“Ang Kaliwanagan,” ni Drukpa Kunley

Salin ng tula ni Drukpa Kunley ng Tibet, at hango sa The Divine Madman: The Sublime Life and Songs of Drukpa Kunley, na salin at may komentaryo sa Ingles ni Keith Dowman.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Kaliwanagan

Ano ang silbi ng mahigpit na pagsunod sa kautusan
Kung hindi mababatid ang tunay na diwa ng mga Buda?
Ano ang silbi ng dakilang talento at karunungan
Kung wala namang patnubay ng mahusay na Maestro?
Ano ang silbi ng taimtim na pagdarasal at ritwal
Kung hindi mamahalin ang lahat ng nilalang gaya ng anak mo?
Ano ang matatamo kung suwayin man ang mga panuto
Kung mangmang naman sa isinasaad ng Tatlong Pangako?
Ano ang realidad na matatagpuan sa labas
Kung hindi mababatid na si Buda ay nasa ating loob?
Ano ang matatamo kung suwayin man ang kaniyang diwain
Kung hindi naman kaya ang likas na daloy ng pagmumuni?
Sino ka kundi magulo at walang bait na hunghang
Kung mabibigong isaayos ang buhay ayon sa panahon at araw?
Ano ang matatamo sa sistematikong paghahanap
Kung ang sumilay na pananaw ay hindi maarok ng kutob?
Sino ang magbabayad sa iyong inutang sa hinaharap
gayong umiiral sa hiram na oras at lakas, at naglulustay ng buhay?
Ano ang matatamo ng aséta ngayon sa pagtitiis ng matinding lamig
Habang suot ang magaspang, munting saplot na di-nakagiginhawa?
Ang aspiranteng nagsisikap nang walang tiyak na instruksiyon,
Gaya ng langgam na umakyat sa umbok ng lupa’y walang mararating.
Ang paglikom ng mga aral, ngunit salat sa meditasyon ng isip,
Ay gaya ng kusang paggutom sa sarili kahit sagana ang kamalig.
Ang paham na tumatangging magturo o magsulat
Ay walang silbi gaya ng hiyas sa ulo ng Haring Ulupong.
Ang hunghang na walang alam kundi malimit makipaghuntahan
Ay nagpapahayag lámang ng kaniyang kamangmangan sa lahat.
Kapag naunawaan ang diwa ng Mabuting Aral, isabuhay ito!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.