Salin at halaw ng tula ni Ali Bu’ul ng Somalia.
Salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Papuri sa aking kabayo
Lumipad ang aking sumisingasing na kabayo
Mulang baybayin ng Bulahar
Hanggang dalisdis ng Bundok Almis,
Narating ang dagat ng Harawe’t
Ang taniman ng mansanitas ng Hargeysa
Sa loob lamang ng isang hapon.
Tila nagdaraang ulap ang kaniyang tulin.
Maririnig sa kaniyang kuwadra
Ang matindi’t nakasisindak na atungal.
Hindi ba iyon gaya ng matikas na leon
Na nangunguna sa sariling pulutong?
Sa di-maliparang uwak na kapatagan
Ay dinadaig at napapaluhod niya sa buhangin
Ang mga kamelyo.
Hindi ba ito ang ekspertong amo ng kamelyo?
May guhit ng puti ang buntot niya’t
Balahibo sa batok. Maitatanong mo:
Hindi ba ito kasingrikit ng akasyang namumulaklak?

Ilustrasyon ni John Bauer (1882-1918).