Alamat ng Mambukal

Alamat ng Mambukál

Hango sa isang kuwentong-bayan ng Hiligaynon mulang Negros Occidental, at muling isinalaysay sa malikhaing paraan ni Roberto T. Añonuevo.

Nalimutan na ng mga tao ang aking pagmamahal.

Mahabang panahon na ang nakalilipas, tanging mga tagakaitasan ang namumuhay nang tahimik sa Mambukál. Malayà silang nakapagtatanim sa matatabang lupain; at sagána sa maiilap na hayop na maaaring kainin ang gubat. Gayunman, wala noong ilog o sapa na pawang mapagkukunan ng tubig, at mabuti na lámang at mapagpalà ang bathalang si Kanlaon. Bumubúhos ang ulan upang tighawin sa uhaw ang mga lupang nilinang—ang mga lupang nagbibigay sa mga tao ng mga gulay, halamang-gamot, bunga, butil, at higit sa lahat, matitigas na kahoy na maaaring gamitin sa pagtatayo ng bahay o kamalig.

Tumitingala ang mga tao sa kalangitan, at malimit nagdarasal upang humingi ng ulan kay Kanlaon. Ulan ang kanilang kaligtasan: ang tubig mula sa mga ulap, at hatid ng simoy, at nagpapalà sa mga tagalupà.

Ngunit may katapusan ang lahat. Mahigit dalawang tag-ulan na hindi bumuhos ang ulan at ni hindi umambon. Nangaluntoy ang mga halaman, at nagliyab ang mga tuyot na kahuyan. Namatay sa uhaw ang mga hayop, at ang mga tao’y kinakailangan pang magtungo sa malayong pook upang sumalok ng tubig sa mga lihim na balón. Gumapang ang tagsalát sa buong Mambukál, at kahit na magdasal nang magdasal ang mga tao’y tila bingi ang bathala sa mga pinailanglang na panalangin.

Gaya ng kinaugalian, ginanap ang pinait sa Mambukál. Nagtipon ang matatanda’t umusal ng kung anong mahiwagang dasal. Isang babaylan na waring sinapian ng ibon ang tumula ng kung anong kababalaghan. Pagkaraan, nagkatinginan ang mga saksi at ipinangako nila na mag-aalay sila ng isang dalaga na paulit-ulit mag-aalaga ng apoy sa paanan ng bundok. “Mahal naming Kanlaon,” anila, “tuparin mo lámang ang aming hiling ay hindi namin kailanman lilimutin ang paghahandog sa iyo!” Oo, inihandog nila kay Kanlaon ang isang dalaga. At ang dalagang iyon, na tinawag na Kudyapâ, ay walang iba kundi ako.

Ako, si Kudyapâ, ay taimtim na sumunod sa ipinag-uutos ng matatanda sa aming pook. Mahal ko ang aking kababayan, at ayaw kong biguin sila sa kanilang mithi. Ibinigay ko ang sarili para kay Kanlaon. At mula nga noon, kataka-takang nagsimulang bumuhos muli ang masaganang ulan. Muling sumigla ang mga pananim sa kabundukan, nanumbalik ang lakás at tuwâ sa anyo ng mga tao’t hayop, at nakaraos sa mahabang tagtuyot ang Mambukál.

Natuwa ang aking mga kababayan sa pagpapalà ni Kanlaon. Natuwa rin ako, bakit hindi? Naunawaan ko, bagaman hindi ganap, kung bakit sa isang dalagang tulad ko ay matitighaw ang uhaw ng aming mga lupain. Ano ang nakitang katangian ni Kanlaon sa akin? Maaaring maganda ako, gaya ng ibang babae, o dalisay ang puso na bibihirang matagpuan sa kabataang kasinggulang ko. Ang ipinagtataka ko’y bakit ako ang naibigan ni Kanlaon? Hindi kayâ nagkataon lámang ang lahat? Maaari namang matanda o sanggol o binata ang ihandog kay Kanlaon. Ngunit ako? Marami pa akong tanong sa sarili. Gayunman, ang pagiging tapat at pagsunod sa nakatatanda ang katangiang naisaloob ng sinumang kabahagi ng aming lipi.

Hindi ko binigo ang aking mga kababayan.

Nagtutungo ako tuwing umaga sa dambanang nakatirik sa paanan ng bundok upang mag-alay ng mga bulaklak kay Kanlaon. Pinagbuti ko rin ang pag-aalaga ng apoy na sagisag ng aming pananampalataya kay bathala. Lumipas ang mga araw at buwan ay lalo kong pinagbuti ang paghahandog sa aming panginoon.

Sa isang di-inaasahang pagkakataon, nagawi sa dambana ang makisig na lalaking buhat sa pangangaso. Tumitig ang binata sa akin, at hindi maintindihan kung bakit ang kaniyang mga mata’y tila naglalagos sa aking kalooban. Kinabahan ako, at mabilis akong tumalilis sa dambana upang lumayo sa lalaking sa wari ko’y kaakit-akit, kaibig-ibig.

Nang magbalik ako kinabukasan sa dambana, muli na namang nagtagpo kami. Lumapit ang lalaki sa akin at nagpakilala, at pagkaraan ay napaamò niya ako sa pamamagitan ng kaniyang malalamyos na tinig at nakakikilig na titig. Sinamahan niya ako sa pag-aalay ng bulaklak, at kahit siya’y nag-alay din ng bagong huling baboy-damo. Kapuwa kami nagdasal, pagdarasal na lalong nagpalapit sa amin sa isa’t isa.

Nagtataka ang aking mga kamag-anak dahil lalong sumigla ang aking pag-aalay sa dambana habang lumalaon. Naniwala silang dininig ni Kanlaon ang aking mga panalangin, dahil malimit umambon o pumatak ang ulan. Lumungti’t yumabong ang mga halaman at punongkahoy sa aming paligid, at naging masagana sa pagkain o inumin ang mga tao. Ang hindi alam ng aking mga kababayan, palihim kaming nagtatagpo ng lalaking mangangaso. Aaminin ko, nahulog ang aking loob sa kaniya. Na tumibok ng pag-ibig ang aking dibdib. Na minahal ko ang lalaking kakaiba sa aming lipi.

Dumating ang sandaling pinangangambahan ko.

“Kudyapâ,” pabulong na winika sa akin ng aking kasintahan, “sumama ka sa akin. Magtanan tayo. Ibig kong ikaw ang mapangasawa ko!”

Tila may kumuliling sa aking pandinig. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Narito ang lalaking dalisay na naghahandog ng kaniyang pag-ibig sa akin. Nahati ang aking isip sa paghahandog ng bulaklak at pag-aalaga ng apoy para kay Kanlaon, at sa lalaking naghahain ng kaniyang sarili para sa isang pangarap na kaaya-aya.

Paano ko siya matatanggihan? Higit sa pagkagayuma ang aking nadama. Pinisil niya ang aking mga palad, at tinugon ko siya sa pamamagitan ng mahigpit na yakap. Nang papalabas na kami sa dambana’y biglang yumanig ang lupa. Lumindol nang napakalakas, nangabuwal ang matatangkad na punongkahoy, gumuho ang mga lupa, at habang kami’y tumatakbo upang tumakas ay gumuhit ang matatalim na kidlat sa may dagim na kalangitan. Kumulog nang kumulog, kasabay ng pagsuka ng usok ng lupain, at maya-maya pa’y umihip ang hanging umaalimpuyo na waring nagbabadya ng kapahamakan.

Kinabahan ako.

Nagalit marahil si Kanlaon, at ang pagtalikod ko sa panata’y ibinubunyag ngayon ng nagngangalit na kalikasan. Tinawag ko ang aking kasintahan ngunit ang kataka-taka’y ni walang lumabas na tinig sa aking lalamunan. Napípi ako. Sinubok kong tumakbo, subalit nanigas ang aking mga binti, at wari’y naghunos na mapuputing bato ang aking talampakan.

Walang ano-ano’y naramdaman kong nagpapalit ng anyo ang aking katawan. Pinilit kong abutin ang bisig ng aking minamahal ngunit ako’y unti-unting nalusaw sa kung anong dahilan. Nagsatubig ang aking katauhan, ang tubig na inaasam ng aking kababayan, ang tubig na hinihingi ng lahat upang mabuhay. Ang aking kayumangging balát, ang aking itim na buhok, ang aking balingkinitang katawan, ang aking damit, at ang lahat ng aking niloloob ay naging tubig. Tubig! Tubig! Tubig! Paanong nangyari ito? Wala akong maisagot at marahil, si Kanlaon lámang ang makapaglilinaw ng lahat.

Tinawag ako ng aking kasintahan. Sinikap niyang abutin ako, ako na nagsatubig, ngunit nabigo siya. “Kudyapâ! Kudyapâ!” sigaw niyang may bahid ng pighati. Di nagtagal ay nagsalimbayang muli ang kidlat at kulog, at nabanaagan ko na hindi makakilos ang aking mahal. Naramdaman ko ang poot ni Kanlaon, gaya sa digmaan ng magkaibang lipi, ang poot na mahiwagang nagpabago ng anyo ng aking kasintahan. Nagulat na lámang ako nang maging bato ang aking iniibig.

Mapagpalà pa rin si Kanlaon. Hindi naman kami pinaghiwalay nang ganap ng tadhana. Ang aking kasintahan na nagsabato ay patuloy na dinadaluyan ng sariwang tubig upang ipahiwatig kahit paano na mahal, mahal na mahal ko siya.

Tuwing may mga dayo o turistang napagagawi rito sa Mambukál, hinahangaan nila ang anyo kong naging mga talón, na patuloy na nagbibigay ng sariwa’t malamig na tubig. Napapansin din nila ang isang malaking bato, ang bato na siyang kasintahan ko. Ngunit higit nilang ibig magtampisaw sa gilid ng baybay, o lumusong at maligo. Nalimot na nila ang salaysay ng aking pag-ibig, ituring man ang lahat na kathang-isip, gaya nito.

2 thoughts on “Alamat ng Mambukal

  1. Ang ganda ng alamat na ito.. bakit ba ngayon ko lang nakita ang blog na ito?.. sana marami pang alamat ang itampok sa blog na ito.

    Salamat po.

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.