Salin ng “To Urania,” ni Joseph Brodsky ng Russia at United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Pa-Urania
Para kay I.A.
May hanggahan ang lahat, kabilang na ang dalamhati.
Maipapakò ng bintanang salamin ang titig, o kaya’y maiiwan
ng mga rehas ang dahon. Mapakakalansing ang mga susi,
at makapapalatak kang gaya ng langay-langayan.
Naikukubikong ng kalungkutan ang masumpungang tao.
Inaamóy ng kamelyo ang bakod na kahoy
sa pamamagitan ng mapaghinanakit na ilong;
hinihiwa ng perspektiba ang kahungkagan nang malalim
at pantay na pantay.
At ano ang espasyo kung hindi ang pagkawala ng láwas
sa bawat hatag na punto?
Kayâ higit na matanda si Urania sa kapatid na si Clio!
Sa tanglaw ng sinag-araw o ulingang lampara’y
makikita ang tuktok ng globo na wala ni anumang búhay,
makikita na wala itong itinatago, di tulad ng huling binanggit.
Hayun ang mga kagubatang hitik sa arandano,
ang mga ilog na ang mga tao’y nakapandadakma ng esturyon,
ang mga nayon na ang mga tigmak sa tubig na fonbuk
ay hindi mo na minamarkahan; lampas pasilangan
ay dumadaluyong ang kalawanging tagaytay; naglalasing
ang mga ilahás na mola sa matataas na damuhan;
lalong naninilaw ang mga butó sa pisngi
habang dumarami ang mga ito. At palampas pa sa silangan,
naroon ang mga bapor na akorasado o krusero’t
ang kalawakan ay tumitingkad na asul, gaya ng engkaheng salawal.