Ang Himala
Roberto T. Añonuevo
Kung ang ibon ay nakatatagpo ng pagkain
Sa himpapawid, sino ako para hindi makakain
Sa lawak nitong lupain?
Nalalasahan ng bayawak o sawá ang tamis
Sa hangin, at ang lansa ng kamatayan
Ang pag-asa nito para makaraos sa tag-araw.
Hindi ko ito maiintindihan, at mananalangin
Sa mga diyos para magpaulan ng bigas
Ang helikopter sa mga bakwet o nagugutom.
Ang pamayanang bilanggo ng mga bundok,
Ano’t nagpipista kahit walang selfon o laptop,
Bukod sa busóg sa payew ng kamote’t gulay?
Hindi ba naiinip ang bayan kung destiyero
Ito ng mga alon? Ang mga lamandagat
Ang lumalapit sa tao para ito magpiging.
Naririnig ko minsan ang kakaibang musika,
Sumasabay sa laguklok ng aking sikmura,
Ngunit hindi kailanman ito pamatay-gutom.
Magkakaroon ng hanggahan ang mapa,
Ngunit ang pagkain ay darating na kawan,
At ang karabana ng pag-asa ay dadalaw.
Ang tubig-dagat ay napagbabanyuhay
Para inumin, ipaligo, ipanlinis, ipandilig.
Naiipon ang ulan sa dambuhalang abram.
May bitamina ang sinag ng araw, sabi
Ng doktor, at naunawaan ko ito sa buwaya
Na nagbibilad sa gilid ng pasigan.
Dumating man ang bagyo’y sumasagana
Ang agahan o hapunan, at ang kaligiran
Ay sumusúka ng parmasya at restoran.
Makitid akong mag-isip. Nangangamba
Ako sa darating na tagsalat, sa pagkawala
Ng trabaho, sa paglalaho ng pamilya.
At ang kasunod? Pagkain. Ano ang silbi
Ng pinggan at kubyertos kung walang ulam?
Kailangan kong matutong lumipad,
At maging tulad ng isang ibon: kumakain
Kahit lumilipad, umiinom kahit lumilipad,
At lumilipad ang diwa dumapo man sa pugad.
Nagbabago ang klima ngunit mananaig ka.
Napapatag kahit ang bundok ng basura, sabi mo,
magtiwala lámang sa bulate, langaw, bakterya . . . .