“Madaling-araw,” ni Gladys Casely-Hayford

Salin ng tula ni Gladys Casely-Hayford ng Sierra Leone.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Madaling-araw

Ang madaling-araw para sa mayaman, artistiko’t marunong
ay kariktang nakabalatay sa kambas ng himpapawid,
at ang mga pinsel bilang ulap na bughaw na lumulutang
ay idinawdaw sa dayaray para sa pagpipinta, at hinugasan
ng dalisay na hamog.

Ngunit ang madaling-araw na pinaliliguan ang gabi sa luha
at pumipiga sa ikabubuhay mula sa di-sumusukong taon,
ay hitik sa mga kakatwang pangangarap at pangamba.
Ang madaling-araw ay nagpapasulak ng sindak ng araw
na ang nanggigipit na walang katiyakan ay namamayani;
At ang kirot na taglay sa pagsuko sa pamamagitan ng maikling
oras ng pamamahinga
ay bumabangon nang malupit sa walang humpay na mithing
pagupuin ang láwas, utak, diwa, at kalooban hanggang
malutas ang kamatayan, at maging layon ang kamatayan.

Dahil ang gayong búhay ay salát sa kagandahan, wala
ni munting liwanag  ang sumasapit na madaling-araw,
dahil ang araw ay walang kapag-a-pag-asa, at hinablig
ang madaling-araw tungo sa isang anyo ng pagkaagnas.