Mga Aralin sa Halik

1
“Noong humalik ang hari,
ang lahat ng binibini ay ano’t
nagiging pusali,”
wika ng alimasag
na pagewang-gewang
palabas ng kusina.

2
Ang halik ay guniguni
at sinlamig ng tag-ulan,
tugon ng kaharian.

Sumang-ayon ka.

At naupos ang lahat ng ilaw
sa buong lungsod,
samantalang gising na gising
ang kuwago na sakmal
ang ulupong na kikisay-kisay.

3
Ang halik ay halakhak
at taginting ng kubyertos.
Ang halik ay piging
kung may korona’t alipin.
Ang halik ay bari-bariles
na alak
para tawagin ang mga espiritu
na iba’t iba ang kulay.

Ngunit ang halik ay sampu-sampera
kung ibig maging payaso
para aliwin ang nagugutom na masa

at pagnasahan ang esposa ng iba.

4
Ang halik ni Hudas
ay hindi tinutumbasan ng sampal.
Ang halik ay si Hudas
na kaganapan ng kaligtasan.
Bakit isusumpa
ang taksil kung ang kapalit
ay langit para sa lahat?

5
Batas at imperyal, ang halik
sa sariwang mga pingi
ay koryenteng dumadaloy
sa silya elektrika.

Tanungin ang hukom,
ngunit tatalikuran niya
ang alimuom mula sa singaw
ng mga bangkay.

6
Ang halik ay pahimakas
at lumalapag na eroplano
para sa plano
ng mga asesino.

Ang halik ay pagtingala
sa mga bituin,
pagguhit ng isang mapa,
at paghula ng kapalaran—

tungo sa napakalayong planeta.

7
Ang halik sa labìng
nasa pagitan ng mga hita
ay halik din sa labì
na hindi makapagsalita.

8
“Hinahagkan ng hari
ang pasigan ng dayuhan,”

sabi ng peryodikong Tsino,

“at dahil may tainga ang lupa,
magsalita man ito
ay malikhaing pagsisinungaling.”

Nagkakamali kahit ang balita,
dahil iba ang wika ng mga maralita.

9
May halik na naiiwan sa duyan.
May halik na nabubura sa hukay.
Ang halik ang duyan, ang halik
ang hukay, ang halik ang halik
sa taimtim kung magmahal.

10
Dumadampi ang labì sa labì,
at gaya sa saplot ay naibuburda
kahit sa pinakamapait na alaala.

11
Yungib ng bulawan ang halik,
sabi ng matatanda,
gayunman ay hindi ito madaling
makita
maliban kung makikipagsapalaran
ang hari
sa laberinto ng karimlan.

12
Isinasakay ng simoy ang halik,
na marahil ay makararating sa iyo
kung iibigin mo.

Kung sakali’t tanggapin mo
ang halik na ito,
ako man ang hari ay bababâ
sa trono

ipagpalagay mang ako’y luko-luko.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.