Salin ng “Los Letrados,” ni Gonzalo Rojas ng Chile.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Mga Letrado
ni Gonzalo Rojas
Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ginagawa nilang maging puta tayo lahat,
Winawaldas nila ang diwa sa maliligoy na wika,
At ipinaliliwanag ang lahat. Ang monologo nila’y
Gaya ng mga makinang punô ng langis,
At todong magmantsa sa kaylapot na metapisika.
Ibig kong makita sila sa katimugang karagatan,
Sa gabi ng maringal na habagat, habang ang kanilang
Ulo’y nababasyo sa ginaw, sinisinghot ang pighati
Ng daigdig,
Wala ni buwan,
At walang posibleng maipapalawig na katwiran,
Habang naninigarilyo, nasisindak, nauupos ang lakas.