Paraluman
Roberto T. Añonuevo
Pumaloob ka sa Marinduque isang araw, at ikaw, sa wari ko, ang puso ng mga paglalakbay: divina filipina ang imbay, granado ang buhok ngunit ambar ang balintataw, lumalakad nang manipis ang tsinelas gayong kayputi ng mga sakong, at ang gunita ay mula sa malayong lungsod. Taglay mo marahil si Borges, at bawat hakbang ay laberinto ng talinghaga bawat talinghaga, at ang palaisipan ng iyong labì ay pisì na tinatawid ng aking balikat at budhi. Kailangan kita kung ako ang tula.
Magpupugay ang mga barko sa iyong dibdib.
Makararating ka sa Boac gaya sa hula nang umuulan gayong nasa pusod ng tag-araw, at matatagpuan kita sa aking silid. Matatagpuan kitang gutóm, lastag, at basâ ang buhok, at naisip kong umahon ka mula sa dagat para tanggapin ng dalampasigan. Ang iyong salita ay bumubukal sa paningin, parang mula sa butanding ng malayong Oslob, at ang iyong kislot ay dayaray na naglalagos sa bintana. Nang lumapit ako sa iyo, tumakas ang iyong anino at lumukob ang simoy ng pinyahan.
Umiindayog ang tinig ng mga titik mo sa aking dibdib. Dalawang bundok sa pusod ng laot ang lumilitaw pagkahawi ng ulop, at parang ganiyan ang pakiramdam nang tahakin kita sa mga aklat. Anung kinis ng iyong mga pahina sa aking kandungan. Naririnig ko sa malayo ang batingaw ng Montserrat kahit sa aking pananaginip nang gising; at pumikit man ako, ikaw ang hulagway na nakangiti sa isang kapeterya mula sa matandang bahay na bato.
Pupukulin kita ng mga tanong, ngunit hindi ka tutugon.
Maglalakad tayo pagkaraan sa lansangan na maagang matulog ang mga ilaw ng mga bahay at tindahan. Nagliliwanag ang langit sa mga bituin. Sumisitsit ang mga kuliglig. Wala ni traysikel o dyip na naligaw sa daan. Mahimbing na namamahinga sa bangketa ang isang huklubang askal. Nakapinid ang mga pinto o bintana, at ang tanging bukás ay ang paningin mong kumikislap.
Maya-maya’y marahang umambon at umihip ang malamig na simoy. Nabasâ ang iyong mga pisngi, na parang tigmak sa luha. May dalawang aninong magkahawak kamay ang ating makakasalubong—na waring mga tauhan sa antigong pelikulang walang tokis. At nang sumulyap sila sa atin, ang nakita ko ay ako at ikaw.