Kaligayahan
Roberto T. Añonuevo
Ang elektrisidad sa aking puso’t elektrisidad sa utak
ay pinaiilaw ang libong silid tuwing nalulumbay ka.
At makikita kita kahit ako’y nakapikit, at may unos,
at malayo ka, ngunit ito ay gaya ng Brahmacharya,
ang landas ng dibinong tinig sa madilim na daigdig:
Ang iyong hulagway ay mga titik na sumisilang na tula,
at ako ay napasasayaw sa kurbada ng iyong talinghaga.
Ang iyong dila ay lumalampas sa matuwid o baluktot,
humihigit sa kaluguran tungo sa kaywagas na Ligaya.
Kaytamis ng iyong talampakan at kaybango ng pusón,
at ito ang tatandaan ng silid na pambihira ang liwanag.
Sa aking budhi, marahang hahalik ang iyong halimuyak.
Ang elektrisidad sa lawas mo ay tatawid sa lawas ko;
at siyam na musa ang lalakad na parang mga abay mo.