Salin ng “Sehnsucht nach dem Tode” ni Novalis (Friedrich von Hardenberg) ng Germany.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Pag-asam sa Kamatayan
Doon sa bituka ng lupang malalim
Na bigong abutin ng sinag ng araw,
Ang poot at kirot na sumasaatin
Ang tanda ng gaan nitong paglalakbay.
Isinakay tayo dito sa baroto’t
Nang maabot natin ang langit na dulo.
Purihin ang gabing ano’t walang hangga,
Purihin ang ating paghimbing nang ganap.
Pinasiklab tayo ng bagong umaga’t
Tayo’y pinarupok ng pusong may sugat.
At hindi na tayo kung saan sasapit,
Ibig lamang natin kay Ama magbalik.
Ano ang gagawin sa mundong narindí,
Mahalin nang labis, nang lantay ang loob?
Lahat ba ng luma ay dapat itabi,
Paano ang bago na ibig malubos?
Kaylungkot kung ikaw ay walang kasáma
Kahit pa may alab ang puso sa sinta.
Noong araw, noong ang pandama’y apoy
Na kung lumagablab ay di tumitigil,
Kilala ng tao ang mukha’t ang ligoy
Ng kamay ng amang ang pulso’y taimtim.
Hindi man magwika, talos ng sinuman
Ang pagsunod doon sa ugat na daan.
Noong dati, noong ang huklubang sangá’y
May mga bulaklak na hitik na hitik,
At ang mga bata’y hindi nangangambang
Magsákit, mamatáy utos man ng langit,
Magwika ang búhay at nasa’y humimok,
Kayraming nasawi nang puso’y tumibok.
Noong dati, noong bata pa ang lahat,
Diyos ay naghayag na siya’y darating.
Matapang umibig kahit pa magwakas,
Iwinaksi niyang tumakas sa lagim.
Di niya pinalis ang takot o pait,
Upang tayong lahat ay maging malapit.
Batid natin itong balisang pag-asam
Sa gabing kaydilim at tigmak sa luha.
Sa ganitong yugtong malimit temporal
Ay hindi matighaw ang uhaw sa diwa.
Kailangan nating magbalik sa íli,
Sa sagradong oras na takdang magkási.
Ano itong hadlang sa ating pagbalik?
Lahat ng inibig ay pawang yumao.
Nalibing ang talâ ng buhay na ipit
At kirot at hirap ang nasok sa noo.
Wala nang hanap pa’t iisiping lakad,
Punô itong pusò, at mundo ay lastág.
Sadyang walang hangga’t lubhang mahiwaga,
Ang sariwang ulan sa ating nilakbay—
At umalingawngaw ang lungkot sa diwa
Mula sa kung saang naglihim na bukál.
Mga mahal natin ay ibig yumao,
Para ipadala ang mithing totoo.
Pababâ at tungo sa asawang mahal,
Kay Hesus, ang tanging pitlag nitong loob,
Tiyak na sasaklob ang saplot karimlan
Sa namimighati’t umibig nang lubos.
Ibinukod tayo ng isang pangarap
At nang maikandong sa amang lumantad.