lungsod Davao na parang ang pook ay kanila lamang at hindi para sa iba pang Filipino.
Nakasaad pa sa Seksiyon 6 ng Artikulo III ng Konstitusyong 1987 na ang “kalayaang maniharan at magbago ng paninirahan alinsunod sa saklaw na itinatadhana ng batas ay hindi dapat sagkaan, maliban sa naaayon-sa-batas na kautusan ng hukuman.” Ibig sabihin, maaaring manirahan si Senador Trillanes sa Davao kung iibigin nito at hindi mapipigil ng sinumang politiko, gaya ni Alkalde Inday Sara Duterte, maliban kung itatakda ng hukuman; ngunit sa aking palagay ay magbabago pa rin ng isip si Senador Trillanes, dahil ayon na rin sa kaniya ay mainit at armado ang mga kalaban niya sa Lungsod Davao, gaya ng napabalitang Davao Death Squads (DDS) o kumukulo ang dugo sa kaniya ni dating Bise Alkalde Paolo Duterte.
Ang totoo’y walang batas sa Filipinas hinggil sa pagdedeklara ng persona non grata. Ang konsepto ng nasabing taguri ay mahuhugot sa Vienna Convention on Diplomatic Relations of 1961, sa ilalim ng Artikulo 9, at may kaugnayan sa relasyong diplomatiko ng mga bansa. Isang patnubay ang nasabing batas kung paano haharapin ng isang tumatanggap na estado ang mga sugong ipinadala ng ibang estado.
The receiving State may at any time and without having to explain its decision, notify the sending State that the head of the mission or any member of the diplomatic staff of the mission is persona non grata or that any other member of the staff of the mission is not acceptable. In any such case, the sending State shall, as appropriate, either recall the person concerned or terminate his functions with the mission. A person may be declared non grata or not acceptable before arriving in the territory of the receiving State.
At ang masaklap, ang Vienna Convention ay hindi maaaring gawing palusot ng mga politikong Dabawon sapagkat ito ay aplikable lámang sa mga embahada, gaya ng pagpapatalsik sa isang embahador nang walang kaabog-abog at ni walang paliwanag mula sa Pangulo. Ang Pangulo bilang kinatawan ng estado ang tanging awtoridad na makapagpapataw ng persona non grata sa sinumang sugo ng ibang estado, anuman ang kaniyang mabigat na dahilan. Halimbawa, ang embahador ng China ay maaaring ideklarang persona non grata sa Filipinas sakali’t maghayag ito ng tuwirang pag-angkin sa buong Kanlurang Dagat Filipinas. Posibleng abanseng mag-isip lámang ang mga politikong Dabawon, at kahit hindi pa naisasabatas ang Federalismo ay gusto na nilang tingnan ang Davao bilang bukod na estado, at angkinin ang kapangyarihang dapat sana’y nasa kamay ng pinakamataas na pinuno ng Estadong Davao.
Ngunit sasabihin ng konseho na lumilikha ng destabilisasyon si Senador Trillanes sa bansa, at nakaaapekto sa Davao. Kung gayon nga, kinakailangang patunayan muna ito ng butihing konseho alinsunod sa masusi at mapagtitiwalaang saliksik bago gumawa ng marahas na hakbang. Ito ay dahil ang isang senador na ibinoto ng taumbayan ay hindi lámang dapat magsilbi sa Davao, o sa isang pook na gaya ng Davao, bagkus sa buong Filipinas. Kung sasagkaan ang kaniyang kalayaang magtungo sa Davao, sinasagkaan na rin ang kaniyang tungkulin at binibigo siyang gampanan ang mandatong hatid ng Konstitusyong 1987 na pinagtibay ng sambayanan. Sa ganitong pangyayari, ang buong konseho, kasama ang iba pang lokal na opisyal ng Davao, ay maaaring managot sa batas, at sipain sa kanilang puwesto dahil sa katangahan.
Ang ginawa ng konseho sa Davao ay ginawa rin ng ibang konseho sa iba’t ibang panahon, at kung gayon, ang asal ng konseho ng mga Dabawon ay pag-uulit ng nakaraan. Ilan sa mga kaso ay inilista ng blogistang si Rahernaez sa kaniyang artikulong Role Confusion. Noong 2005, ang dating korespondent ng Philippine Daily Inquirer na si Melinda Magsino-Lubis ay pinatawan ng taguring persona non grata sa Batangas, nang iulat nito ang mga katiwalian sa pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng administrasyon ni Armando C. Sanchez. Mainit noon ang usaping huweteng at huweteng intelihensiyang tumatagos sa mga pamahalaang lokal, at natural na nasaktan ang mga lokal na opisyal. Sa pagkakataong ito, ang pagtataguri ay masisipat na ginagamit bilang kasangkapan para patahimikin ang isang peryodista, at pilitin siyang talikdan ang tungkuling mag-ulat sa taumbayan. Ang dapat sanang ginawa ng gaya ni Gobernador Sanchez ay sampahan ng kaso ang peryodista, at patunayan sa korte na kabulaanan ang mga ulat nito.
Taliwas naman ang sitwasyon ni Rep. Rodolfo Fariñas nang ideklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Ilocos Norte na siya ay persona non grata roon dahil sa pagpapakulong sa mga kawani at opisyal ng kapitolyo sa Kamara nang tumanggi ang mga itong makilahok sa pagdinig sa komite ni Representante Fariñas ukol sa mga katiwalaan umano sa Ilocos Norte. Matigas ang tugon ng mambabatas laban sa Sangguniang Panlalawigan: siya ay inihalal ng taumbayan, at lider ng mayorya ng Mababang Kapulungan. Totoo namang mambabatas si Representante Fariñas, ngunit ang kaniyang katwiran ay walang saysay kung babalikan ang konsepto ng persona non grata. Ang deklarasyong persona non grata laban kay Representante Fariñas ay masisipat na ganti ng sangguniang panlalawigan sa maituturing na pang-aapi sa mga kawawang kawani at opisyal ng kapitolyo. Sa ganitong pangyayari, ang pagtataguri ay mistulang pampolitikang hadlang, bagaman lihis sa batas. Gayunman, masisipat na epektibo ang nasabing deklarasyon kung naapektuhan ang base ng mga botante ni Representante Fariñas sa Ilocos Norte, at naging mukhang tagapagligtas ang gaya ni Gobernador Imee Marcos.
Kung babalikan ang Seksiyon 29 (a) (8) ng Commonwealth Act No. 163, na tinawag ding The Philippine Immigration Act of 1940, ang isang banyaga ay maaaring pagbawalang pumasok sa Filipinas kung siya ay “naniniwala o nagsusulong sa pagpapabagsak ng gobyerno sa marahas na paraan” bukod sa “nagsasagawa ng asesinasyon o nanghihikayat o nagtuturo ng mga diwain, teorya, at prinsipyong salungat sa Konstitusyon ng Filipinas.” Ngunit ang probisyong ito ay laan sa mga banyagang animo’y mersenaryo at hindi para sa ordinaryong mamamayang Filipino. Wala nang bisa ito, at kung sisipatin sa anggulo ng persona non grata ay hindi puwedeng gamitin laban sa isang Filipino.
Kung lalagumin, ang deklarasyong persona non grata laban kay Senador Trillanes at siyang ipinukol ng Sangguniang Panlungsod ng Davao ay walang bisa at walang saysay kung isasaalang-alang ang batas, ngunit mabisang taktikang pampolitika lalo’t papalapit ang halalan. Masisipat din ang deklarasyon na isang malinaw na banta sa kalayaan ng isang Filipino, at isang bantang mariin at mapanganib, sapagkat ang mga lokal na opisyal ay nagiging kasangkapan para patahimikin at libakin sa pinakamakulay na paraan ang isang masatsat na senador. Ang maimumungkahi ay sampahan ng kaso si Senador Trillanes kung sadyang pulos kabulaanan ang kaniyang inihahayag sa publiko. Kung hindi magaganap ito, malayang isipin ng taumbayan na isang mabuting halimbawa lámang ng bulaklak ng dila ang persona non grata.