Salin ng “La ronde sous la cloche” ni Aloysius Bertrand (Louis Jacques Napoléon Bertrand) ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas
Ang Bílog sa Lilim ng Batingaw
May matayog na gusali,
halos parisukat, naliligid ng mga guho,
at ang pangunahing tore,
na taglay ang orasan, ang nangibabaw
sa buong lawak ng kapitbahayan.
— Fenimore Cooper
Nagsayáw ang labindalawang mangkukulam na nasa bílog sa lilim ng malaking batingaw ng San Juan. Waring bagyo silang lumitaw nang magkakasunod, at sa púsod ng aking kama ay binilang ko nang may tákot ang labindalawang tinig na naglalandas sa karimlan.
Pagdaka’y nagkubli ang buwan sa likod ng mga ulap, at humampas sa aking bintana ang ulan na sinaliwan ng mga kidlat-kulog at ipuipo, habang ang mga girimpulá ay humiyaw, gaya ng mga tikling na sinibat ng ulan-banak sa kahuyan.
Ang mga kuwerdas ng aking laúd, na nakasabit sa dingding, ay nalagot; pumagaspas ang máya ko sa hawla nito; at may kung sinong mausisang kaluluwa ang naglipat ng pahina ng Roman de la Rosa na nahihimbing sa aking mesa.
Walang ano-ano’y biglang kumidlat at kumulog sa tuktok ng San Juan. Naglaho ang mga mangkukulam para gapiin ang kamatayan, at nakita ko sa malayo ang kanilang mahihiwagang aklat na nangagliliyab, gaya ng sulô sa ulingang batingaw.
Ang nakahihindik na luningning ay dumilà ng duguang apoy ng purgatoryo at impiyerno sa mga dingding ng gotikong simbahan, at lumukob sa kapitbahayan ang dambuhalang anino ng San Juan.
Umingit ang mga kalawanging girimpulá; nilusaw ng buwan ang abuhing ulap na perlas; umambon-ambon sa bubungan, at ang simoy, na binuksan ang aking nakaawang na bintana, ay naghasik ng mga talulot ng aking sampagitang niyanig ng unós.