Samyô
Roberto T. Añonuevo
Ang humót sa leeg ng isang estranghera
. . . . . . . . . . . . . ay súpang na umaalimbukad
at nagpahinto minsan sa ginoong
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . naglalakad
sa abenida na kabesado ng mga paa.
Pumasok nang walang pasintabi
ang halimuyak
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .sa kalooban ng lalaki,
tumagos sa buto hanggang kaluluwa,
. . . . . . . . . . . . . . at naibulong niya sa sarili:
Saang planeta ka nagmula,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . at ngayon lámang kita
nakilala?
. . . . . . . . . . . . .May kung anong ngumiti
sa singit ng guniguni,
. . . . . . . . . .. . . at kung ito ang tugon sa sagot,
ang daigdig ay hindi tumatandâ,
ang daigdig ay patuloy na bumabatà.
Paumanhin, ani babae nang masagi
nang di-sinasadya ang malamlam na anyo.
Kikisap ang sampung siglo sa loob
. . . . . . . . . . . . . . ng dalawampung segundo,
at sisilang ang bagong pahiwatig ng puso:
mga gusali na tinakpan ng mga ugat,
mga lungsod na umahon sa dagat,
mga balón na imbakan ng lason at sanggol,
mga bituin na sininop sa disyerto’t pusali,
mga pamayanang lumikas sa ibang lupalop,
at ngayon,
. . . . . . . . . . . isang matandang bulag sa takipsilim.
Makakaligtaan ng lalaki
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang kaniyang pangalan,
at kung ilang ulit siya isinilang at namatay,
ngunit matatandaan niya ang simoy
. . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng libo-libong ilang-ilang.
Magugunita ng punongkahoy at ibon ang amihan,
isasalaysay ng mga alon ang unos at bagyo,
at lulukob sa bubuyog at paruparo ang bulaklak.
Magpapatuloy sa paglalakad ang babae
na waring potograpong
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sumasagap ng paligid,
ngunit hindi niya mauunawaan ang nakita.
Tatahakin ng babae ang kung saang landas
na may memorya ng mga paghahanap,
at pagbabalik, sa dinidibdib niyang iniibig.
Hihinto nang saglit ang daigdig.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ilang sandali pa, ang dilag
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ay kakainin
ng usok mula sa mabagal na trapik
. . . . . . . . . . . .ng mga sasakyan at himutok,
at bubusina sa poot ang bus at motorsiklo.
Mapapatda sa bangketa ang lalaki,
maiiwan, mauutal, mangangatal
sa kariktang hindi niya makita at makikita
. . . . . . . . .bagkus habambuhay malalanghap
sa dumurupok na alaala,
na waring pagbabalik sa isang lumang pelikula.