“Walang hanggang kopa,” ni Ruhollah Mousavi Khomeini

Salin ng tula ni Ruhollah Mousavi Khomeini [Imam Khomeini] ng Iran.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Walang hanggang Kopa

Tayo ang mga anak ng pag-ibig at ang mga ampon ng kopa.
Sa pagkalasing at pagsasakripisyo ng ating kaluluwa
para sa minamahal ay natatamo natin ang kaganapan.
Ipinagparaya natin ang puso sa taberna at sa sakripisyo
ng pag-inom ng alak.
Tayo ang matatandang katulong sa hanggahan ng Mago.
Tayo ang mga kasiping sa kama ng sinisinta,
ngunit pinarurusahan tayo ng pagkakabukod sa kaniya.
Nalulunod tayo sa pakikipagsanib sa kaniya,
subalit nananatili ang pagkakahiwalay sa kaniya.
Wala tayong kulay o tunog
datapwat tayo’y nabibigkis sa pambihirang kulay.
Wala tayong pangalan o tirahan,
ngunit malimit nating inaasam ang magkaroon ng pangalan.
Nakikipagtunggali tayo sa Sufi, Nostiko, at Dervis.
Nakikihamok tayo sa pilosopiya at teolohiya.
Tumakas tayo mula sa seminaryo at lumayo sa mga nilalang.
Ipinatapon tayo ng marunong at kinamuhian ng mamamayan.
Laban sa pag-iral at laban sa naghahanap ng pag-iral
ay naging baligtaran ang ating anyo.
Taglay ang kawalan ng lahat, noong walang hanggang araw,
tayo’y sabay-sabay naglalakad nang magkakabalikat.