“Pag-ibig,” ni Czeslaw Milosz

Salin ng tula ni Czeslaw Milosz ng Poland.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pag-íbig

Ang pag-íbig ay ang pagkatútong tingnán ang saríli
Sa paraáng sinisípat ang malalayòng bágay
Dáhil isá ka lámang sa napakaráming nilaláng.
Sinúmang níta nang gayón ay napagágalíng ang pusò,
Nang hindî nababatíd, mulâ sa sarì-sarìng sakít—
Wiwikàin ng íbon at punòngkáhoy sa kaniyá: Kaibígan.

Pagdáka’y íbig niyáng gamítin ang saríli at mga bágay
Pára makatindíg ang mga itó sa ningníng ng kaganápan.
Hindî mahalagá kung batíd niyá ang kaniyáng inihaháin.
Sinumáng magsilbí nang mahúsay ay hindî láging naaarók.

“Isang Pagkakamali Lámang,” ni Eugenio Montale

Salin ng “È solo un vizio,” ni Eugenio Montale ng Italy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Isang Pagkakamali Lámang

Bumabangon ang payaso gaya ng mga makata
Mayayabang na burukrata
Metikulosong tagapagbalita
Ikaw na siyang tagapaghatid ng sagisag:
Ang tagapagdalá ng mga hukbong humina.
Ang pagkamakata ay hindi  na maipagmamalaki.
Ito ay isang pagkakamali lámang ng kalikasan.
Ang pamatok na dapat pasanin
Nang may pagkasindak.

“Awit sa Trapik,” ni Roberto T. Añonuevo

Kung makadadapo ang eroplano sa tuktok
Ng gusali,
Ano, giliw ko, ang sasabihin sa aking pagdating?
Walang imposible sa pagsisinungaling,
Dahil bawal ang trapik
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .   .  .  .  .  .  . . . . . sa himpapawid.

. . . . . . . . Ang mga lansangan ay paradahan ng sasakyan,
. . . . . . . . Ang mga bangketa ay basketbolan o pamilihan,
. . . . . . . . Ang mga ilog ay baradong alkantarilya’t kanal.
Kailangan ang sopistikadong biyahe,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mulang Mindanaw hanggang Luzon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Mulang Palawan hanggang Sorsogon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mulang Visayas hanggang Hong Kong.
Ilang kilometrong sawa ang dapat na riles
Para sa mga bagong bagon ng tren?
. . . . . . . . Ilang talampakan ang dapat maging lalim
Para sa sabwey ng mga daga, biyahero, at tekas?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Anak ng huweteng kung sisihin ang bus,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Anak ng puta kung murahin ang dyip o motor,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Anak ng teteng kung mangotong ang pulis
Na nagtatago sa ilalim ng tulay.

Naglalakad ako sa riles, naglalakad ako sa bilis
. . . . . . . . . . . Ng metro ng taxi, naglalakad ako dahil kulang
Ang pasensiya’t pamasahe.
. . . . . . . . . . .  ..  . . . . . . Ngunit dahil mahal kita, Lungsod ng Adik,
. . . . . . . . . . .  ..  . Dahil mahal ko ang iyong batong puso’t heneral,
. . . . . . . . . . .  ..  . Dahil mahal ko ang iyong puspos na batong napulbos,
Lumilipad din ako gaya ng polusyon, lumalangoy
ako gaya ng polusyon, tumatakbo akong matamis na lason

para sa iyong kabunyian.

Nangangarap akong makasasakay sa isang drone,
. . . . . . . . . . . . .  . . At kahit gabi’y mababaliw sa mga kislap ng ilaw
Ng mga gusali’t bahay, ng mga kotse’t poste.
. . . . . . . . . . . . . . . . Ilang taon ang malalagas sa aking buhay
Para sa paghihintay ng masasakyan pauwi?
Ganito rin ba ang pakiramdam sa loob ng bartolina?

Pumapasok ako sa trapik na hayop ang lupit:

Umuuwi ako para matulog, at gigising muli para matrapik.

Ngunit dahil kailangan kong kumayod,
. . . . . . . . . . . .. . . . . . .  . . .  . . . . . . . . . .  kumain,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . at kumantot,
Para sa aking pamilya’t pamilyar na papel,
Gagayahin ko si Tupak Shabu,
Adik ako sa iyo, Lungsod ng Adik sa lintik na trapik.
. . . . . . . . . . Dumating man ang katok ng aking pilipisan,
. . . . . . . . . . Dumating man ang tokhang na hindi inaasahan,
. . . . . . . . . . Dumating man ang pumapakyung diktador.
Sasalubungin kita ng yakap at halik, Mahal,
Sapagkat ang zombie ay para na ring
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .. . . .  .. . . . . . . . . .inmortal.

“Sa Ilalim ng Talón,” ni Jerry Martien

Salin ng “Below the Falls,” ni Jerry Martien ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sa Ilálim ng Talón

para kay Wyn Tucker (1940–1997)

Malálim ang tubigán at gáya ng iyóng lángit
Ay makapág-iisíp kang tagós ang títig mo ríto.

May láyak at banlík sa únang ulán ng talón.
Ang anínag lungtìang paligò ng dáhumpálay.

Doon sa nagtátagpô ang símoy na langháp mo
Ay sumásalamín ang túbig sa iyóng búhay.

Ang malínaw, malambót na balát ay kumíkilapsáw,
nangangatál, at binábalì ang liwánag

Sa kahabàan ng likód ng dumadáloy na láwas
Na nilálanguyán ng maráming katawán sa ibabâ.

Umaálon at tumatáog na tíla ang Maykapál
Ay higít na malálim sa tuód o batóng nasa púsod.

Hindî ang puság ng gaya ng biyâ o malipúto—
Ang dáloy na hindî nagmamadalî’ bagkús panátag.

Tumataás mulâ sa malalakás na labúsaw ng láwas
Hinihíntay ang ulán pára pag-ugnayín ang talón.

Dumaráting nang maráhan ang paglikô,
Dumaráting sa anyô ng laláki at babáe.

Sapát na sariwà para magíng matabâ ang salmón
Na nilutò mo kagabí pára pagsalúhan sa hapúnan.

Sapát ang gúlang pára magíng batóng tinapákan
Mo na mínsang pinákuluán gaya ng pútik.

Naglahò ang kináng-dágat ng laláki.
Hindî ganáp na ílog ang babáe.

Báwat isá’y umaáhon sa lungtîng tisàng álon
Banáyad na gumugúlong at bumábalikwás

Upáng matamó ang anyô nitó
Sa lángit at lupà at sa iyó

At sa iyóng espirítung paningín
At sa iyóng mga matá ng lamán

Doón sa madulás, nalaspág na batuhán
Sa paanán ng talón

Iniíwan nitó ang limbág ng ílog dragón—
Pangá at matá, hásang at palikpík at buntót—

Úpang ipamálas sa kaluluwá mo ang landás
At doón sa báwat mayumìng likông kaydalî

Lumulubóg sa púsod ng lungtîng káilalíman
Ngayóng lalangóy ang pusò mo magpákaílanmán.

Grays Falls, Trinity River

“Natatanging Babae,” ni Maya Angelou

Salin ng “Phenomenal Woman,” ni Maya Angelou ng United States of America.
Salin eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Natatanging Babae

Nagtataká ang magagandang babae kung nahan ang aking lihim.
Hindi ako kyut o may katawang kasukat ng fashonistang modelo.
Ngunit kapag nagsimula akong magsalita sa kanila,
Akala nila’y nagsisinungaling lámang ako.
Sasabihin ko,
Naroon ang lihim sa abót ng aking mga kamay,
Sa lapad ng aking balakang,
Sa imbay ng aking hakbang,
Sa hubog ng aking labì.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Pumapasok ako sa silid
Nang panatag ayon sa ibig mo,
At sa isang lalaki,
Ang mga kasama niya’y tumitindig
O lumuluhod
At pinalilibutan nila ako,
Gaya ng pugad ng mga pukyot.
Sasabihin ko,
Naroon sa alab ng aking mga mata,
At sa kislap ng aking mga ngipin,
At sa kembot ng aking baywang,
At sa tuwa ng aking mga paa.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Humahangà ang mga lalaki
Kung ano ang nakikita nila sa akin.
Labis silang nagsisikap
Ngunit hindi nila mahipò
Ang hiwaga ng aking kalooban.
Kapag sinubok kong ipakita sa kanila,
Sasabihin nilang hindi pa rin nila makita.
Sasabihin ko,
Naroon sa arko ng aking likod,
Sa araw ng aking ngiti,
Sa taglay ng aking dibdib,
Sa yumi ng aking estilo.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Ngayon mo mauunawaan
Kung bakit hindi yumuyukod ang aking ulo.
Hindi ko kailangang sumigaw o magtatalón
O magsalita nang malakas.
Kapag nasilayan mo akong nagdaraan,
Dapat mong ipagmalaki iyon.
Sasabihin ko,
Naroon sa lagitik ng aking takong,
Sa kulot ng aking buhok,
Sa palad ng aking kamay,
Sa pangangailangan para sa aking kalinga.
Dahil ako’y babae
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

“Pa-Urania,” ni Joseph Brodsky

Salin ng “To Urania,” ni Joseph Brodsky ng Russia at United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pa-Urania

Para kay I.A.

May hanggahan ang lahat, kabilang na ang dalamhati.
Maipapakò ng bintanang salamin ang titig, o kaya’y maiiwan
ng mga rehas ang dahon. Mapakakalansing ang mga susi,
at makapapalatak kang gaya ng langay-langayan.
Naikukubikong ng kalungkutan ang masumpungang tao.
Inaamóy ng kamelyo ang bakod na kahoy
sa pamamagitan ng mapaghinanakit na ilong;
hinihiwa ng perspektiba ang kahungkagan nang malalim
at pantay na pantay.
At ano ang espasyo kung hindi ang pagkawala ng láwas
sa bawat hatag na punto?
Kayâ higit na matanda si Urania sa kapatid na si Clio!
Sa tanglaw ng sinag-araw o ulingang lampara’y
makikita ang tuktok ng globo na wala ni anumang búhay,
makikita na wala itong itinatago, di tulad ng huling binanggit.
Hayun ang mga kagubatang hitik sa arandano,
ang mga ilog na ang mga tao’y nakapandadakma ng esturyon,
ang mga nayon na ang mga tigmak sa tubig na fonbuk
ay hindi mo na minamarkahan; lampas pasilangan
ay dumadaluyong ang kalawanging tagaytay; naglalasing
ang mga ilahás na mola sa matataas na damuhan;
lalong naninilaw ang mga butó sa pisngi
habang dumarami ang mga ito. At palampas pa sa silangan,
naroon ang mga bapor na akorasado o krusero’t
ang kalawakan ay tumitingkad na asul, gaya ng engkaheng salawal.

“Ano ang iniisip sa bingit ng paglisan,” ni Fran Mažuranić

Salin ng “Što sam mislio umirući?” ni Fran Mažuranić (Vladimir Fran Mažuranić) ng Croatia, batay sa bersiyong Ingles ni Carolyn Owlett Hunter.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ano ang iniisip sa bingit ng paglisan?

Čto ja budu dunat’ togda, kogda mnje
pridetsja umirat’ — jesli ja toljko budu
v sostojaniji togda dumat’?

— Turgenjev, Stihotvorenija v prozje

Walong taóng gulang ako nang itatag nila ang pantalan sa Novi. Sa edad na iyon, ang karamihan sa mga bata ay marunong nang lumangoy, samantalang ako ay kailangan pang magsumikap matuto.

Habang naglalaro sa puwerto ay nahulog ako sa dagat. Lumubog ako. Pinalutang ako ng tubig. Nakita ko ang mga bata sa itaas ng pader. Iniunat ko ang aking mga kamay, nagpilit na magsisigaw, ngunit hindi ko magawa. Nakalunok na ako ng tubig-alat, lumulubog na ako, at malulunod! Sa isang kisapmata’y nasaksihan ko ang lahat ng pangyayari sa aking búhay. Lahat ng aking kasalanan noong bata ay lumitaw muli sa aking harapan: Nangupit ako ng asukal; sinapak ko ang aking kapatid; nagsinungaling ako; umakyat ako nang walang pahintulot sa punongkahoy. Ang pangwakas na pumasok sa aking isip: “Papalubog ako tungong impiyerno!” Pagkaraan ay nawalan ako ng malay. Sinagip at iniahon nila ako , ngunit para sa ano pang dahilan?

“Ang Kuwento ng Síklopes,” ni Nikolai Glazkov

Salin ng “The Tale of Cyclopses,” ni Nikolai Glazkov ng Russia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Kuwento ng Síklopes

Biglang nagpasiya ang Panginoon
Na kukunin niya noong unang panahon
Ang isang mata ng bawat kabilang
Sa mayorya ng populasyon ng mga tao.

Lumitaw ang síklopes sa kung saan-saan
na sumasalubong sa iyong sulyap o titig;
At alinsunod sa ibig ng Diyos kung sino
Ang dapat magtaglay ng dalawang mata.

Ang lahing síklopes, na lumaya sa alamat,
Ay kisapmatang naging uso’t sikat na sikat.
At nagsimula silang uyamin ang sinumang
May dalawang mata sa tuksong “Abnoy!”

Sila ang minorya, ang may dalawang mata,
At kabilang sa hanay nila ang nagsikap
Na unti-unting tumanaw at sumipat
Na waring iisa lámang ang paningin.

Bagaman kakatwa at alangan wari ito
Para sa másang may dalawang mata,
Sadyang normal lámang para sa lahat
Ang tumulad sa buong lipi ng síklopes.

“Felicidad,” ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

.  .  .  .  .  .  . Hindi ko alam na ang mga salita sa kabilang mesa ay makabubuwag ng moog sa aking alaala: mga gusaling gumuho, bangkay na nilalangaw sa kalye, at paslit na tumatakbo nang walang saplot bagkus pulos galos at poot habang nagpapakulog ang helikopter. Posibleng dumanas din siya ng digmaan, gaya ng Tausug, sapagkat paano niyang maisasalaysay ang patalim mula sa kaibigang putik, ang putik na sa akin ipinukol, at putik na nagiging kumunoy ng paglimot noong mahahaba ang tag-ulan? Hindi niya kailangan ang armalayt; sapat na ang kaniyang wikang waring nagmula sa naglahong lipi, na iibigin ang malipol kaysa maging alipin, o kaya’y magsisikap magsalaysay gaya ng binukot o babaylan kahit nakahiga. Tumatawid sa aking mesa ang kaniyang dalamhati na parang konsiyerto, ngunit sa isang iglap, ang mga salita niya ay waring nakalampas sa di-maliparang disyerto, sumakay marahil sa raketsip kung hindi man kalapati, at ngayon ay tumataginting sa aking pandinig. Isa ba siyang pitho para hulaan ang aking kapalaran? Lumulutang ako habang ako’y nakikinig. Hindi ko siya makita, gayong nakikita ng kaniyang mga pangungusap ang aking iniwang lupain, at yumayanig sa akin. Marahil kailangan ang ganitong anyo ng lindol: nakaupo kang mag-isa sa isang sulok, nagkakape, at hindi makaiwas sa estrangherang himig. Lumalakad sa aking mesa ang kaniyang mga katagang magnetiko. Ang kaniyang daigdig ay marahil daigdig din sa iba pang uniberso, naisip ko, samantalang lumilihis sa batas ng panahon at espasyo at bagay upang sumapit sa akin. Kung ang sandaling ito ang ginhawa, samahan ako kahit saglit, hindi ka man magpakilala.

“Oda sa Kalayaan,” ni Rachel Wetzsteon

Salin ng “An Ode to Freedom,” ni Rachel Wetzsteon ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Oda sa Kalayaan

. . . . . . . Habang natutulog ako, isang maysa-tagabulag na kawal ang naglakad marahil nang patingkayad at tumabi sa akin. Dahil ngayon, na naalimpungatan ako mula sa pananaginip ng kalayaan paloob sa mabagsik, di-matinag na sinag, napakò ako sa isang puwesto. Hindi ako makalabas at hindi magawa ang nais. At ang mga maníyakong padron na nilikha ng arses sa mga dingding ay mistulang nang-uuyam na paalala ng tuwa ng di-mahuling galaw. Ito ba ang nadama ni Florestan, nang mabilanggo siya dahil sa pagtataksil, ay tumingala siya at nakita, hindi ang kaniyang kabiyak, bagkus ang buong karimlan na rumaragasa tungo sa kaniya? Ang bartolina ba ni Galileo ay may mga tao rin na may parehong malulupit na anino at matatabang tsanselor; nakapagpapaginhawa bang mabatid na nagdagdag siya sa suma-total ng magagamit na karunungan? Ang mga nabilanggo bang satiriko dahil sa pagdaragdag ng bigote sa pampolitikang poster ay umangal sa ganitong paraan nang ang kanilang mga yungib sa ilalim ng lupa’y walang lagusan o gumuho? Mga pumalag sa eternal na estante, mga mandirigma para sa kalayaan, at mga resulta ng ilahas na katotohanang pangkasaysayan, nakikita ko ngayon na nagdurusa kayo. Pinagkaitan ng karapatang lumabas at humabol, uupô ako at makikiramdam sa mga yabag na hindi ko masusundan. Ngunit nang masilayan ang sarili sa salamin—paurong ang ulo gaya ng asong ispanyël na tuliro sa pag-ibig, naluluha dahil hindi naririnig ang tinig ng amo—nakatakda akong ikumpisal ang arogansiya na matutumbasan ng kaparusahan. May kung anong kasabikan sa pagkakatuklas ng mga higanteng replika ng aking munting libog, ngunit wala sa aking mawawala bagkus ang babasaging ego, habang ang iba’y sinisilaban samantalang nakabayubay sa poste na sadyang totoo. At ngayon ko nakikita ang pagkakaiba, lahat ng obsesyong sátiro-at-nimpa ay tila layaw na tinutumbasan ng pagdanak ng dugo. Pinagdusa’t labis na mapalad, huminto ako sa kasasatsat upang dakilain ang mga yumao na naghatid sa akin dito, hindi dahil sa kanilang nakamamatay na halimbawa bagkus sa kung ano ang kanilang iniwan: ang bintana na proteksiyon sa akin, ang pinto na hawak ko ang susi, at ang daigdig, lahat-lahat, na sumasang-ayon sa aking progreso. Pana-panahong itinatanikala ang mga alipin sa mga tipak ng bato, at ang mga tirano ay iniuukit ang kanilang mga puso doon, upang ako ay minsan pang umibig.