Salin ng tula ni Abu al-Ala al-Maarri ng Syria, at hango sa bersiyong Ingles na The Diwan of Abu’l-Ala by Abu al-Ala al-Maarri (1909) ni Henry Baerlein.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Mga Talinghaga ni Abu al-Ala al-Maarri
I.
Talikdan ang pagsamba sa masjid at tumalikod
sa walang saysay na dasal, mula sa paghahandog
Ng tupa, dahil ang tadhana’y mangkok ng pagtulog
O mangkok ng pagdurusa—na dapat mong malagok.
II.
Ang mga matang eskarlata ng umaga’y habol
Ng gabi’t umuungol sa makitid na kalyehon;
Ngunit sa pagsalpok sa ating mundo’y nilalamon
Tayo ng dalawa’t lumakas sa hidwang naroon.
III.
Walang saysay ang mangarap ng malaking kalakal,
Walang saysay maglayag sa hindi pa nalalakbay,
Walang saysay maghanap ng pantalan ng hulagway
Kung ang lahat ay nakatakda noong una pa man.
IV.
Masdan, mga katoto, ang nakalaan sa akin
Ang dingal ng pagtingala ta sa himpapawirin:
Nagparangal kayo kay Saturno, habang ako’y pilîng
Pinapaslang Niya na higit ang gahum at ningning.
V.
Kailangang maglakbay nang pasan ang dala-dala
Sa madilim, pasikot-sikot na landas tuwina;
Magsama ng mga táong tanglaw sa ulo’t paa
Kung ibig makalagos sa panganib ng kalsada.
VI.
Mababatid mong lahat ng baluti’y hindi sapat—
Malalantad ka sa hagupit ng guhit ng palad;
Na susukulin ka’t bibigtihin ng libong málas
Hanggang ikaw ay maibalot sa mortahang ganap.
VII.
Makipag-usap sa simoy na hatid ang sang-ikid
Na kariktan at sákit anuman ang iyong panig:
Ang ginintuang tagumpay ng gabutil na mais
At ang sagradong bulóng ng rosas na matitinik.
VIII.
Kung sakali’t sa mahiwagang hardin ay sumilay
Ang mabunying rosas na walang kupas kailanman
Dapat bang kumuha ng mapanyurak na panghukay
At lumikha ng libingan sa ilalim ng ringal?
IX.
Ako bang alabok lámang sa parang na malawak
Ay mag-iisip lumaban sa buhawing malakas?
O ako na nilaspatangan sa buong magdamag
Ay sa kandungan ng buong gabi muling lalapag?