Armonisasyon
Roberto T. Añonuevo
Isang mainit na usapin sa mga fumefeysbuk, gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay ang usapin hinggil sa “armonisasyon ng mga ortograpiya ng mga katutubong wika sa Filipinas” [KWF Statement on the Harmonization of Orthographies of Filipino Languages, 22 Oktubre 2018). Ang armonisasyon ay konseptong isinusulong ng KWF para ipaliwanag ang posisyon nito, bukod sa ipagtanggol ang Ortograpiyang Ilokano (2018) na balak nitong ipagamit sa mga guro at estudyante sa Hilagang Luzon, sa pamamagitan ng Kagawaran ng Edukasyon, sa kabila ng pagtutol ng GUMIL Filipinas at iba pang kabalikat na grupo.
Ang GUMIL (Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti Filipinas) ang pinakaaktibo at pinakamalaking organisasyon ng mga manunulat at editor na Ilokano, at may base hindi lámang sa rehiyon ng Ilocos, bagkus maging sa iba’t ibang lalawigan, at ibang bansa, gaya sa United States of America, Greece, at Saudi Arabia. Ang mga manunulat na ito ang lumikha ng mga pambihirang aklat pampanitikan sa paglipas ng panahon, at patuloy na sinusubaybayan hangga ngayon, sa pamamagitan ng lingguhang magasing Bannawag at iba pang babasahin.
Ano ba talaga ang “armonisasyon,” kung babalikan ang posisyon ng KWF at isinusulong ng tagapangulo nito? Hindi naipaliwanag sa pahayag ng KWF kung saang punto ito nagmumula, at ang reperensiya ay mahihinuhang galing sa panig ng Filipino. Kung ang reperensiya ay Filipino, ano ang saklaw ng “armonisasyon” para sabihing ang dating walang armonyang mga wikang katutubo ay magkakaroon ngayon ng pagkakaisa at pagsasanib?
Malabo ang pahayag ng KWF sapagkat nabigo itong ipaliwanag ang konsepto ng “armonisasyon,” una sa panig ng lingguwistika, at ikalawa, sa panig ng sosyolingguwistika at kasaysayan, sa harap ng wikang Ilokano. Kung susuriin ang ipinalalaganap nitong mga katutubong ortorgrapiya, ang armonisasyon ay naglulundo nang malaki sa panghihiram ng mga salitang banyaga, na ang pinakaubod ay mula sa Español (na ang ispeling dati ay “Espanyol”), at hindi sa katutubo-sa-katutubong wikang ugnayan. Dito masasabing malakas ang Ortograpiyang Pambansa (OP) sapagkat napulido na ang mga panuto nito sa Español sa paglipas ng panahon, mulang yugto nina Lope K. Santos at Jaime de Veyra hanggang Ponciano BP. Pineda hanggang Nita P. Buenaobra at Jose Laderas Santos hanggang Virgilio S. Almario. May katwiran kung gayon ang KWF kung punahin nito ang sinauna’t hispanisadong baybay ng mga salita, halimbawa ang mga pangalan ng pook, gaya ng Davao (na puwedeng “Dabaw” o “Davaw; Calasiao na puwedeng “Kalasyaw”), o ang mga pangalang pambalanang, gaya ng “dios” na naging “diyos,” cuento na naging “kuwento,” atbp.
Pagkaraan nito ay lalantad ang kahinaan ng OP, sa kasamaang-palad, lalo sa panghihiram ng mga salita sa Ingles. Bakit? Sapagkat walang malinaw at kompletong panuto na isinulong ang KWF sa bahaging ito. Hindi pa ganap nitong nailalahok kung paano manghihiram, halimbawa sa Ingles, Nihonggo, Aleman, Frances, atbp., sa isang panig, at sa mga katutubong wika, gaya sa Magindanaw, Ilokano, Hiligaynon, Romblonon, Sebwano, Bikol, atbp. Maikakatwiran dito kung ang gagawing batayan ay ang kakulangan ng isang pambansang diksiyonaryong Filipino na higit ang saklaw sa UP Diksiyonaryong Filipino, at may basbas ng isang ahensiya ng gobyerno. Ang UP Diksiyonaryong Filipino, kahit pa ito pinondohan ng gobyerno, ay hindi masasabing kasinlakas ng pambansang diksiyonaryo, kung ang diksiyonaryong ito ay mismong luwal ng KWF—na may mandato ng Konstitusyong 1987, at Batas Republika Blg. 7104. Kung babalikan ang kasaysayan, ang mandato ng Institute of National Language bago pa sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay una, lumikha ng isang malawakang diksiyonaryo na batay sa katutubong wika at magiging batayan ng pambansang wika; at ikalawa, bumuo ng isang gramatika o balarila mula sa katutubong wika.
Sa kasalukuyan, nasa yugto pa rin ng pangangarap ang Pambansang Diksiyonaryong Filipino at Binagong Gramatikang Filipino—na pawang maglalahok sa lahat ng matitingkad na katangian ng mga katutubong wika sa Filipinas.
Magkakasiya na lámang ang OP sa gaya ng panghihiram ng mga pangngalang pantangi mula sa mga banyagang wika na hindi kailangang baguhin ang ispeling, sa mga salitang kargado ng kultura o kasaysayan, sa mga salitang siyentipiko o teknikal, o kung kaya’y sa mga salitang may maiikling patinig na tunog [short vowels] ngunit problemado kapag dumako sa mahahabang patinig [long vowels] at sa mga salitang may tunog schwa, kambal patinig (gaya ng \ph\ na maaaring gawing \p\ o \f\), dobleng titik (gaya ng dd, ff, rr, ss, atbp), sa mga salitang may triptong o tatluhang katinig, at iba pang punto na wala sa OP.
Sa bahaging ito, ang tinutukoy na “armonisasyon” ng mga wikang katutubo sa Filipinas sa punto de bista ng KWF ay konserbatibo at mahihinuhang limitado sa panghihiram ng mga salita sa Español. Kung magkakaisa ang mga katutubong wika sa bahaging ito ay walang magiging sagabal, maliban na lámang kung ang mga katutubong wikang ito ay tinanggap ang mga salitang Español, at inangkin nang buong-buo, at umiiwas na ispelingin ang mga salita alinsunod sa nais na paraan ng pagbaybay ng OP sa maraming pagkakataon, kahit pa sabihing kabitan ng mga panlapi, sapagkat nakalahok yaon sa kanilang mga diksiyonaryo. Matingkad ang ganitong problema sa gaya ng Chabacano, Ilokano, at Bikol, kung pagbabatayan ang mga konsultasyon sa ortograpiya noon.
Ang mga umiiral na diksiyonaryo, halimbawa sa Ilokano, Bikol, Sebwano, atbpng wika, ay sa paglipas ng panahon ay naging sanggunian ng henerasyon ng mga manunulat at editor, at marahil ay magbabago lámang ang paraan nila ng pagbabaybay alinsunod sa mapagkakaisahan at mamamayaning paraan ng pagsulat sa panig ng pangkat ng mga manunulat at editor. Ito ay sapagkat ang ortograpiya ay nakatuon, unang-una sa lahat, sa mga manunulat at editor, at hindi para sa mga estudyante at guro. Ang mga manunulat at editor ang aktibong lumilikha ng mga teksto, at hindi naiiwasang magtakda ng estandarisasyon ng wika na ginagamit naman ng mga estudyante o guro. Kung babalikan ang isinusulong ng Kagawaran ng Edukasyon, ang inuuna ay ang paglikha ng ortograpiya imbes na unahin ang pagsasaliksik, produksiyon, at preserbasyon ng mga akdang pampanitikang nasusulat sa mga katutubong wika.
Sa mga wika sa Filipinas, ang malalakas na wika ay nagmumula ngayon sa Ilokano, Sebwano, at Bikol. Ang tatlong wikang ito ay may mahuhusay at batikang manunulat at editor, na may kani-kaniyang publikasyon at suportado kung minsan ng ilang akademya. Kapag hindi sumang-ayon ang mga manunulat at editor ng isang wika, gaya ng ginawa ng GUMIL, ay mauulit lámang ang kasaysayan, nang bumalikwas ang mga manunulat sa Filipino nang tuligsain nito’t suwayin ang itinakdang panuto sa Ortograpiyang Filipino noong panahon ni Tagapangulo Buenaobra. Sa aking pagkakatanda, minura kami (kasama ko sina Dr. Leo Zafra at Leonida Villanueva) at nilait-lait ni Buenaobra dahil sinuway namin ang ortograpiyang inilathala ng KWF. Lilipas ang panahon at mabibigo ang bersiyon ni Buenaobra at mananaig ang bersiyong isinulong ng National Committee on Language and Translation (NCLT) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Magkakaroon ng problema ang konsepto ng “armonisasyon” sa panig ng mga katutubong wika, sapagkat wala pang malawakan at naisapanahong pag-aaral ang KWF kung pag-uusapan ang mga pagkakahawig ng mga katutubong wika. Ang tinatanggap pa lámang ngayon ay ang mga salitang pangngalan, na nailahok ang ilan sa UP Diksiyonaryong Filipino, ngunit ang mga salitang pandiwa o pang-uri o pangatnig o pang-abay, lalo kung ang mga ito ay nilapian ay hindi pa natitingkî at hindi pa nailalahok sa OP. May katwiran kung gayon ang GUMIL Filipinas sa pag-angal hinggil sa pagbabago ng “biag” tungo sa “biyág,” na waring isinunod sa “biak” na naging “biyák,” ngunit kung babalikan ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar ay may lahok doon na “biák” at binibigkas na \bi+ak\, gaya sa “Biak na Bato.” Hindi malalayo ang “biak” sa “baak,” na ginagamit pa rin sa ilang bayan sa Rizal, gaya ng Angono, Binangonan, at Tanay, o kaya’y sa Batangas, Quezon, at Marinduque. Ang problema ng “biak” ay hindi malalayo sa hispanisadong “babayi” na dapat na “babai” at hindi “babay.” Para sa mga Español, ang titik \i\ ay mahinang patinig, at upang lumakas at makatindig nang mag-isa ay karaniwang kinakabitan ng \y\.
Sa pedagohikong pagdulog, ang sinasabing “armonisasyon” na binabanggit ng KWF ay marupok ang kinatatayuan sapagkat kulang sa pag-aaral o saliksik hinggil sa panig ng pagtuturo ng ortograpiya, batay sa mithi ng Kagawaran ng Edukasyon. Kailangang linawin ng KWF na kung ang layon nitong armonisasyon ay limitado sa panghihiram ng mga salitang Español o Ingles, sapagkat wala pa itong malinaw na mga panuto hinggil sa panghihiram ng mga katangian ng mga katutubong wika, na ang karamihan ay ni hindi pa nailalahok sa UP Diksiyonaryong Filipino. Muli, maitatanong kung ano at kung saan ang gagamiting reperensiya sa pagtuturo sa mga estudyante kung isasaalang-alang ang mga katutubong wika. Ang armonisasyon ba ay mulang Filipino tungong katutubong wika, gaya sa Ilokano, Sebwano, at Bikol? O pabaligtad? Isasaalang-alang din ba ang armonisasyon ng mga katangian ng iba-ibang katutubong wika, halimbawa, mulang Bikol hanggang Ilokano o Sebwano hanggang Ibanag?
Binanggit pa ng KWF sa pahayag nito na,
Harmonization is not compulsory for older users of the language or individual organizations; it is specifically aimed at helping the Department of Education and teachers to teach any of the native languages. Other organizations are free to adopt their own stylebook in their own publications.
Ang armonisasyon ay hindi umano sapilitan para sa matatandang gumagamit ng wika o mga organisasyon. Nakatuon umano ito para tulungan ang Kagawaran ng Edukasyon at mga guro sa pagtuturo ng mga katutubong wika. Malaya pa umanong gumamit ng sariling istaylbuk ang iba’t ibang organisasyon. Ano uli? Baka ang tinutukoy dito ay hindi sapilitan ang pagpapagamit ng ortograpiya imbes na armonisasyon, sapagkat walang kinalaman ang edad o pagkatigulang sa armonisasyon, lalo sa panig ng mga Ilokano na ang tanging layon ay paunlarin ang wikang Ilokano. Ang ortograpiya ay para sa mga manunulat at editor, o sa mga tao na nag-aambisyong maging manunulat o editor, na gumagawa ng mga aklat o teksbuk. Ang ortograpiya ay hindi para sa mga mag-aaral na tutuntong pa lamang sa kindergarten o Unang Grado. At walang pakialam ang mga estudyante sa masalimuot na usapin ng lingguwistika ng ortograpiya, bagkus sa mga konseptong taglay ng mga salita na nakaugat nang malalim sa kani-kanilang kultura.
Ang payo ng KWF na malaya ang alinmang organisasyon na gumawa ng sariling istaylbuk ay tama, ngunit hindi tumutumbok sa solusyon sa tunay na problema, at halos tumawid sa pagiging sarkastiko. Ang istaylbuk ay nakabatay sa ortograpiya at gramatika, at kung gayon, ay hindi makagagawa ang KWF ng sariling istaylbuk para ipataw at panaigin sa mga katutubong wika. Ang Ortograpiyang Ilokano, kapag binasbasan ng KWF, ay may kapangyarihang baguhin sa isang iglap ang naitatag nang paradima ng pagsulat sa Ilokano, sapagkat ito ay may basbas ng gobyerno. Ang tanging magagawa ng mga Ilokano, gaya ng mga kasapi ng GUMIL, ay tumutol at suwayin ang itinatadhanang panuto ng KWF. Sa ganitong pangyayari, ang armonisasyon, sa yugtong ito, ay nangangailangan ng pagkambiyo at reebalwasyon. At ito ay masasagot lámang ng buong kalupunan ng mga komisyoner ng KWF, sapagkat yaon ay láwas kolehiyado at hindi nagmumula sa pasiya ng isa o dalawang tao lámang.
PAHABOL: Pinukaw, sa di-inaasahang pangyayari, ng KWF ang nakem—o ang kolektibong kamalayan, kung hihiramin ang pakahulugan ni Aurelio Agcaoili—ng mga kasaping manunulat ng GUMIL. Ang nakem, kung aalagaan nang maigi, ay makapaghahasik ng rebolusyon, at inspirasyon sa mga kapuwa Filipino, na kapupulutan ng aral kahit ng mga tinitingalang kasapi’t opisyal ng pinakamalaking unyon ng mga manunulat sa Filipinas.
