salin ng “Sunflower Sutra” ni Allen Ginsberg ng United States of America.
salin ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Sutrang Hirasol
Naglakad ako sa baybayin ng látang saging na piyer at umupo sa dambuhalang lilim ng Katimugang Pasipikong lokomotora upang tanawin ang takipsilim sa ibabaw ng bahay-kahong dalisdis, sakâ umiyak.
Tumabi sa akin si Jack Kerouac na umupo sa sira’t kalawanging bakal na poste, ang kasama ko, kapuwa namin pinagbulayan ang parehong diwain ng kaluluwa, na malamlam at bughaw at malungkuting mata, pinaliligiran ng nangagngangalit na bakal na ugat ng mga punongkahoy ng makinarya.
Ang malangis na tubig sa ilog ay sinalamin ang duguang langit, lumubog ang araw sa ibabaw ng mga dulong rurok ng Frisco, walang isda sa gayong saluysoy, walang ermitanyo sa gayong bundok, tanging kami lamang na may nirarayumang paningin at may amats, gaya ng matatandang tambay sa baybay, pagód at wais.
Tingnan ang Hirasol, aniya, may patay na abuhing aninong katumbalik ng langit, sinlaki ng tao, nakaupo sa tuyot na rabaw ng talaksan ng sinaunang kusot.—
—Humangos akong nabighani—iyon ang aking unang hirasol, ang mga gunita ni Blake—ang aking mga pangitain—ang Harlem
at Impiyerno ng silanganing mga ilog, mga tulay na nagpapalangitngit ng Mamantikang Sandwits ni Joe, mga karwahe ng patay na sanggol, itim at gastadong gulong na nilimot at hindi na muling niretoke, ang tula ng pasigan, mga kondom at damo, mga bakal na patalim, walang isteynles, tanging tigmak sa tae at matatalas na artefakto na naglalagos tungong nakalipas—
at ang abuhing hirasol ay namaywang pasalungat sa dapithapon, marupok-rupok matamlay at maalikabok na may batik at lagkit at usok ng mga lumang lokomotora sa mata nito—
korola ng malabo-labong balibol na itinusok at bakli gaya ng gastadong korona, mga butil na nalaglag mula sa mukha nito, ang malapit-lapit mabungal na bibig ng maaraw na simoy, mga sinag- araw na pinawi sa mabuhok nitong ulo gaya ng nakabilad na kawad ng sapot,
na iniwang nakatusok gaya ng mga kamay na sumungaw sa sanga, mga muwestra mula sa ugatang kusot, mga baság na piraso ng plaster na napigtal mula sa mga itim na supling, isang patay na langaw sa tainga nito,
balakyot binugbog na matanda ka, aking hirasol,
O aking kaluluwa, mahal kita!
Ang putik ay hindi putik ng tao bagkus ng kamatayan at mga lokomotorang tao,
lahat ng damit alabok, na belo ng nagdilim na riles ng balát, ang dungis sa pisngi, ang pilik ng itim na pighati, iyang magrasang kamay o burat o umbok ng artipisyal, grabe- kaysa-dumi, industriyal—moderno—lahat ng kabihasnang naglalaway sa iyong baliw na ginintuang korona—
at yaong malabong diwain ng kamatayan at maalikabok at walang pusong mga mata at wakas at lantang ugat sa kailaliman, sa nagsanuno-sa-punsong buhangin at kusot, de-gomang dolyares na papel, balát ng makinarya, ang sikmura at lamanloob ng humahagulgol, umuubo-ubong kotse, ang mga hungkag malungkuting lata na may mga kalawanging dila baga, ano pa ang mapangangalanan ko, ang pinausukang abo ng ilang tarugo, ang mga puke ng kartilya at ang magagatas na súso ng mga kotse, ang mga laspag na puwitan ng mga silya at lambi ng mga makinang de-baterya—lahat ng ito
na pawang nagsala-salabid sa iyong binurong mga ugat—at ikaw na nakatindig sa harap ko nang nagtatakipsilim, lahat ng kariktan mo’y nasa iyong anyo!
Ang perpektong kagandahan ng hirasol! Ang perpekto ekselente magayong hirasol na umiiral! Ang matamis likas na mata sa bago’t mapormang buwan! Nagising nang buháy at sabik na dumadakma sa dapithapon na anino ng liwayway na ginintuang buwanang simoy!
Ilang bangaw ang nangagsiikot sa iyo nang walang malay sa iyong dumi, habang minumura mo ang kalangitan ng riles at ang iyong bulaklak na kaluluwa?
Kawawang patay na bulaklak? Kailan mo nalimot na isa kang bulaklak? Kailan mo tiningnan ang iyong balát at nagpasiya na isa kang baóg marungis huklubang lokomotora? Ang multo ng lokomotora? Ang espektro at lilim ng dating makapangyarihang baliw na Amerikanong lokomotora?
Hindi ka naging lokomotora, Hirasol, isa kang hirasol!
At ikaw Lokomotora, isa kang lokomotora, huwag akong limutin!
Kayâ sinunggaban ko ang kalansay makapal na hirasol at isinuksok sa tabi ko gaya ng setro,
At nagsermon sa aking kaluluwa, at sa kaluluwa rin ni Jack, at sa sinumang makikinig,
—Hindi tayo ang balát ng grasa, hindi tayo ang mga kinasisindakang malamlam maalikabok walang hulagway na lokomotora, tayo ang ginintuang hirasol sa kalooban, pinagpala ng ating sariling binhi at balboning lastag na mga lawas ng tagumpay na lumalaki sa pagiging mga baliw itim pormal na hirasol sa dapithapon, tinitiktikan ng sarili nating mga mata sa anino ng baliw lokomotorang baybaying takipsilim ng Frisco na padalisdis latang gabing inaaba-abangan mo sa iyong pangitain.