Magkikita tayo sa langit, ni Roberto T. Añonuevo

Magkikita tayo sa langit

Roberto T. Añonuevo

Matatakpan ng laksa-laksang saranggola ang langit,
At lilitaw ang sumisingasing na kabayo at dragon,
Lalangoy sa kaitasan ang mga balyena at lumba-lumba,
Lulutang ang mga kahon, watawat, at ulupong,
Iikot saka aalagwa ang mga leon, kalapati’t mariposa
Hangga’t hindi natin nayayapakan ang ating lupain.
Bakit ang himpapawid ay dapat lagyan ng hanggahan
Ay hindi natin maunawaan. Sasabihin ba nila sa ibon,
“Bawal pumasok dito?” kung nagmula sa ibang lupalop?
Mapipigil ba ang simoy para samyuin lámang nila
Sa lupaing dati nating nililinang, nilalandas, tinitirhan?
Mauutusan ba ang mga isda, korales, at salabay
Sa tadhana ng búhay, gaya ng embargo sa akwaryum?
Ang sinag ba ng araw ay dapat nakakiling sa relihiyon,
Politika, at lahi, at dapat maging monopolyo ng baterya?
Ang ulan ba ay mabubulyawan, ang bukál ba ay dapat
Angkinin lámang ng maykapangyarihan at mayayaman?
Maghahatid ng bulkan ang piling guryon, gaano man
Katayog at kahaba ang mga moog at pader; sisiklab
Ang mga lungsod, lulukob ang nakasusulasok na usok,
At gumanti man ng misil, lason, at uyam ang kalaban,
Mababatid nilang hindi tayo kaaway, bagkus kapatid,
Na may isang Salita.

Heto ang eksperimental na videopoema ni Roberto T. Añonuevo.

Advertisements

Banyuhay

Banyuhay

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Matatagpuan ng langit ang apoy, at apoy ang kaluwalhatian sa noo ng karimlan. Ikaw na waring naligaw sa kumbento ng mga Benediktino, ikaw na nakikinig sa himno ng dibino at materyal, ay maglalakad muli upang tumugtog sa mga hagdan tungo sa kaitaasan. Matutuklasan ng simbahan ang iyong mga kamay na kumakalabit ng mga bagting; at mauunawaan ng katahimikan kung bakit nakapaghihilom ng sugat ang bulong, at ang taimtim na panambitan sa himig ng pagmamahal. Magsasalimbayan ang alunignig ng mga kuliglig. Magkakaroon ng mga saray ang sapad na dimensiyon. Magbabago ang anggulo ng mga dingding. Mapipihit ang kindat ng mga sinag. Lalayo at lalapit ka sa tinatanaw. Maghahalo ang tilaok at alulong, at nakaupo ka mang nagbubulay gaya ng yogi ay maglalaho ang silbi ng orasan. Bibiyayaan ka ng pagkain ng simoy, sinag, at hamog. Madarama mo ang mga alon sa guniguni. Pagdaka’y may darapong tipaklong  sa iyong balikat, na waring nangungusap, na panahon nang sumilang ang mata sa loob ng mga mata—para maarok ang apat na panig ng kaliwanagan.

Sutrang Hirasol, ni Allen Ginsberg

salin ng “Sunflower Sutra” ni Allen Ginsberg ng United States of America.
salin ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sutrang Hirasol

Naglakad ako sa baybayin ng látang saging na piyer at umupo sa dambuhalang lilim ng Katimugang Pasipikong lokomotora upang tanawin ang takipsilim sa ibabaw ng bahay-kahong dalisdis, sakâ umiyak.

Tumabi sa akin si Jack Kerouac na umupo sa sira’t kalawanging bakal na poste, ang kasama ko, kapuwa namin pinagbulayan ang parehong diwain ng kaluluwa, na malamlam at bughaw at malungkuting mata, pinaliligiran ng nangagngangalit na bakal na ugat ng mga punongkahoy ng makinarya.

Ang malangis na tubig sa ilog ay sinalamin ang duguang langit, lumubog ang araw sa ibabaw ng mga dulong rurok ng Frisco, walang isda sa gayong saluysoy, walang ermitanyo sa gayong bundok, tanging kami lamang na may nirarayumang paningin at may amats, gaya ng matatandang tambay sa baybay, pagód at wais.

Tingnan ang Hirasol, aniya, may patay na abuhing aninong katumbalik ng langit, sinlaki ng tao, nakaupo sa tuyot na rabaw ng talaksan ng sinaunang kusot.—

—Humangos akong nabighani—iyon ang aking unang hirasol, ang mga gunita ni Blake—ang aking mga pangitain—ang Harlem

at Impiyerno ng silanganing mga ilog, mga tulay na nagpapalangitngit ng Mamantikang Sandwits ni Joe, mga karwahe ng patay na sanggol, itim at gastadong gulong na nilimot at hindi na muling niretoke, ang tula ng pasigan, mga kondom at damo, mga bakal na patalim, walang isteynles, tanging tigmak sa tae at matatalas na artefakto na naglalagos tungong nakalipas—

at ang abuhing hirasol ay namaywang pasalungat sa dapithapon, marupok-rupok matamlay at maalikabok na may batik at lagkit at usok ng mga lumang lokomotora sa mata nito—

korola ng malabo-labong balibol na itinusok at bakli gaya ng gastadong korona, mga butil na nalaglag mula sa mukha nito, ang malapit-lapit mabungal na bibig ng maaraw na simoy, mga sinag- araw na pinawi sa mabuhok nitong ulo gaya ng nakabilad na kawad ng sapot,

na iniwang nakatusok gaya ng mga kamay na sumungaw sa sanga, mga muwestra mula sa ugatang kusot, mga baság na piraso ng plaster na napigtal mula sa mga itim na supling, isang patay na langaw sa tainga nito,

balakyot binugbog na matanda ka, aking hirasol,
O aking kaluluwa, mahal kita!

Ang putik ay hindi putik ng tao bagkus ng kamatayan at mga lokomotorang tao,

lahat ng damit alabok, na belo ng nagdilim na riles ng balát, ang dungis sa pisngi, ang pilik ng itim na pighati, iyang magrasang kamay o burat o umbok ng artipisyal, grabe- kaysa-dumi, industriyal—moderno—lahat ng kabihasnang naglalaway sa iyong baliw na ginintuang korona—

at yaong malabong diwain ng kamatayan at maalikabok at walang pusong mga mata at wakas at lantang ugat sa kailaliman, sa nagsanuno-sa-punsong buhangin at kusot, de-gomang dolyares na papel, balát ng makinarya, ang sikmura at lamanloob ng humahagulgol, umuubo-ubong kotse, ang mga hungkag malungkuting lata na may mga kalawanging dila baga, ano pa ang mapangangalanan ko, ang pinausukang abo ng ilang tarugo, ang mga puke ng kartilya at ang magagatas na súso ng mga kotse, ang mga laspag na puwitan ng mga silya at lambi ng mga makinang de-baterya—lahat ng ito

na pawang nagsala-salabid sa iyong binurong mga ugat—at ikaw na nakatindig sa harap ko nang nagtatakipsilim, lahat ng kariktan mo’y nasa iyong anyo!

Ang perpektong kagandahan ng hirasol! Ang perpekto ekselente magayong hirasol na umiiral! Ang matamis likas na mata sa bago’t mapormang buwan! Nagising nang buháy at sabik na dumadakma sa dapithapon na anino ng liwayway na ginintuang buwanang simoy!

Ilang bangaw ang nangagsiikot sa iyo nang walang malay sa iyong dumi, habang minumura mo ang kalangitan ng riles at ang iyong bulaklak na kaluluwa?

Kawawang patay na bulaklak? Kailan mo nalimot na isa kang bulaklak? Kailan mo tiningnan ang iyong balát at nagpasiya na isa kang baóg marungis huklubang lokomotora? Ang multo ng lokomotora? Ang espektro at lilim ng dating makapangyarihang baliw na Amerikanong lokomotora?
Hindi ka naging lokomotora, Hirasol, isa kang hirasol!

At ikaw Lokomotora, isa kang lokomotora, huwag akong limutin!

Kayâ sinunggaban ko ang kalansay makapal na hirasol at isinuksok sa tabi ko gaya ng setro,

At nagsermon sa aking kaluluwa, at sa kaluluwa rin ni Jack, at sa sinumang makikinig,

—Hindi tayo ang balát ng grasa, hindi tayo ang mga kinasisindakang malamlam maalikabok walang hulagway na lokomotora, tayo ang ginintuang hirasol sa kalooban, pinagpala ng ating sariling binhi at balboning lastag na mga lawas ng tagumpay na lumalaki sa pagiging mga baliw itim pormal na hirasol sa dapithapon, tinitiktikan ng sarili nating mga mata sa anino ng baliw lokomotorang baybaying takipsilim ng Frisco na padalisdis latang gabing inaaba-abangan mo sa iyong pangitain.

Ang Wakas ng Daigdig, ni Jorge Guillén

Salin ng “El fin del mundo” ni Jorge Guillén ng España.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Wakas ng Daigdig

Jorge Guillén

Waring malapit na ang wakas sa mahina ang loob na naghihintay at nakatindig nang walang tinag. Ito ang Wakas at Araw ng Paghuhukom. Humahangos ang mga pangitain. Nauunawaan ang lahat sapagkat napakadilim.

Terible ang dagundong. Makinig nang mabuti. Ito na ba ang pagkagunaw? May motor ng sasakyang naglandas. Nabiyak ba ang mga semento at numipis ang hangin? May isang bahay na itinatayô. Anung baho roon! Kimika, purong kimika: nakasusukang amoy na lumalaganap, nakasusulasok.

Wala nang higit na madali kundi talikdan ang katwiran para sa apokalipsis. Walang tuksong makaaakit sa bulgar na gawi kundi ang panlulumo. Lulutasin ba nang lubos ng kamatayan ang lahat, na nakakubli sa ating pangamba, sa harap ng patuloy na pagkagunaw?

Ito ang wakas ng daigdig, ng iyong daigdig. . . Huwag mabagabag. Susian ang orasan. Lilipas pa ang milyon-milyong taon. Bagaman nagaganap ang Kasaysayan nang paikot-ikot, napakabagal pa rin ng lakad ng mga minuto. Magtiis, magtiis ang pitlag ng matris.

Pagbubulay ni Aquiles, ni Pedro Lastra

Salin ng “Reflexiones de Aquiles” ni Pedro Lastra mula sa Chile.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pagbubulay ni Aquiles

Pedro Lastra

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Para kina María Cecilia at Julio

Batid mo na, at nasa mga tekstong pandalubhasaan
na sumisipi kay Homero,
na mananahan lámang sa sakong ko ang kamatayan.

Sadyang walang nakaaalam
kung gaano ako kalantad sa panganib,
kahit may basbas man ng grasya ng mga diyos.

Humahanga ako sa Karagatang walang dalampasigan

Salin ng bahagi ng Kitab ‘Anqâ’ mughrib ni Muhyiddin Ibn ‘Arabi mula sa España.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Humahanga ako sa Karagatang walang dalampasigan,
At sa Dalampasigang ni walang alon ng karagatan;
At sa Liwayway na hindi nalulukob ng karimlan
At sa Gabing hindi sinisilayan ng madaling-araw;
At sa Espero ng walang takdang lokalidad
Na batid ng mangmang o matalinong paham;
At sa asul na Bobedang nakaangat sa lupain,
Umiinog sa gitna nito—ang Pamimilit;
At sa mayamang lupaing walang gahum ng kupula
At walang tiyak na lokasyon, ang Lihim na nakasilid.

Inamò ko ang Lihim na hindi nagbabago ang pag-iral;
Dahil itinanong sa akin: “Ginayuma ka ba ng Diwain?”
At ang tugon ko: “Wala akong kapangyarihan ukol diyan;
Ang payo ko: Maging matiyaga habang nabubuhay.
Ngunit kung tunay na ang Diwain ay ganap naitatag
Sa aking isip, ang mga bagà na naging lagablab,
At lahat ng bagay ay sinunog sa matinding apoy,
Ang gaya nito ay hindi pa nadanas noon pa man!”
At sinabi sa akin: “Hindi siya pumipitas ng bulaklak
Na pinahahalagahan ang sarili bilang Timawa.”
“Siya na nanliligaw sa babae sa silid nito’t nang-aakit
Ay hindi iisiping napakamahal ang halaga ng dote!”

Ibinigay ko sa kaniya ang mana at siya’y ipinakasal sa akin
Sa buong magdamag hanggang pagsapit ng madaling-araw—
Ngunit wala akong nakita kundi ang Sarili. O Siya
Na aking pinakasalan—mabatid nawa ang kaniyang ibig:
Dahil ang karagdagan sa sukat ng liwanag ng Araw
Ay ang maningning na Bagong Buwan at mga Talang makislap;
Nilibak gaya ng Panahon, bagaman ang Propeta (purihin siya!)
Ay minsang naghayag sa Panginoon mo na Siya ang Panahon.