Banyuhay

Banyuhay

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Matatagpuan ng langit ang apoy, at apoy ang kaluwalhatian sa noo ng karimlan. Ikaw na waring naligaw sa kumbento ng mga Benediktino, ikaw na nakikinig sa himno ng dibino at materyal, ay maglalakad muli upang tumugtog sa mga hagdan tungo sa kaitaasan. Matutuklasan ng simbahan ang iyong mga kamay na kumakalabit ng mga bagting; at mauunawaan ng katahimikan kung bakit nakapaghihilom ng sugat ang bulong, at ang taimtim na panambitan sa himig ng pagmamahal. Magsasalimbayan ang alunignig ng mga kuliglig. Magkakaroon ng mga saray ang sapad na dimensiyon. Magbabago ang anggulo ng mga dingding. Mapipihit ang kindat ng mga sinag. Lalayo at lalapit ka sa tinatanaw. Maghahalo ang tilaok at alulong, at nakaupo ka mang nagbubulay gaya ng yogi ay maglalaho ang silbi ng orasan. Bibiyayaan ka ng pagkain ng simoy, sinag, at hamog. Madarama mo ang mga alon sa guniguni. Pagdaka’y may darapong tipaklong  sa iyong balikat, na waring nangungusap, na panahon nang sumilang ang mata sa loob ng mga mata—para maarok ang apat na panig ng kaliwanagan.