Salin ng tulang “Η ΔΙΟΡΙΑ ΤΟΥ ΝΕΡΩΝΟΣ,” ni C.P. Cavafy (Konstantinos Petrou Kavafis).
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Ang Termino ni Nero
Hindi nabahala si Nero nang marinig
Ang hula ng Orakulo ng Delfos.
‘Mag-ingat siya sa edad pitumpu’t tatlo.’
Mahaba pa ang kaniyang panahon
Para sa layaw at kasiyahang laan sa sarili.
Tatlumpung taon lámang siya. Higit
Iyon sa maibibigay ng diyos para tiyaking
Siya’y malayò sa mga panganib na darating.
Ngayon ay magbabalik siya sa Roma
Nang pagal nang bahagya, ngunit dahil
Sa paglulustay ng mga araw sa kaluguran—
Sa mga teatro, hardin, at himnasyo. . .
Sa mga gabi sa mga lungsod ng Achea. . .
Ang sensuwal na rurok ng lastag na lawas,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . higit sa lahat. . .
Iyan ang nasasaisip ni Nero. At si Galba
Na nasa España ay ano’t palihim na nagtitipon
At nagsasanay ng kaniyang mga hukbo,
Ang matandang may edad tatlo at pitumpu.