Perpektiba
Roberto T. Añonuevo
Isisilang sina Picasso at Van Gogh sa mga kambas
ni Wolfgang Beltracchi, at ang silbi ng maskara
at kosmetiko ay matatagpuan sa rabaw ng mesa
o sa iyong masukal na loob.
Ang daigdig ay hindi itim at puti, o kaya’y bahaghari.
Ang daigdig ay singgaspang ng dila’t gawi ng hari
na nagtatampisaw sa sanaw ng mga papuri at salapi.
Naghahalakhakan, nag-iinuman ang mga pintor
sa silid ng libong guniguni.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sintunadong musika
ang palsipikador at kopyador sa museo at galeriya
ng rangya’t pagmamalabis, wika ng oleo at paleta.
Ano si Balagtas kapag binantuan nina Eliot at Lorca
sa gunita ni Beltracchi?
. . . . . . . . . . . . . . . . .Marahil, isang tuyong ilog ni Heraklitus
na tinatawid ng buwaya at libo-libong langgam
o kung hindi’y isang parian
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . na lubog sa bahâ
at ang mga karetela ay rumirikit sa lintik at banlik.
Sa estasyon ng tren, ang mga ibon ni Heinrich
Campendonk ay maaaring karugtong na tadhana
ng mga bilanggo tungo sa bibitayan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang bakal na tulay ni Auguste Herbin
ay iisipin mong tulay na hindi matapos-tapos
tungo sa impiyerno at kawalang-pakialam.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . At ang mga yate ni André Derain
ay naiinip na tinatanaw ng mga bagamundo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .sa baybay.
Bakit susumpain si Beltracchi kung ginamit niya
ang balón ng posibilidad na nabigong salukin
ng nakalipas? Paano kung siya rin ang mga lastag
na babae ni Fernand Léger,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at reenkarnasyon ng kahon
at manipestasyon ng mga impostor na posibilidad?
Ang sining ay katangahan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sa hanggahan ng mga mata,
kung iyan ang ibig makita,
at kaydaling maikukubli sa mga plastik na pera.
At dito sa Filipinas, ang mga berdugo ni Juan Luna
ay mabubuhay muli
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sa ngalan ng Batas Militar
tungo sa diwa ng Bagong Lipunan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang katotohanan
sa pasikot-sikot na kabulaanan ng mga eskinita
ng Dafen at Ermita,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang senado ng mga batas
na binabalì ng liwanag,
ang mga kawal at abogadong bumubulong
sa karimlan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . Papasukin mo marahil ngayon
ang kambas na ito kahit di-nakausap si Beltracchi,
para sa paghubog ng bagong mahiwagang Ibon—
sa merkado ng inaangkin mo ngayong tradisyon.