Salin ng bahagi ng Kitab ‘Anqâ’ mughrib ni Muhyiddin Ibn ‘Arabi mula sa España.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Humahanga ako sa Karagatang walang dalampasigan,
At sa Dalampasigang ni walang alon ng karagatan;
At sa Liwayway na hindi nalulukob ng karimlan
At sa Gabing hindi sinisilayan ng madaling-araw;
At sa Espero ng walang takdang lokalidad
Na batid ng mangmang o matalinong paham;
At sa asul na Bobedang nakaangat sa lupain,
Umiinog sa gitna nito—ang Pamimilit;
At sa mayamang lupaing walang gahum ng kupula
At walang tiyak na lokasyon, ang Lihim na nakasilid.
Inamò ko ang Lihim na hindi nagbabago ang pag-iral;
Dahil itinanong sa akin: “Ginayuma ka ba ng Diwain?”
At ang tugon ko: “Wala akong kapangyarihan ukol diyan;
Ang payo ko: Maging matiyaga habang nabubuhay.
Ngunit kung tunay na ang Diwain ay ganap naitatag
Sa aking isip, ang mga bagà na naging lagablab,
At lahat ng bagay ay sinunog sa matinding apoy,
Ang gaya nito ay hindi pa nadanas noon pa man!”
At sinabi sa akin: “Hindi siya pumipitas ng bulaklak
Na pinahahalagahan ang sarili bilang Timawa.”
“Siya na nanliligaw sa babae sa silid nito’t nang-aakit
Ay hindi iisiping napakamahal ang halaga ng dote!”
Ibinigay ko sa kaniya ang mana at siya’y ipinakasal sa akin
Sa buong magdamag hanggang pagsapit ng madaling-araw—
Ngunit wala akong nakita kundi ang Sarili. O Siya
Na aking pinakasalan—mabatid nawa ang kaniyang ibig:
Dahil ang karagdagan sa sukat ng liwanag ng Araw
Ay ang maningning na Bagong Buwan at mga Talang makislap;
Nilibak gaya ng Panahon, bagaman ang Propeta (purihin siya!)
Ay minsang naghayag sa Panginoon mo na Siya ang Panahon.