Diwata
Salin ng “Fairy” ni Arthur Rimbaud.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Para kay Helen, ang mga dagtang ornamental ay nakipagkutsaba sa mga birheng lilim at ang walang tinag na liwanag ay umayon sa katahimikan ng mga bituin. Ang init ng tag-araw ay inihabilin sa mga píping ibon at ang mga ipinapataw na katamaran ay ipinaanod sa bangka ng dalamhati nang higit sa katumbas ng mga baybay ng mga patay na pag-ibig at naglahong pabango.
—Matapos ang oras ng mangangaso, ang mga himig ng babae ay inawit sa tunog ng ragasa sa ilalim ng guho ng punò, ng mga kuliling ng baka sa alingawngaw ng lambak, at sa mga sigaw mula sa mga dalisdis.—
Dahil noong kabataan ni Helen, pinangatal niya ang mga balahibong balabal at anino—at ang dibdib ng dukha, at ang mga alamat ng langit.
At ang kaniyang mga mata at ang pagsayaw niya ay higit pa ring nangingibabaw sa mahahalagang sambulat ng liwanag, sa mga epekto ng lamig, sa kaluguran sa natatanging tagpo at sandali.