The Son Rising: An Invitation to a Classical Guitar Recital

THE ROAD LESS TRAVELED. Amansinaya M. Añonuevo is all set to showcase his classical guitar talent in a two-hour one-of-a-kind performance on 8 May 2018, at St. Paul University Manila, at exactly 3 pm.  Limited seats only. Guests will be seated on a first-come, first-served basis. The recital is free, and open to the public.

Ang Himala

Ang Himala

Roberto T. Añonuevo

Kung ang ibon ay nakatatagpo ng pagkain
Sa himpapawid, sino ako para hindi makakain
Sa lawak nitong lupain?

Nalalasahan ng bayawak o sawá ang tamis
Sa hangin, at ang lansa ng kamatayan
Ang pag-asa nito para makaraos sa tag-araw.

Hindi ko ito maiintindihan, at mananalangin
Sa mga diyos para magpaulan ng bigas
Ang helikopter sa mga bakwet o nagugutom.

Ang pamayanang bilanggo ng mga bundok,
Ano’t nagpipista kahit walang selfon o laptop,
Bukod sa busóg sa payew ng kamote’t gulay?

Hindi ba naiinip ang bayan kung destiyero
Ito ng mga alon? Ang mga lamandagat
Ang lumalapit sa tao para ito magpiging.

Naririnig ko minsan ang kakaibang musika,
Sumasabay sa laguklok ng aking sikmura,
Ngunit hindi kailanman ito pamatay-gutom.

Magkakaroon ng hanggahan ang mapa,
Ngunit ang pagkain ay darating na kawan,
At ang karabana ng pag-asa ay dadalaw.

Ang tubig-dagat ay napagbabanyuhay
Para inumin, ipaligo, ipanlinis, ipandilig.
Naiipon ang ulan sa dambuhalang abram.

May bitamina ang sinag ng araw, sabi
Ng doktor, at naunawaan ko ito sa buwaya
Na nagbibilad sa gilid ng pasigan.

Dumating man ang bagyo’y sumasagana
Ang agahan o hapunan, at ang kaligiran
Ay sumusúka ng parmasya at restoran.

Makitid akong mag-isip. Nangangamba
Ako sa darating na tagsalat, sa pagkawala
Ng trabaho, sa paglalaho ng pamilya.

At ang kasunod? Pagkain. Ano ang silbi
Ng pinggan at kubyertos kung walang ulam?
Kailangan kong matutong lumipad,

At maging tulad ng isang ibon: kumakain
Kahit lumilipad, umiinom kahit lumilipad,
At lumilipad ang diwa dumapo man sa pugad.

Nagbabago ang klima ngunit mananaig ka.
Napapatag kahit ang bundok ng basura,  sabi mo,
magtiwala lámang sa  bulate, langaw, bakterya . . . .

Ang Bahay, ni Warsan Shire

Salin ng “The House,” ni Warsan Shire ng United Kingdom
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bahay

i
Ani ina, na may mga pinid na pinto sa loob ng lahat ng babae; kusina
Ng pagnanasa, silid ng pighati, at banyo ng kawalang-latoy.
Minsan, ang mga lalaki—dumarating silang hawak ang mga susi,
At minsan, ang mga lalaki—dumarating silang may mga martilyo.

ii
Ang lalaking nawawala, ang lalaking nakahilata,
Sinabi kong Hindi! ngunit hindi siya nakikinig.

iii
Marahil may balak siya, marahil balak niyang tanggapin ang lalaki
Upang ang lalaki’y gumising pagkaraan sa bathtub na puno ng yelo,
Nang may tuyot na bibig, at minamaliit ang bago, malinis na kaparaanan.

iv
Itinuro ko ang láwas at sinabing Ang luma na ito? Kasusuot ko lang nito.

v
Kakainin mo ba iyan? Tanong ko sa ina ko, at itinuro si ama
Na nakaupo sa hapag, at namumuwalan sa pulang mansanas.

vi
Habang lumalaki ang katawan ko, dumarami ang mga kandadong silid, at higit na marami ang lalaking sumasapit nang may mga susi. Hindi nagpilit si Anwar na pumaloob, iniisip ko pa rin kung ano ang mabubuksan niya sa loob ko. Dumating si Basil at nagbantulot sa pintuan sa loob ng tatlong taon. Si Johnny na asul ang paningin ay dumating na may bag na puno ng kagamitang ginamit din niya sa ibang babae: isang ipit, isang bote ng kloroks, isang patalim, at isang botelya ng Vaseline. Binigkas ni Yusuf ang ngalan ng Maykapal sa butas ng susian, at walang sinumang tumugon. Nagmakaawa ang iba, ang ilan ay inakyat ang gilid ng aking katawan at hinahanap ang bintana, ang ilan ay nagsabing sila’y paparating ngunit hindi dumating.

vii.
Ituro dito sa manyika kung saan ka hinipo, sabi nila.
Sabi ko, Hindi ako mukhang manyika, para akong bahay.
Sabi nila, Ipakita mo sa amin doon sa bahay.

Gaya nito: dalawang daliri sa bote ng ube
Gaya nito: isang siko ng tubo sa paliguan
Gaya nito: isang kamay sa loob ng drower.

viii.
Dapat kong sabihin sa iyo ang aking unang minahal, na nakatagpo ng bitag na lagusan  . . sa ilalim ng kaliwang suso ko siyam na taon na ang nakararaan, nahulog doon, at hindi na siya nakita pang muli. Pana-panahong nararamdaman ko ang may kung anong gumagapang sa aking hita. Nagpakilala sana siya, at pakakawalan ko siya. Umaasa akong hindi niya makakabunggo ang iba, ang mga nawawalang bata mulang maliliit na nayon, na may kaaya-ayang nanay, na gumagawa ng masasamang bagay, at nangaglaho sa laberinto ng aking buhok. Hinarap ko sila nang maayos, binigyan ng isang hiwa ng tinapay, at kung sinusuwerte sila, isang piraso ng prutas. Maliban kay .Johnny na asul ang mga mata, na sinundot ang aking kandado at gumapang papaloob. Sutil na bata, nakakadena sa silong ng aking mga pangamba, nagpatugtog ako ng .musika upang mabura siya nang ganap.

ix
Tok tok.
Sino iyan?
Wala sinuman.

x
Sa mga parti, itinuturo ko ang aking katawan at sinasabing, Dito dumarating ang pag-ibig para mamatay. Halina, pumasok, at pumanatag dito sa tahanan. Matatawa ang lahat, at iniisip na ako’y nagbibiro lámang.

“Ang mga Lobo,” ni Ghassan Zaqtan

Salin ng “Wolves” ni Ghassan Zaqtan ng Palestine
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Ang mga Lóbo

Ang paglisan ng mga ibon sa kaniyang puso
Ay iniiwang puti ang kapatagan
Na ang kuwento ay puti
At ang pagtulog ay puti
At ang katahimikan ang íkon ng tumatawag.

Sisibol ang halakhak ng buhangin pagbukas ng pinto
Mula sa anggulo ng sindak, ang awit
Para sa matinding taglamig, at ang mga tinig
Ng mga umalis noong nakalipas ay lulundag
Gaya ng mga tipaklong
Kapag binuksan ang pinto.

Hintay, hintay nang sandali
Para pawiin ang luha kahit sandali
Nasa ating bakás
Ang walang patumanggang hinagpis
At ang seramikong ibon. . .
At tingnan pagdaka ang mga kuwintas sa kisame.

Bakit hindi mo patayin ang mga ilaw
O kaya’y pumanatag na maupo

At titigan ang mga prutas sa sahig?

Sumasaid sa katahimikan ang tinig mo sa aking silid
Ang kahimitikan ng mga kaldero
Ang katahimikan ng mga estante
Ang katahimikan ng pagsusulat
Ang katahimikan ng kaligtasan
. . . . . . . . . . . na tinitipon ko nang kung ilang taon
. . . . . . . . . . . nang may tiyaga ng táong mag-isa
. . . . . . . . . . . sa kaniyang hardin sa buong tag-araw
. . . . . . . . . . . o siyang nagpapanumbalik ng pagkawala
Ang pagkawala
Na hindi humihinto.