Salin ng “El fin del mundo” ni Jorge Guillén ng España.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Ang Wakas ng Daigdig
Jorge Guillén
Waring malapit na ang wakas sa mahina ang loob na naghihintay at nakatindig nang walang tinag. Ito ang Wakas at Araw ng Paghuhukom. Humahangos ang mga pangitain. Nauunawaan ang lahat sapagkat napakadilim.
Terible ang dagundong. Makinig nang mabuti. Ito na ba ang pagkagunaw? May motor ng sasakyang naglandas. Nabiyak ba ang mga semento at numipis ang hangin? May isang bahay na itinatayô. Anung baho roon! Kimika, purong kimika: nakasusukang amoy na lumalaganap, nakasusulasok.
Wala nang higit na madali kundi talikdan ang katwiran para sa apokalipsis. Walang tuksong makaaakit sa bulgar na gawi kundi ang panlulumo. Lulutasin ba nang lubos ng kamatayan ang lahat, na nakakubli sa ating pangamba, sa harap ng patuloy na pagkagunaw?
Ito ang wakas ng daigdig, ng iyong daigdig. . . Huwag mabagabag. Susian ang orasan. Lilipas pa ang milyon-milyong taon. Bagaman nagaganap ang Kasaysayan nang paikot-ikot, napakabagal pa rin ng lakad ng mga minuto. Magtiis, magtiis ang pitlag ng matris.